ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 11, 2024
Hindi lang ang tisay na GF ni Carlos Yulo na si Chloe San Jose ang umeeksena at nanggugulo sa buhay ng two-time gold medalist sa Paris Olympics 2024. Pati na ang babaeng nag-sponsor at nag-finance sa training ni Carlos Yulo na si Cynthia Carrion ay nakikisali na rin.
Pinuna kasi ni Cynthia Carrion ang pagtawag ng ‘Caloy’ kay Carlos. Hindi na raw dapat ito ang itawag ng lahat sa kanya kundi “Carlos Yulo” dahil iba na raw ang status nito pagkatapos manalo ng dalawang gold medals sa Paris Olympics 2024.
Well, maraming kababayan ngayon ang nag-react sa isyung ito, lalo na ang malalapit na kaibigan ni Carlos. Nakasanayan na raw nila ang ganu’ng tawag kay Caloy. Bakit kailangang baguhin pa?
Puwede naman kung sa mga formal events na magiging guest siya ay “Carlos Yulo” ang itatawag sa kanya ng lahat. Nakasanayan na rin ng ating mga kababayan at mga co-athletes niya ang pagtawag sa kanya ng ‘Caloy’.
Nagkita sina Vilma Santos-Recto at Aga Muhlach sa burol ni Mother Lily Monteverde. Balita sa amin ni Aga, may movie silang gagawin ng Star for All Seasons.
Ayaw pang magbigay ng detalye ni Aga kung ano ang title ng movie at kung ano'ng movie outfit ang magpoprodyus, basta kakaiba raw ito dahil suspense-thriller ang tema.
Matagal ding hindi nagtambal sa pelikula sina Vilma at Aga, kaya excited na silang magkatrabahong muli.
Samantala, naging emosyonal si Vilma nang magsalita sa eulogy ni Mother Lily Monteverde. Sinariwa niya ang masasayang memories sa Regal Films na nagbigay sa kanya ng mga pelikulang magaganda at relevant. Dito siya nahasa nang husto sa pag-arte.
Nanalo siya ng Best Actress award sa pelikulang Broken Marriage na produced ng Regal Films. Last movie niyang ginawa sa Regal ay ang Mano Po 3: My Love noong 2004.
Hindi rin malilimutan ni Vilma Santos-Recto noong suportahan siya ni Mother Lily sa kanyang pagsabak sa pulitika. Binigyan siya ng presscon ni Mother noon nang kumandidato siyang mayor ng Lipa City.
Proud na proud si Sen. Bong Revilla, Jr. sa kanyang wife na si Congw. Lani Mercado dahil nagtapos ito sa kanyang Masteral Degree sa De La Salle University sa Dasmariñas, Cavite.
Master in Sustainable Leadership and Governance ang tinapos ni Congw. Lani at ginawaran ng highest distinction.
Sa kabila ng kanyang kaabalahan bilang congresswoman at pagiging full-time wife and mother, nabigyan pa rin niya ng oras ang pag-aaral at pagdaragdag ng kaalaman.
May panahon pa rin siya sa iba’t ibang charity projects na kanyang sinusuportahan.
Kaya naman, "Superwoman" ang tawag ng marami kay Congw. Lani.
May bagong partner at ka-tandem si Susan Enriquez sa programang IJuander na napapanood tuwing Linggo, 8 PM sa GTV.
Ang Pambansang Leading Man at comedian na si Empoy Marquez ang bagong makakasama ni Susan at tiyak na masaya ang bawat episode ng IJuander.
Nagpapasalamat naman si Empoy sa GMA Network sa bagong project na ibinigay sa kanya pagkatapos ng action seryeng Black Rider.
Mahahasa siya sa hosting at may pagkakataon pa siya na makaikot sa iba’t ibang bayan-lalawigan sa ‘Pinas.
Sa first episode ng IJuander na kasama siya ni Susan ay lilibutin nila ang kani-kanilang hometown. Si Empoy Marquez ay tubong-Bulacan at Caviteña naman si Susan Enriquez.
Tutuklasin nila ang mga masasarap na putahe at delicacies ng Bulacan at Cavite. Magkakaroon din sila ng cooking challenge na Caviteña vs. Bulakeño.