top of page
Search
  • BULGAR

Death benefits sa life insurance policy ng mister

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 11, 2024



Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay kumuha ng life insurance noong Disyembre 2019 at ginawa niya akong beneficiary. Makalipas ang isang linggo matapos mabayaran ang premium, nakuha na rin namin ang kopya ng insurance policy sa aming tahanan. Sa kasamaang palad, yumao ang aking asawa sa sakit sa baga ngayong taon. Ako ay nagtungo sa insurance company upang makuha ko ang death benefits na nakasaad sa kanyang life insurance policy. Nagulat ako nang sabihin ng insurance company na ang makukuha ko lamang ay ang refund ng mga premiums na binayaran ng aking asawa sa kadahilanang itinago diumano ng aking asawa ang kanyang sakit sa baga. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin akong nakukuha. Wala ba talaga akong makukuhang death benefits na nakasaad sa kanyang policy? Hihintayin ko ang inyong kasagutan. Maraming salamat. -- Melissa


Dear Melissa,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Section 48 ng Republic Act (R.A.) No. 10607 o mas kilala sa tawag na Amended Insurance Code of the Philippines. Ayon sa nasabing batas:


Section 48. Whenever a right to rescind a contract of insurance is given to the insurer by any provision of this chapter, such right must be exercised previous to the commencement of an action on the contract. After a policy of life insurance made payable on the death of the insured shall have been in force during the lifetime of the insured for a period of two (2) years from the date of its issue or of its last reinstatement, the insurer cannot prove that the policy is void ab initio or is rescindable by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent.” 


Paliwanag din ng ating Korte Suprema sa kasong Sun Life of Canada (Philippines), Inc. vs. Sibaya (G.R. No. 211212, June 8, 2016), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes: “After the two-year period lapses, or when the insured dies within the period, the insurer must make good on the policy, even though the policy was obtained by fraud, concealment, or misrepresentation.” 

 

Malinaw na nakasaad sa ating batas na ang insurance company ay mayroon lamang dalawang taon simula sa effectivity ng life insurance contract at habang ang insured (ang taong kumuha ng insurance) ay buhay pa upang patunayan na walang bisa ang insurance policy dahil sa pagtatago ng sakit o panloloko ng insured.


Samakatuwid, sa iyong sitwasyon, ikaw ay may karapatang makuha ang death benefits na nakasaad sa life insurance policy ng iyong asawa dahil hindi na maaaring sabihin ng insurance company na walang bisa ang insurance policy na nakuha ng iyong asawa noong taong 2019 dahil lampas na sa dalawang taon mula ng magkaroon ng bisa ang nasabing insurance policy. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page