ni Ka Ambo - @Bistado | September 22, 2021
Natutuwa tayo sa ulat na umaksiyon na ang DOH-Calabarzon para imbestigahan ang binanggit nating nakatenggang bangkay na COVID-19 positive sa Quezon Medical Center sa Lucena City sa Quezon.
Kinumpirma ito mismo ni DOH- Calabarzon director Eduardo Janairo sa panayam ng ABS- CBN!
◘◘◘
MALINAW sa video footage ang isang bangkay na inuuod na sa loob ng body bag gayung may kautusan ang DILG at DOH na ang mga namatay sa COVID ay kailangang ma-dispose sa loob lamang ng 12-oras.
Inamin ni Dir. Janairo na ang gusto ng mga kaanak ng namamatay sa COVID- 19 virus ay ma-cremate ang bangkay ng mga ito!
◘◘◘
DAHIL sa kakulangan ng crematorium ay puwede rin “i-seal" sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataol na paglalagakan sa mga ito saka ilibing.
Ang Quezon Medical Center ay nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan kaya’t dapat umaksiyon agad si Gov. Danilo Suarez!
◘◘◘
SA panayam, naghugas ng kanyang kamay si direktor ng ospital na si Dr. Padre at itinuro ang DILG at mga lokal government units bilang responsable sa mga bangkay.
Hindi naman itinanggi ni Gov. Suarez ang nangyaring insidente na pagdagsa ng mga patay sa ospital!
◘◘◘
NAGTATAKA ang mga taga-Quezon kung bakit hindi maayos ang pangangasiwa sa mga biktima ng COVID-19 sa lalawigan.
Nagdududa ang marami kung may kakayahan o nakahanda ang provincial government sa pagresolba sa pandemic!
◘◘◘
SA totoo lang, nakapokus dapat ang lahat ng pagkilos ng gobyerno sa pagtulong sa mga biktima ng pandemic.
Ito ang dahilan kung bakit natutuwa ang mahigit 600 pastor mula sa 562 churches sa P10-K ayuda na ibinibigay ng grupong BTS ni dating Speaker Alan Peter Cayetano!
◘◘◘
HINIHIKAYAT ngayon ng mga naturang pastor kasama ang may 1,564 miyembro si Cayetano na kumandidatong pangulo sa 2022.
Nabuburyong ang mga religious leader sa kaliwa’t kanang black propaganda ng mga aspirante sa 2022 na panay dakdak pero walang gawa!
◘◘◘
IKINATUWA rin ng mga religious leaders ang plataporma ni Cayetano na faith-based at Bible centered program kung saan layunin labanan ang talamak na pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ipopokus din sa solidong pamilya ang pagbabago kung saan susugpuin ang pagkalulong ng mga tao sa sugal, droga at korupsiyon!
◘◘◘
MALAPIT na ang deadline ng filing ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa nasyunal at lokal na posisyon para sa halalan 2022.
Hindi na rin tumigil ang bangayan at patutsadahan ng mga kakandidato, lalo na sa panguluhan!
◘◘◘
HINDI natin masisisi ang ating mga kababayan na maghanap ng alternatibong mamumuno sa ating bansa.
Ang nangyayari kasi ngayon, imbes na pagplanuhan at pag-isipan ang kapakanan ng taumbayan, kaliwa’t kanan ang mga black propaganda na nagsasalimbayan ngayon laban sa bawat kampo ng mga kandidato!
◘◘◘
SA gitna ng krisis, dapat tayong mag-esep-esep kung sino ang dapat ilukluk sa pamahalaan.
Tayo mismo ang solusyon sa krisis kapag tumpak ang pagpili sa eleksiyon!