- BULGAR
- Dec 4, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 4, 2023

Mga laro ngayong Lunes – Buddhacare
9 AM St. Clare vs. OLFU (Jr)
10:30 AM UMak vs. OLFU (W)
Maghaharap sa 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball Super Finals ang defending champion St. Clare College of Caloocan at Our Lady of Fatima University matapos talunin ang magkahiwalay na kalaro sa Final Four noong Huwebes sa Amoranto Sports Complex. Ang winner-take-all ay gaganapin sa Disyembre 12 sa FilOil EcoOil Centre.
Unang pinauwi ng #1 St. Clare ang #4 Enderun Colleges, 71-59, ang dalawang paaralan na lumaban para sa titulo noong nakaraang taon. Bumanat ng 15 puntos si Best Player Drick Acosta at tumanggap ng tulong mula kay Megan Galang na may 12 at Babacar Ndong na may 11.
Nagsabog ng 17 puntos ang reserba at Best Player Gab Gotera upang suportahan ang higanteng si Mamadou Toure na may 18.
Sa Juniors, sinelyuhan ng #1 New Era University unang tiket sa Super Final at pinabagsak ang #4 Philippine Christian University, 69-51. Nagtala ng bihiring triple double na 11 puntos, 14 rebound at 10 tapal si Divine Adili upang mahirang na Best Player.
Maghihintay pa ng kalaro ang Junior Hunters at binigo ng #3 at defending champion St. Clare ang #2 Fatima, 86-78. Namayani si Best Player Chris Ian Dumancas sa kanyang 21 puntos.
Sa Women’s, pasok na ang #1 at defending champion Enderun at tinambakan ang PCU, 85-34. Best Player si Kyla Laylo na may 14 puntos.
Ang mga knockout para sa nalalabing upuan sa Super Finals ay ngayong Lunes sa Buddhacare Gym sa Quezon City. Unang maghaharap ang Junior Saints at Junior Phoenix sa 9:00 at susundan ng Lady Herons at Lady Phoenix sa 10:30 ng umaga.






