ni Ka Ambo - @Bistado | October 03, 2021
Nagsimula na ang pagsusumite ng COC sa Comelec.
Siyempre, nagsimula na rin ng debate sa mga barberya at beauty parlor.
Kani-kanyang manok ang mga barbero, manikyurista at miron!
◘◘◘
MARAMI ang aastang political analyst.
Pero karaniwan d'yan ay simpleng tsismoso’t tsismosa lang.
He-he-he!
◘◘◘
MULA nang maupo sa Malacañang ang dating mayor ng San Juan City na si Pareng Erap, nauso nang kumandidato bilang pangulo ang mga mayor.
Tinangka rin ito ng dating mayor ng Makati na si Jojo Binay pero sinupalpalan siya ng kaso ng korupsiyon sa pagtatayo ng parking building!
◘◘◘
HINDI nga nakalusot si Mayor Binay pero nakasilat naman ang dehadong mayor ng Davao City na si P-Digong.
Dinudumog ang Comelec ng mga mayor na nangangarap ding
maging pangulo!
◘◘◘
SA totoo lang, hindi ba’t hindi naman napatino ni Erap ang bansa, bagkus ay hindi niya natapos ang termino dahil sa isyu ng korupsiyon.
Hindi biro dahil malakas ang ebidensiya kaya't nakalaboso siya sa Tanay camp!
◘◘◘
IBINABANDO pa ni Erap sa kampanya ang “walang kai-kaibigan, walang kumpa-kumpare” .
Pero, diyusnamabaging langit, hindi naman nasunod!
◘◘◘
TULAD ni Mayor Erap, ipinangako rin ni P-Digong ang “langit” at pinaniwalaan din ng mga botante.
Ilang buwan lang daw ay tapos na ang problema sa ilegal na droga at korupsiyon.
Matatapos na ang termino ni P-Digong, saku-sakong shabu pa rin ang nasasabat at lantaran ang korupsiyon!
◘◘◘
SA ngayon, maugong ang pangalan ng dalawang mayor na sina Isko at Sara.
Pareho silang nangunguna sa presidential survey!
◘◘◘
INABISO na ni Mayor Isko na kapag siya ang nagwagi, mananatili sa puwesto ang taga-Malacañang.
Malinaw na walang gaanong pagbabago sakaling magwagi si Moreno!
◘◘◘
INAASAHAN sasakay din kay Mayor Isko ang dilawan kaya’t babalik lang din ang dating administrasyon.
Walang pagbabagong maasahan!
◘◘◘
SAKALING magwagi naman si Mayor Sara, siyempre alam na agad natin ang resulta.
Hindi puwedeng mamunga ng santol ang puno ng mangga.
Kung durian ang puno, siyempre, durian din ang bunga nito.
Wala nang iba pang amoy!
◘◘◘
KAYO, ano sa palagay ninyo?
Mayor pa rin ba ang dapat maupo sa Malacañang?