top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 20, 2026



Fr. Robert Reyes


Taong 1966 nang magsimula ang munting pamayanan ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Barangay Bahay Toro, Quezon City. Taong 2026 na ngayon. Animnapu’t taon na ang lumipas.


Noong nakaraang linggo, pinarangalan ng parokya ang tatlumpung yumaong parokyano na naglingkod nang tapat hanggang sa katapusan ng kanilang buhay. Naaalala pa natin ang halong galak at lungkot sa mga mukha ng kanilang mga kamag-anak na dumalo sa pagtitipon.


Maliban sa tatlong unang paring yumao na nakasama natin sa ilalim ni Jaime Cardinal Sin, mula kay Padre Caparas hanggang kina Padre Laban at Padre Mortillero, hindi natin personal na nakilala ang karamihan sa mga pinarangalan. Ngunit sa simpleng pagmasid sa mga mukha ng mga lider na nag-alay ng kanilang sarili sa paglilingkod, naunawaan natin ang kahalagahan ng pagbabalik-tanaw at pag-aaral ng kasaysayan sa paghubog ng kasalukuyang parokya at pamayanan ng Ina ng Laging Saklolo.


Nagsimula na kagabi ang nobenaryo ng mga misa bilang paghahanda sa dakila at banal na pagdiriwang ng Pista ng Parokya. Sa pagkakataong ito, hindi muna natin piniling magbahagi ng pagninilay tungkol sa animnapu't taong kasaysayan ng parokya. Sa halip, ibinahagi natin ang ating karanasan sa paglilingkod sa nakalipas na limang taon, mula Hunyo 2021 hanggang Hunyo 2026.


Ang pangunahing tema ng nobenaryo hanggang sa pista ay: “Huwag Kayong Matakot, Kasama Ninyo Ako Lagi” (Isaias 41:10).


Marami tayong kinatatakutan at iba-iba ang paraan ng bawat isa upang harapin ang mga ito. Ayon sa mga sikologo, may pitong pangunahing takot ang tao: (1) kahirapan, (2) kritisismo, (3) pagkawala ng pag-ibig, (4) sakit, (5) pagtanda, (6) kamatayan, at (7) pagkawala ng kalayaan.


Marami sa mga takot na ito ang nakapaloob sa kasalukuyang pandaigdigang pangamba sa digmaan. Nakalulungkot na may mga pinuno ng makapangyarihang bansa na piniling magsimula ng mga digmaan upang ipakita ang kanilang kapangyarihan at isulong ang kanilang layunin na sakupin o kamkamin ang yaman ng ibang bansa.

Hindi na natin tatalakayin nang detalyado ang masalimuot na usaping ito, bagama’t ito ang tema ng unang araw ng Misa Nobenaryo.


Sa halip, ipinaliwanag natin na ang maraming digmaan ay hindi nagsisimula sa labas kundi sa loob ng tao—sa isip at kalooban ng mga lider na naniniwalang may pakinabang sa pakikipagdigma, manalo man o matalo. Kapag ang kanilang kalooban ay hindi nakatuon sa kapayapaan at pakikipagtulungan, madaling mauwi sa tunggalian at sigalot ang kanilang mga salita at kilos, hanggang sa humantong sa marahas, mapanira, at nakamamatay na mga aksyon.


Nabanggit din natin na nakikialam ang Diyos sa mundong pinatatakbo ng mga pinunong mahilig sa alitan, digmaan, at pagkamkam ng kapangyarihan at kayamanan. Isang matinding paalala ang nangyari noong 2020.


Noong Marso 15, 2020, nagsimula ang pandaigdigang lockdown. Ipinagbawal ang paglabas ng bahay, at nagbantay ang mga pulis at sundalo upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19. Napakarami ang nahawa at namatay. Napuno ang mga ospital at nagkaroon ng kakulangan sa gamot at oxygen. Sa ilang bansa, tulad ng India, sa mga lansangan na isinagawa ang pagsusunog sa mga yumao dahil sa dami ng nasawi. Sa Pilipinas naman, ginamit maging ang mga paaralan at simbahan bilang pansamantalang pasilidad para sa mga maysakit.


Masakit ang naging karanasan ng buong mundo sa panahon ng pandemya. Marami ang nawalan ng magulang, kapatid, anak, kaibigan, kapitbahay, at kasamahan sa trabaho.

Nang humupa ang pandemya noong kalagitnaan ng 2022, dapat sana’y naging seryosong paksa ng pagninilay at pagpaplano ng buong mundo ang mga aral na natutunan upang hindi na maulit ang ganitong trahedya. Lumitaw noon ang konsepto ng “New Normal.” Ipinahiwatig nito na hindi na dapat bumalik ang mundo sa mga dating gawi na maaaring naging sanhi ng paglitaw ng pandemya.


Ngunit nakalulungkot na tila hindi ito ang direksyong tinahak ng marami. Sa halip, mabilis na bumalik ang mundo sa dating nakasanayan o “Old Normal.” Kasabay nito ang paglaganap ng maling impormasyon at pekeng balita sa social media, na lalo pang pinalakas ng malawakang paggamit ng cellphone. Napakalaki ng impluwensiya ng social media—maaari itong gamitin para sa kabutihan, ngunit maaari rin itong magamit sa kasamaan.


Opo, may mga digmaang nagaganap sa labas—mga pisikal at aktuwal na digmaan. Ngunit kadalasan, nagsisimula ang mga ito sa loob ng tao: sa isip, diwa, imahinasyon, at kaluluwa.


Ayon kay Joan of Arc, “Lahat ng laban ay napapanalo o natatalo muna sa isip ng tao.”

Sa nakalipas na animnapung taon, mahalagang balikan, pag-aralan, pagnilayan, at pagkunan ng aral ang mga naging pananaw, pagpapasya, at konkretong gawa ng mga pari, lider-layko, at ng buong pamayanan ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City.


Magandang tanungin ang ating sarili: Kanino tayo sumunod? Kanino at paano tayo naglingkod? Amen.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 20, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais ko lamang itanong kung maaari bang managot nang personal ang isang opisyal o direktor ng korporasyon sa ilegal na pagtanggal ng empleyado? Maaari bang sila ay mapanagot kasama ng mismong korporasyon?Emma





Dear Emma,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating mga umiiral na batas, at kaugnay na mga kaso. Hinggil dito, ang sagot sa iyong katanungan ay nakasalalay sa kung ang opisyal o direktor ng korporasyon ay sadyang pumayag o sangkot sa ilegal na pagtanggal sa empleyado, o kung siya ay kumilos nang may masamang loob o matinding kapabayaan sa pamamahala ng korporasyon.


Bilang pangkalahatang tuntunin, ang isang korporasyon ay may hiwalay at natatanging personalidad na naiiba sa mga direktor, opisyal, at empleyado nito. Dahil dito, ang mga obligasyon ng korporasyon ay karaniwang pananagutan lamang ng mismong korporasyon at hindi ng mga taong kumikilos para rito.


Gayunman, may mga pagkakataon na maaaring managot nang personal at solidaryo ang mga opisyal o direktor, kasama ng korporasyon. Ito ay nakasaad sa Section 30 ng Republic Act (R.A.) No. 11232 o ang “Revised Corporation Code of the Philippines,” na nagsasaad:


 “Section 30. Liability of Directors, Trustees or Officers. – Directors or trustees who willfully and knowingly vote for or assent to patently unlawful acts of the corporation or who are guilty of gross negligence or bad faith in directing the affairs of the corporation or acquire any personal or pecuniary interest in conflict with their duty as such directors or trustees shall be liable jointly and severally for all damages resulting therefrom suffered by the corporation, its stockholders or members and other persons.” 


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Kho vs. Magbanua, (G.R. No. 237246, 24 July 2019), sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe, ang sumusunod:


However, it bears emphasis that a finding of personal liability against a director, trustee, or a corporate officer requires the concurrence of these two (2) requisites, namely: (a) a clear allegation in the complaint of gross negligence, bad faith or malice, fraud, or any of the enumerated exceptional instances; and (b) clear and convincing proof of said grounds relied upon in the complaint sufficient to overcome the burden of proof borne by the complainant.


Gayunman, binigyang-diin din ng Korte Suprema na hindi sapat ang simpleng pagbibintang lamang laban sa opisyal o direktor kasama ng korporasyon. Kinakailangan na may malinaw na alegasyon at sapat na ebidensya na siya ay kumilos nang may bad faith, pandaraya, o matinding kapabayaan upang siya ay personal na mapanagot.


Samakatuwid, hindi awtomatikong mananagot ang isang opisyal o direktor sa lahat ng ilegal na pagtanggal ng empleyado laban sa korporasyon. Kinakailangan munang mapatunayan na siya ay direktang sangkot sa ilegal na gawain at kumilos nang may bad faith, matinding kapabayaan, o may sadyang pagpayag sa malinaw na ilegal na hakbang ng korporasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 20, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ANTI-POLITICAL DYNASTY VERSION NINA SPEAKER BOJIE AT CONG. SANDRO, PEKE RAW – Kinondena ng iba't ibang business organizations, religious groups, civil society groups at cause-oriented groups ang ipinasa ng Kamara na bersyon ng anti-political dynasty bill nina Speaker Bojie Dy at House Majority Leader Rep. Sandro Marcos.

Mapuputakte talaga ng batikos sina Speaker Bojie at Cong. Sandro sa isyung ito dahil lumalabas na tila “anti-political dynasty” lamang sa pangalan ang kanilang bersyon.


Ipinagbabawal man nito na sabay na maging senador ang magkapatid o magulang at anak, pinapayagan naman ang magkakapamilya na sabay-sabay kumandidato sa mga posisyon bilang senador, kongresista, gobernador, bise gobernador, mayor, bise mayor at konsehal. Kaya para sa mga kritiko, hindi ito anti-political dynasty kundi pro-political dynasty. Buset!


XXX


KUNG INAAKALA NINA SEN. CHIZ AT SEN. JOEL LUSOT NA SILA SA KASO KASI NASA GATCHALIAN BLOC NA SILA, NAGKAKAMALI SILA – Nanawagan ang mga progresibong grupo kay Ombudsman Boying Remulla na ituloy pa rin ang mga kasong plunder laban kina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva kahit lumipat na ang dalawa sa Gatchalian bloc.


Kaya kung inaakala nina Sen. Escudero at Sen. Villanueva na lusot na sila sa mga kaso dahil nasa kampo na sila ng Gatchalian bloc, nagkakamali sila. May mga progresibong grupong patuloy na kakalampag sa Ombudsman upang ituloy ang mga kaso laban sa kanila. Boom!


XXX


DAPAT LUBAYAN NA NINA SEN. CAYETANO AT LACSON ANG BANGAYAN KASI HINDI SILA INIHALAL PARA MAGPATUTSADAHAN SA SENADO – Kahit si Sen. Sherwin Gatchalian na ang Senate President ay tuloy pa rin ang patutsadahan nina Sen. Alan Cayetano at Sen. Ping Lacson.


Dapat tigilan na nina Sen. Cayetano at Sen. Lacson ang bangayan na ito dahil hindi sila inihalal ng taumbayan para lamang magbangayan sa Senado. Period!


XXX


JAPAN, KINILALA ANG HUSAY SA PAGLILINGKOD NI GOV. DANIEL FERNANDO KAYA ASAHAN NANG DADAGSAIN NG JAPANESE INVESTORS ANG BULACAN – Kinilala ng Japan ang kahusayan sa paglilingkod ni Bulacan Gov. Daniel Fernando kaya pinarangalan siya sa 15th World Class Excellence Japan Awards at ginawaran ng Excellence Award.


Dahil dito, inaasahang dadagsain ang Bulacan ng mga Japanese investors. Abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page