ni Ryan Sison @Boses | April 17, 2024
Nagreklamo ang isang concerned citizen patungkol sa discipline waiver na ipinamahagi ng isang Grade 2 teacher sa kanyang klase sa isang pampublikong paaralan sa Rizal.
Batay sa report, hiniling sa mga magulang ng mga estudyante na pirmahan ang naturang waiver, kung saan nagpapahintulot sa guro na mag-instill ng disiplina sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga aksyon at verbal manner, pero hindi ito makakasakit sa kanila.
Ayon sa abogadong si Conrad Ezra Leano, na nagsuri sa waiver, ang mga naturang dokumento ay kinikilala sa ilalim ng batas. Gayunman, sinabi niyang sa ilalim ng Article 6 ng Civil Code of the Philippines, ang waiver ay itinuturing na walang bisa, kung ito ay labag sa batas (o ilegal) o kung ito ay sumasalungat sa mga umiiral na mga polisiya.
Paliwanag ni Leano, hindi naman nila ini-specify kung paanong paraan nila didisiplinahin ang mga bata. Giit niya dapat nating tandaan na mayroong mga guidelines at may mga batas na nagre-restrict sa aksyon ng isang guro.
Pahayag naman ng nasabing titser na ang waiver ay ginawa nang may mabuting intensyon, kaya aniya, hindi ito dapat ituring bilang isang discipline waiver, kundi isang liham o paalala.
Binigyang-diin din ng guro na ang pagpapataw ng disiplina ay sa positibong paraan, nang hindi nasasaktan ang mga mag-aaral.
Subalit sinabi ni Leano na kung ito ay sulat lamang, dapat ay hindi hinihingi ang pahintulot ng mga magulang at dapat dito ay ipapaalam lang sa kanila. At kung sulat ito, dapat itong naka-address sa magulang na pirmado ng guro.
Hindi naman nagbigay pa ng pahayag ang regional director ng Department of Education (DepEd) Region 4 tungkol dito.
Ayon sa nasabing guro, nakipag-ugnayan na sa kanya ang DepEd at ipinag-utos na itigil na ang pamamahagi ng naturang waiver.
Nakipag-usap na rin ang DepEd sa concerned parents ng mga estudyante at nilinaw na ang usapin.
Sinabi pa ni Leano na bagama’t ito ay ipinatigil nila, pupuwede pa rin naman nila disiplinahin ang mga bata, pero dapat maglabas sila ng guidelines, panuntunan at rekomendasyon.
Maganda ang hangarin ng guro na madisiplina ang mga mag-aaral lalo na kapag makukulit at pasaway.
Pero may tamang pagdidisiplina rin kasi sa mga bata at sa tingin ko ay responsibilidad iyon ng kanilang mga magulang.
Marahil, mas pagtuunan na lang ng ating mga guro ang pagtuturo sa kanilang mga estudyante para lalo pang madagdagan ang kanilang kaalaman at kasanayan. At kung sakaling may mga mag-aaral na matitigas talaga ang ulo may mga guidance counselor naman siguro sa mga paaralan, na silang mas eksperto sa behavior ng mga bata, na kakausap at magpapaliwanag sa mga ito kung nagiging pasaway na at hindi nag-aaral ng mabuti.
Gayundin, dapat na ipaalam natin sa mga magulang ang kalagayan ng kanilang mga anak para nababatid nila ang sitwasyon at ginagawa ng mga ito sa eskwelahan.
Tandaan sana natin na ang maayos na pag-uusap o komunikasyon ng bawat isa ay nakapagdudulot ng maganda at mabuting relasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments