ni Ka Ambo - @Bistado | September 26, 2021
Magkaiba ang prediksiyon ng DOH at IATF.
Hindi sila nalalayo sa mga tarot reader sa Quiapo!
◘◘◘
NAGBABAYAD ang mga nagpapahula sa baraha sa Quiapo kahit common sense ang prediksiyon ng card reader.
Ang problema sa DOH at IATF, kapos sila sa common sense pero nanghuhula!
◘◘◘
INAAMIN ng DOH sa maraming pagkakataon na may error sa data.
'Ere namang OCTA research ay espekulasyon naman ang diskarte!
◘◘◘
SA nalalapit na eleksiyon, hindi maiiwasang magdesisyon ang mga botante batay sa kakayahan ng bawat kandidato na magdesisyon at umaksiyon kaugnay sa pandemic at krisis.
Nagpapayo ang ilang doktor kung ano'ng klaseng katangian ng isang opisyal na dapat maluklok sa gobyerno!
◘◘◘
DAHIL sa modernisasyon dapat makasabay din sa nagbabagong henerasyon ang mga ihahalal sa 2022.
'Yan mismo ang rekomendasyon ng dating health presidential adviser na si Dr. Anthony Leachon!
◘◘◘
SA tweet ni Dr. Leachon ipinayo niya na: “The May 2022 election is different from all previous elections. We have only one chance to redeem ourselves. We can’t afford to commit a fatal mistake!”
“Choose leaders who are: 1. Honest ; 2.Competent ; 3. Inspiring ; 4. Forward looking ; at 5. With Moral Courage.”
◘◘◘
TINUKOY naman ng economist na si Winnie Monsod, ang mga katangian na dapat taglayin ng susunod na mamumuno sa bansa.
Para kay Monsod, “Ang pinuno ay nagbibigay ng partisipasyon para sa lahat, tumutupad sa pinagkasunduan, walang itinatago, tapat sa pananagutan, mabilis tumugon, epektibo at mabisa, pantay-pantay magtrato at may respeto sa batas.”
◘◘◘
ANG mga katangian 'yan ang susugpo sa korupsiyon, didinig sa mga tinig ng mga naaagrabyado, at gagalang sa minorya bago magpasya.
Pwes, sinong kandidato ang aangkop d'yan?
◘◘◘
TATLONG presidential aspirants na ang deklarado.
May nagsasabing si Sen. Ping Lacson lang ang angkop sa ganyang diskarte.
Ikaw, sino ba ang manok mo para riyan?