top of page
Search
  • BULGAR

PHL Malditas, paghahandaan ang 2023 FIFA World Cup

ni Anthony Servinio - @Sports | July 7, 2020




Natulungan ang pangarap ng Philippine Malditas na makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup matapos piliin ng FIFA na ganapin ito sa Australia at New Zealand noong nakaraang buwan. Dahil dito, nagbukas ang posibilidad na mas maraming bansang Asyano ang makakalahok sa pinakamalaking torneo ng Football para sa kababaihan.


Hindi na kailangan dumaan sa qualifier ang Australia at New Zealand bilang punong abala. Ito rin ang unang Women’s World Cup na 32 bansa ang kasali, mas marami kumpara sa 24 noong 2019 sa Pransiya kaya maaring bigyan ng tig-isang dagdag na puwesto ang bawat kontinente.


“Just thinking about it really gives me so much excitement because it’s my dream,” wika ni Inna Palacios, ang beteranang goalkeeper ng Malditas sa kanyang panayam sa The-AFC.com. “I think it’s every athlete’s dream to reach the highest level of their sport, for Football it’s the World Cup, even more so than the Olympics.”


Kahit matagal pa ang torneo, hindi makahintay si Palacios na maglaro sa harap ng kanyang mga kamag-anak sa Australia. Hindi rin maalis sa isip niya ang muntikan nilang pagpasok sa 2019 Women’s World Cup kung saan nabitin sila ng isang panalo sa huling araw ng 2018 AFC Women’s Asia Cup sa Jordan.


Ginulat ng Malditas ang Jordan sa pagbukas ng torneo, 2-1, subalit sinundan ito ng dalawang talo kontra Tsina, 3-0, at Thailand, 3-1, upang magtapos ng ikatlo sa Grupo A. Dahil dito, nagharap sila ng Timog Korea para sa ika-lima at huling tiket patungong Pransiya subalit nanaig ang kalaban, 5-0.


Si Palacios ang naglaro sa lahat ng qualifier bago ang torneo sa Jordan pero binangko siya at mas ginamit ang Fil-Am teenager na si Kearra Bastes-Jones ng bagong talagang coach Rabah Benlarbi, isang Pranses. Naniniwala pa rin ang dating manlalaro ng De La Salle University sa UAAP na mahalaga ang kumuha ng mga Pinay sa ibayong dagat tulad ng ginagawa ng Azkals sa kalalakihan.


“I agree that there are so many good foreign-based players, but I also know that there are a lot of good local players,” dagdag ni Palacios na nabawi ang kanyang pagiging numero unong goalkeeper matapos mawala si Benlarbi. “I think if you have that good mix of players working together, it’s easier to find balance because they know their purpose and we’re all working together.”


Nagtapos ang Malditas na pang-apat sa nakaraang 30th Southeast Asian Games noong Disyembre. Nakatakda sanang ganapin sa Pilipinas sa unang pagkakataon ang 2020 AFF Women’s Championship subalit pinagpaliban muna ito dahil sa pandemya ng COVID-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page