ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 26, 2025

Photo: FB Kathryn Bernardo / Mayor Mark
TODO-REACT ang mga fans at supporters ni Kathryn Bernardo sa umiikot na balita na diumano’y nagli-live-in sila ng boyfriend niyang si Lucena Mayor Mark Alcala.
Sa isang condo raw sa BGC, Taguig sila magkasama, at doon din madalas na nakikitang namamasyal sa gabi hanggang madaling-araw.
Pero ang ipinagtataka ng mga netizens ay bakit kailangan pang ilihim nina Kathryn at Mayor Mark, gayung pareho naman silang single?
Anytime, puwede nilang aminin ang kanilang relasyon sa publiko, maliban na lang kung pamilyado na si Mayor Mark Alcala.
Si Kathryn naman ay nasa tamang edad na at natural lang na magkaroon na siya ng nobyo, lalo na matapos ang breakup nila ni Daniel Padilla. Hindi rin naman maaapektuhan ang career niya kahit aminin pa niya ang relasyon nila ni Mayor Mark. Kahit pa siguro magpakasal na si Kath, tiyak na tanggap pa rin siya ng kanyang mga fans.
Pero tanggap kaya ni Mommy Min kung totoo ngang nakikipag-live-in na si Kathryn sa nobyong mayor? Mukhang matagal nang hindi nagkikita si Kathryn at ang kanyang mommy dahil sa latest post ni Mommy Min sa Instagram (IG), may mga hugot ito ng kanyang pangungulila sa bunsong anak. Wala na bang komunikasyon ang mag-ina?
Todo-suyo, ayaw nang makita ng ex-GF…
GERALD, MALAKI ANG KASALANAN KAY JULIA
Finally, nagsalita na si Gerald Anderson tungkol sa kumakalat na balita na ang volleyball player ng Cignal HD Spikers na si Vanie Gandler ang third party sa hiwalayan nila ni Julia Barretto.
Ayon kay Gerald, hindi niya kilala nang personal si Vanie. Mahilig lang daw siyang manood ng volleyball, kaya inakala ng marami na ito ang ipinalit niya kay Julia.
Ganunpaman, inamin ni Gerald na malaki ang nagawa niyang kasalanan kay Julia, kaya humihingi siya ng tawad sa dating nobya at sinusuyo pa rin niya, kahit ayaw na siyang makita ng aktres.
Ang tanong ng marami ngayon, kung hindi si Vanie ang dinarayo ni Gerald sa panonood ng women’s volleyball, sino sa mga players ang kanyang natitipuhan? Kaya ba niyang aminin ito at ilantad sa publiko?
Hanggang kailan paiiralin ni Gerald ang kanyang pagiging chickboy? May balak pa ba
siyang magpakasal kung sakali?
Well, for sure, magiging maingat na ang susunod na babaeng mauugnay kay Gerald Anderson. He’s not the marrying type at hindi pa talaga handang maging seryoso sa pakikipagrelasyon.
Kuya nila, kahit namatay na…
GRETCHEN AT CLAUDINE VS. MARJORIE, TULOY
MARAMI ang nag-aabang kung darating sina Gretchen at Claudine Barretto sa burol ng panganay nilang kuya na si Mito Barretto. Si Marjorie ang punong-abala sa pag-aasikaso sa wake ng kanilang kuya.
Alam ng publiko na may gap pa rin sina Gretchen at Claudine kay Marjorie na hanggang ngayon ay hindi pa nase-settle. Noong burol ng kanilang ama sa Heritage Park, nagkaroon ng eksena ang magkakapatid na Gretchen, Marjorie, at Claudine. Namagitan pa noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mula noon ay hindi na nagkaroon ng pagkakataon na magkita at magkaayos ang tatlo.
Mahal na mahal nina Gretchen, Marjorie at Claudine ang kanilang Kuya Mito. Siya na kasi ang tumayong padre de familia nang yumao ang kanilang ama.
Maging ang mga anak ni Marjorie na sina Dani, Julia, Claudia at Leon ay naging malapit sa kanilang Tito Mito, kaya ganoon na lamang ang kanilang lungkot sa biglaang pagpanaw nito.
Tiyak na hindi titiisin nina Gretchen at Claudine ang kanilang Kuya Mito. Gagawa sila ng paraan upang makiramay sa pamilyang naiwan ng kanilang kuya.
Marami namang malalapit sa pamilya Barretto ang umaasa at nagdarasal na sana ay magkaayos na ang magkakapatid alang-alang sa ikatatahimik ng kanilang Kuya Mito.
MARAMI ang naghahanap kay Heart Evangelista sa ginanap na Trillion Peso March Rally sa EDSA Shrine, Luneta at Camp Aguinaldo. Maraming celebrities ang lumabas upang iparamdam ang kanilang disgusto sa nagaganap na katiwalian sa flood control scandal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bilyun-bilyong halaga ang involved sa mga projects at may mga pulitikong sangkot sa katiwalian.
Pero si Heart, mas minabuti na lamang ang manatili sa loob ng kanyang bahay. Nakarating kasi sa kanya ang balita na kapag pumunta siya sa rally, huhubaran siya at kakaladkarin ng mga raliyista.
Inalala ni Heart ang kanyang kaligtasan. Hindi man niya kagustuhan, nadadamay siya sa kanyang mister na si Sen. Chiz Escudero. Marami ang dismayado ngayon kay Sen. Chiz, at si Heart ay inaakusahang ‘nepo wife’ dahil sa kanyang collection ng mga luxury bags, shoes at jewelries.
Ilang beses nang naipaliwanag ni Heart na may sarili siyang pera at properties na naipundar bago pa siya nagpakasal kay Sen. Chiz Escudero. Maliwanag sa kanilang prenup agreement na kung anuman ang kanyang naipundar noong dalaga pa siya ay hiwalay iyon sa mga properties ni Sen. Chiz.
Hanggang ngayon ay kumikita siya dahil sa kanyang mga endorsements at sa pagrampa niya sa fashion week ng New York at Paris.






