ni Ryan Sison @Boses | Abril 10, 2024
Isang panukalang batas na nagbibigay ng scholarship para sa mga taong may kapansanan ang inihain sa House of Representatives.
Ito ang ginawa ni CIBAC party-list Representatives Eddie Villanueva sa ilalim ng kanyang House Bill 10078 o ang Scholarship Grants for PWDs Act of 2024, kung saan magmamandato sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED), sa koordinasyon ng Department of Social Welfare at Development (DSWD), na magbigay ng scholarship grant para sa mga PWD na may edad 25 pababa.
Sinabi ni Villanueva sa kanyang explanatory note, na patakaran o polisiya ng Estado na magpatupad ng mga programa at serbisyo na nakasentro sa mga pangangailangan ng mga PWD upang maiangat ang kalidad ng kanilang buhay.
Ang House Bill 10078 ay naglalayong magbigay ng scholarship grants sa mga PWDs upang gabayan sila sa kanilang pag-unlad at gawin silang isang contributory factor sa paglago ng ekonomiya ng ating lipunan.
Paliwanag pa niya, malaking tulong ito para sa kanila, kung makakamit ng mga PWDs ang college degree sa tulong ng gobyerno. Kaya naman labis siyang umaasa na maipapasa ang panukalang batas na ito.
Nakasaad din sa panukalang batas ni Villanueva na ang halagang kailangan para sa pagpapatupad ng naturang measure ay sisingilin sa mga appropriation para sa DepEd at CHED sa ilalim ng national budget law.
Ang panukalang batas ni Villanueva ay isinangguni na sa House panels on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education noong nakaraang March13, ang huling araw ng sesyon bago ang pag-adjourn ng sesyon ng Kamara. Habang ipagpapatuloy naman ang kanilang session sa April 29.
Ang mga kababayan nating PWDs ay may karapatan talagang makapag-aral at mabigyan ng sapat at magandang edukasyon.
Sa kabila ng kanilang mga kapansanan, kailangan nilang matuto, magkaroon ng college degree at makapagtapos ng pag-aaral para naman guminhawa rin ang kanilang pamumuhay pati na ang kanilang pamilya.
Subalit, marami sa kanila na walang kakayahan na makapasok sa mga paaralan, unibersidad at kolehiyo na nakatuon din sa kanilang pangangailangan. Iba rin kasi ang approach ng pagtuturo sa mga PWD gaya ng mga nasa elementary at high school na mga SPED school, na karamihan pa ay mga pribado.
Pero kung mabibigyan sila ng scholarship at makapag-enrol sa kursong kinahihiligan nila, tiyak na darating ang araw tulad ng mga ordinaryong estudyante ay makaka-graduate rin sila at kalaunan ay magkakaroon ng magandang trabaho.
Patuloy lang sana ang kinauukulan na mag-isip ng mga programang may malaking pakinabang sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments