top of page
Search
  • BULGAR

Iba’t ibang aspeto at isyu sa WPS, ipaliwanag sa mga mag-aaral

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 26, 2024



Fr. Robert Reyes


Isang linggo na ang nakararaan nang makauwi kami galing ng makasaysayang paglalayag sa Bajo de Masinloc, Zambales. 


Apat na pangulong at isang malaki-laking sasakyang dagat na may mahigit 50 bangkang mayroong tig-dadalawang sakay ang umalis noong madaling-araw ng Mayo, 15, 2024 tungo sa Bajo de Masinloc. Kulang-kulang 300 ang magkakasamang naglayag sa sari-saring sasakyang dagat upang panindigan sa kilalang dambuhalang mananakop na bansa na ang West Philippine Sea ay hindi sa kanila kundi sa ating mga Pilipino. 


Ilang araw pa lang nang makabalik ang lahat ng bumubuo ng grupong Atin Ito, nang magpahayag ang malaking bansang ito na sa susunod, huhulihin na ang sinumang makita nilang naglalayag sa “kanilang karagatan.” Napataas-kilay na lang ang marami dahil binaligtad ang lahat, na ang huhulihin ay ang may-ari ng WPSat hindi ang nanghihimasok dito.


Kumplikado ba ang istorya o pilit lang kinukumplika ang lahat ng China? Ano nga ba ang tunay na istorya ng WPS? Sa atin ba talaga ito, o baka naman sa China? Karapatan at pananagutan ba nating ipagtanggol ang WPS o ang China ba ang may karapatan at pananagutang ipagtanggol ito?


Para sa mga may edad na, hindi na ganu’n kahirap intindihin ang isyu ng WPS. Naipanalo na natin ito noong Hulyo 12, 2016. Nagpasya ang UNCLOS United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa kanyang “Arbitral Ruling” na walang batayan at walang bisa ang iginuhit na 9 Dash Line ng China na lumalampas sa exclusive economic zone ng Pilipinas at ng iba pang bansa sa Southeast Asia tulad ng Brunei, Malaysia, Vietnam at Indonesia. Hindi kinilala ng China ang pasya ng Arbitral Ruling ng UNCLOS at patuloy na iginigiit ang kanilang 9 Dash Line.

Noong 1946, lumabas ang isang mapa na mayroong linyang korteng U na nahahati sa 11 na maliliit na putol-putol na linya (11 Dash Line).  Opisyal na inilabas ito ng People’s Republic of China o PRC noong Disyembre 1, 1947. Tinanggal ni Mao Zedong ng PRC ang dalawang putol na linya habang gumaganda ang ugnayan ng China sa hilagang Vietnam. Sa ngayon, sinusunod din ng Taiwan ang 11 Dash Line ngunit hindi nito sinasabi kung ano ang sinasakop ng Taiwan.


Dahil hindi kinikilala ng China ang panalo ng Pilipinas sa Arbitral Ruling ng UNCLOS na nagpatibay sa sukat, lawak at lalim ng kanyang EEZ, patuloy itong nagpapadala ng kanyang mga Chinese Coast Guard at pati ang mga barko ng Chinese Navy. Ito ang malinaw na karanasan ng una at pangalawang Civilian Led Mission ng Atin Ito noong nakaraang Disyembre at Mayo 14-17, 2024.


Sinimulan na natin ang pagpapalaganap ng kampanya laban sa patuloy na pananakop at panggigipit ng China. Nanggaling na tayo sa mga sumusunod na Parokya: Sacred Heart, Kamuning; Immaculate Conception Cathedral, Cubao at Santo Niño de Violago. Inumpisahan na rin natin ang pagdalaw sa mga paaralan tulad ng St. Scholastica College upang ipaliwanag sa mga mag-aaral ang iba’t ibang aspeto at elemento ng isyu ng WPS.


Masalimuot para sa mga batang mag-aaral ang isyu ng WPS kaya’t idinaan na lang natin sa simpleng istorya ng Bata, Bayan at Bangka. 


Sinimulan natin sa kuwento ng bangka na walang tigil na paglalayag sa 7,100 mga isla. Hindi matapos ang paglalayag ng bangka dahil medyo mahirap puntahan ang lahat ng mga isla mula sa malalaki hanggang sa maliliit. Sa gitna ng kanyang paglalayag, nagpakita ang isang talang maliwanag. Sinundan ito ng bangka hanggang sa tumigil ang tala at sa ilalim nito nagpakita ang isang napakagandang babae at nagsalita ito:


Ako ang inyong Ina. Sa akin ipinagkatiwala ang mga tubig na ito. Regalo Niya sa inyo ang lahat ng nasa tubig at ilalim ng tubig. Bantayan ninyo ang lahat ng mga isla, malaki at maliit na pinalilibutan ng tubig. Sa inyo ang karagatang ito. Pinagkakatiwala Niya ito sa inyo. Buhay ninyo ang mga tubig na ito. Pansinin ninyo ang inyong buhay.


Napakahalaga ng tubig para sa inyong lahat. Binubuhay kayo ng tubig. Higit pa rito, kayo ay tubig, tubig kayo.”


Nakasakay sa mga munting bangka ang maliliit na mangingisda. Humaharap sila sa dambuhala, ang Coast Guard at Naval ship ng China. Pawang mga batang musmos na naglalaro sa bangka-bangkaan. Ngunit, hindi sila natatakot. Kalmado, kalmante ang lahat dahil naglalayag sila sa sariling tubig, sa sariling karagatan. Iniisip nila na bayan natin ito, bangka natin ito. Batang musmos man kung ituring, anak Niya kaming lahat habang Ina namin siya. Anak niya kami at karagatan namin ito at atin ito.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page