- BULGAR
- Sep 28, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 28, 2023

Mga laro sa Sabado – MOA Arena
2 p.m. UE vs. UST
4 p.m. UP vs. AdU
Magbubukas ang 86th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Sabado sa MOA Arena sa pangunguna ng host University of the East. Matapos ang dalawang taon na pagbangon sa pandemya, balik sa dating sigla ang pangunahing ligang pampaaralan ng bansa taglay ang temang “Fueling The Future.”
Nagkakaisa muli ang 8 coaches ng Men’s Basketball na bukas ang karera subalit lumalabas na maagang paborito ang defending champion Ateneo de Manila University at mga kanilang nakasama sa Final 4 na University of the Philippines, National University at Adamson. Subalit hindi pahuhuli ang De La Salle, Far Eastern University, University of Santo Tomas at host UE bunga ng kinuhang bagong manlalaro.
Sa ngayon, nakatutok ang pansin ng mga coach sa kanilang unang mga laro simula sa pagharap ng UE sa UST sa Sabado simula ng 2 p.m. at susundan ng Ateneo kontra NU sa 4:00. Sa Linggo ang tapatan ng DLSU at FEU at UP laban sa Adamson.
Ito na rin ang unang sabak ng bagong talagang Commissioner Xavier Nunag at kanyang Deputy Atty. Mariana Lopa na parehong mga dating manlalaro para sa UP at Ateneo. Isa pang pagbabago ngayong taon ang pagiging bahagi ng mga coach at atleta ng Women’s Basketball sa pambungad na pulong balitaan noong Miyerkules.
Mananatiling hindi kikilalanin ng UAAP ang Special Guest License ng Games and Amusements Board (GAB) subalit ayon kay Executive Director Atty. Rebo Saguisag na bukas ang liga na pag-aralan ang mga kasong dala ng mga apektadong sports tulad ng Basketball, Volleyball, Football at Chess. Maaaring magkaroon ng pagkakataon na maibalik sa atleta ang karapatan na maglaro sa liga matapos makakuha ng SGL pero kailangan may mga matupad na pangangailangan tulad ng pag-upo ng isang taon.






