Search
  • BULGAR

2X ginulat ng PHL Team ang Indons sa FIBA Esports

Updated: Jun 25

ni Anthony Servinio | June 22, 2020




Isang bagong kabanata sa mayamang kasaysayan ng Basketball sa Pilipinas ay binuksan noong Biyernes matapos magwagi ang Team Pilipinas ng dalawang beses kontra Indonesia sa unang araw ng FIBA Esports Open 2020. Ang mga iskor na 56-29 at 64-30 ay nagbigay sa mga Pinoy ng 2-0 na kalamangan sa kanilang seryeng best of five na nagpatuloy Sabado ng gabi.


Matinding depensa at tira sa labas ang naging susi ng kambal na tagumpay kasama ang malalim na karanasan at kaalaman ng koponan. Ang mga laro ay hinati sa apat na quarter na limang minuto bawat isa kaya binilIsan din ang tiyempo na nagresulta ng maraming dunk.


Sa unang laro, pinasok ng Pilipinas ang magkasunod na tres upang buksan ang huling quarter at maabot ang kanilang pinakamalaking kalamangan, 50-23. Maagang sumuko ang mga Indones at naghanda para sa rebanse.


Mas ganadong Indonesia ang dumating para sa pangalawang laro at nagawa pa nilang lumamang sa second quarter, 15-14. Sinagot ito ng 11 sunod-sunod na puntos ng Pilipinas upang lumamang sa pagsapit ng halftime, 25-15, at lalong diniin ang kalaro sa second half.


Nagpamalas ng husay sina Custer Galas, Aljon Cruzin at Philippe Herrero IV sa dalawang panalo. Nag-ambag din ng tulong sina Rial Polog Jr. at Clark Banzon.


Ang magwawagi sa serye ng Pilipinas at Indonesia ay tatanghaling kampeon ng Timog Silangang Asya. Gagawaran ng pinakabagong edisyon ng NBA2K21 Digital bago pa ito lumabas sa merkado ang lahat ng kampeon sa bawat kontinente.


Mapapanood ang lahat ng laro sa Facebook at YouTube ng FIBA. Maaring manalo ng sombrero o t-shirt ang ilang masuwerteng fans.


Sa ibang mga laro, parehong nagtagumpay ng tatlong beses ang Lithuania at Espana upang sumosyo sa liderato ng Europa. Panalo ang Lithuania sa Cyprus (85-51), Switzerland (67-55) at Ukraine (81-55) habang winalis ng Espanya ang Austria (83-39), Russia (92-47) at Switzerland (81-42).


Malinis rin ang Italya na wagi sa Latvia (79-54) at Russia (62-52). Maglalaro ng single round ang siyam na bansa at ang may pinakamataas na kartada ang magiging kampeon ng kontinente.


Tabla sa 1-1 ang mga serye para sa Oceania sa pagitan ng New Zealand at Australia at sa Timog Amerika na Argentina kontra Brazil. Nakauna ang Saudi Arabia sa Lebanon, 87-54, sa serye ng Gitnang Silangan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.