top of page
Search
  • BULGAR

Walang epekto sa pagiging lehitimo ng bata ang pagkontra ng ina sa ‘filiation’ ng kanyang anak

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 1, 2020



Dear Chief Acosta,

May ex-girlfriend ako na kasalukuyang kasal na sa iba at mayroon na ring mga anak. Gayunman, sa aking pagkabigla, napag-alaman kong ipinagkakalat nito na ang panganay niyang anak ay sa akin diumano kahit pa man ang nakalagay sa record of birth nito na ama ay ang kanyang pinakasalan. Hindi ko mawari ang biglaang mga balita. Nais kong malaman kung maaari ba talagang bagu-baguhin, sa pamamagitan ng salita ng kanyang ina, ang tatay ng kanyang mga aKailangang bigyan-prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga guronak? – James


Dear James


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Article 167 ng Executive Order No. 209, o mas kilala sa tawag na Family Code of the Philippines, ang batas patungkol sa inyong katanungan, viz:


“Article 167. The child shall be considered legitimate although the mother may have declared against its legitimacy or may have been sentenced as an adulteress.”

Base sa nabanggit na batas, malinaw na hindi maaaring magdeklara ng taliwas sa lehitimong filiation ng bata ang isang ina. Sa katunayan, ang alituntunin na ito ay binigyang-diin ng Korte Suprema sa kasong Concepcion vs. Court of Appeals (G.R. No. 123450. August 31, 2005), sinulat ng yumaong Honorable former Chief Justice Renato Corona (na noon ay associate justice):


“First, the import of Ma. Theresa’s statement is that Jose Gerardo is not her legitimate son with Mario but her illegitimate son with Gerardo. This declaration ― an avowal by the mother that her child is illegitimate ― is the very declaration that is proscribed by Article 167 of the Family Code.

The language of the law is unmistakable. An assertion by the mother against the legitimacy of her child cannot affect the legitimacy of a child born or conceived within a valid marriage.

Second, even assuming the truth of her statement, it does not mean that there was never an instance where Ma. Theresa could have been together with Mario or that there occurred absolutely no intercourse between them.”

Sa iyong sitwasyon, nabanggit mo na kasal na ang dati mong girlfriend. Bukod pa rito, nasabi mo ring ang kinikilalang ama ng mga anak nito base sa record of birth ng mga bata ay ang kanyang pinakasalan o legal na asawa. Dahil dito, hindi maitatangging ang nabanggit na batas at desisyon ng Korte Suprema ay naangkop. Kaya naman, hindi maaaring kontrahin ng nanay (sa iyong kuwento) ang lehitimong filiation ng kanyang anak sa pamamagitan ng paglalahad na ikaw diumano ang ama ng kaniyang panganay.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page