ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 8, 2025

Photo: James, Kathryn at Maja - Instagram
Nag-react ang mga fans ni Maja Salvador kung bakit tinanggap niya ang role bilang kontrabida sa seryeng pagtatambalan nina Kathryn Bernardo at James Reid sa pamamahala ng Dreamscape Entertainment.
Ilang beses nang nagbida si Maja sa serye at pelikula. Magaling siyang umarte at very professional. Sa gitna ng kompetisyon ng mga artista ay nagagawa niyang makipagsabayan.
Bilang artist, mahalaga kay Maja ang patuloy na pag-level-up sa kanyang career.
Matagal siyang nagpahinga nang magpakasal kay Rambo Nuñez at nagkaroon ng anak.
Pero na-miss din niya ang umarte at suportado ni Rambo ang kanyang pagbabalik-
showbiz.
Maganda ang serye na pagbibidahan nina Kathryn at James, kaya kahit na kontrabida ang kanyang role ay tinanggap niya. Besides, bilang isang artista, ang mahalaga ay ang magiging impact sa mga viewers ng kanyang role. At ang makasama si Kathryn Bernardo sa serye ay isang magandang oportunidad na hindi mapapalampas ng sinumang artista.
Magandang balita para sa mga fans ni John Lloyd Cruz (JLC) ang kanyang muling pagbabalik-showbiz upang gumawa ng pelikula. Isang malaking historical movie na ipo-produce ni Coco Martin ang gagawin ni JLC.
Nagkausap na sila ni Coco tungkol sa nasabing project at tinanggap na raw ito ni Lloydie. Inaayos na ang mga kakailanganin sa pagsu-shoot ng movie, kaya excited ang lahat na makita muli ang aktor na umaarte.
Mahigit tatlong taon din na hindi siya gumawa ng pelikula. Sinulit nang husto ni JLC ang kanyang pamamahinga. Request naman ng mga fans nila ni Bea Alonzo, sana ay maisingit ni Lloydie ang paggawa ng reunion movie nila ni Basha (Bea). Hinahanap pa rin ng mga moviegoers ang tandem nila sa pelikula.
Well, anything is possible sa showbiz. Posibleng pagbigyan ni JLC ang kanilang mga tagahanga ni Bea Alonzo at maaari ring magtuluy-tuloy na ang kanyang pagbabalik sa pag-arte. Napakabata pa ni John Lloyd Cruz upang magretiro sa showbiz. Marami pa siyang maiaambag sa industriya ng pelikula.
MARAMI ang nagtatanong kung bakit sa South Africa pa nagpunta si Ruffa Gutierrez para hanapin ang kanyang sarili. May mabigat ba siyang pinagdaraanan ngayon kaya bumiyahe siyang mag-isa?
Sa caption ni Ruffa habang ine-explore ang Safari land ng South Africa, “I am rediscovering myself.”
Aliw na aliw siya sa kanyang close encounter sa mga elephants at iba pang wild animals sa savanna.
“You only live once,” dagdag pa ni Ruffa.
Well, may kinalaman kaya sa relasyon nila ni Herbert Bautista ang kanyang soul searching ngayon? Totoo bang may regret daw si Ruffa sa kanyang desisyon na tapusin ang kanilang naging ugnayan?
Ilang taon ding tumagal ang relasyon nila ni Bistek at maraming happy memories noon sa piling nito.
Inaabangan ng lahat kung makakatagpo bang muli ng bagong pag-ibig si Ruffa Gutierrez. Muli ba niyang bibigyan ng second chance ang ex-husband niyang si Yilmaz Bektas? Balitang pursigido ang ex-mister sa panunuyo kay Ruffa.
Para sa kanyang mga anak, sinisikap niya na maging maganda ang kanilang relasyon ni Yilmaz. Si Yilmaz ang ama nina Venice at Lorin, kaya mananatili silang magkaibigan.
Pagdating sa larangan ng pag-ibig, hindi lang puso ang pinaiiral ni Ruffa Gutierrez. Ayaw na niyang masaktan. Matibay na siya at ipinaglalaban ang kanyang karapatan.






