top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 7, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Tuwing buwan ng Hulyo, ipinagdiriwang natin ang National Schools Safety Month. Sa kasalukuyan, mas napapanahon ang mensahe ng pagdiriwang na ito, bagama’t nakakalungkot at nakakabahala ang paglala ng mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan.


Nitong nakaraang linggo, nagsagawa ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ng isang pagdinig, kung saan tinalakay kung paano naiimpluwensyahan ng social media at smartphone ang ating mga kabataang gumawa ng karahasan.


Isa sa mga paksang natalakay sa naturang pagdinig ang nihilistic violent extremism (NVE) na iniuugnay sa lumalalang karahasan ngayon sa mga paaralan sa buong bansa. Ginagamit ng mga nasa likod ng NVE ang social media at gaming apps upang targetin ang mga kabataan.


Gamit ang social media at online games, kinukuha ng mga kawatan ang tiwala ng mga menor-de-edad, isinasailalim sila sa online grooming, at minamanipula upang gumawa ng mga mararahas na gawain. Isa sa mga insidenteng pinaghihinalaang may kaugnayan sa NVE ay ang napigilang tangka ng pitong mag-aaral sa Laguna na magsagawa ng pag-atake sa kanilang paaralan.


Batay sa mga ulat, lumalabas na naimpluwensyahan ang mga mag-aaral sa mobile game na Roblox. Kung babalikan naman natin ang naging insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Lungsod ng Tacloban, lumalabas sa mga ulat ang malaking impluwensya ng sandbox game na GoreBox sa isa sa mga suspek. 


Sa nakaraang pagdinig din ay sinabi ng Department of Justice (DOJ) na sa kasalukuyan, hindi sapat ang legal framework ng bansa upang sugpuin ang NVE. Kaya naman para sa inyong lingkod, kailangan nating bumuo ng isang partikular na batas laban sa NVE, sa online grooming ng mga bata, at sa brainwashing na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga mararahas na gawain. Handang makipagtulungan ang inyong lingkod, gayundin ang Senado, sa DOJ, pati na rin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sektor ng ating lipunan, upang matugunan natin ang banta ng NVE. 

 

Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon, lalo na’t kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral ang nakasalalay. Kung ipagpapaliban natin ang pagkilos, maaaring marami pa sa ating mga mag-aaral ang malagay sa panganib.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 7, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Panahon nang maunawaan ng bawat mag-aaral na may hangganan ang biro, lalo na kung kaligtasan ng nakararami ang nakataya.


Mahigpit nang ipinagbabawal sa mga paaralan ang paggawa ng bomb threat o kahit simpleng bomb joke. Sa ilalim ng DepEd Order No. 006, Series of 2026, hindi na papayagang makapag-enroll sa susunod na school year ang sinumang mapatutunayang lumabag sa naturang patakaran.


Itinuturing ang bomb threat bilang isang third-level offense o pinakamabigat na paglabag sa disiplina sa paaralan. Hindi dapat gawing katatawanan ang anumang pahayag, mensahe, o kilos na may kaugnayan sa bomba dahil nagdudulot ito ng matinding takot, pagkaantala ng klase, at panganib sa seguridad ng mga mag-aaral, guro, at iba pang nasa loob ng paaralan. Bukod dito, maaari ring humantong sa pananagutang kriminal ang sinumang mapatutunayang gumawa ng ganitong paglabag.

Sa ilalim ng bagong alituntunin, sapat na ang unang paglabag upang mapatawan ng non-readmission. Nangangahulugan ito na maaari pang tapusin ng estudyante ang kasalukuyang school year, ngunit hindi na siya pahihintulutang makapag-enroll sa susunod. Maaari rin siyang i-refer sa mga kaukulang ahensya para sa nararapat na aksyon.


Makatwiran ang mas mahigpit na patakarang ito. Ang bawat bomb threat, totoo man o hindi, ay agad na pinakikilos ang mga otoridad, nagdudulot ng matinding pangamba sa mga magulang, guro, at mag-aaral, at sumasayang sa oras, lakas, at pondo ng pamahalaan na dapat sana'y nakalaan sa edukasyon at iba pang mahahalagang serbisyo.


Hindi lamang pagpapataw ng parusa ang layunin ng ganitong polisiya. Higit sa lahat, nais nitong itanim sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng pananagutan at paggalang sa kaligtasan ng iba. Ang bawat biro ay may hangganan, lalo na kung maaari itong magdulot ng takot, kaguluhan, o panganib sa buong komunidad.


Dapat manatiling ligtas at payapa ang bawat paaralan upang makapag-aral nang maayos ang mga estudyante at makapagturo nang walang pangamba ang mga guro. Ang disiplina ay hindi hadlang sa kalayaan, kundi gabay upang maging responsable at mapanagot ang bawat isa.


Kung magiging seryoso ang lahat sa pagpapanatili ng seguridad sa loob ng mga paaralan, mas magiging panatag ang mga magulang, mas makapagtutuon ng pansin ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, at mas mapapalakas ang tiwala ng publiko sa ating sistema ng edukasyon.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Malapit na po akong magtapos ng kolehiyo, at isa po sa aking mga hangarin ay ang makahanap kaagad ng trabaho. Narinig ko po ang tungkol sa pagtataguyod ng tinatawag na Public Employment Service Office o PESO.  Ano po ang maitutulong nito sa mga katulad kong naghahanap ng trabaho? Maraming salamat po sa inyo.


— Clarissa Marie





Dear Clarissa Marie,


Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 2 ng Republic Act (R.A.) No. 10691, o mas kilala sa tawag na, “An Act Defining the Role of the Department of Labor and Employment (DOLE), the Local Government Units (LGUs), and Accredited Non-government Organizations (NGOs) in the Establishment and Operation of the Public Employment Service Office (PESO), and the Operation of Job Placement Offices in Educational Institutions (EIs), Amending for the Purpose Sections 3, 5, 6 and 9 of Republict Act No. 8759, otherwise known as the “Public Employment Service Office Act of 1999”, kung saan nakasaad na:


“SECTION 2. Section 5 of the same law is hereby amended to read as follows:


“SEC. 5. Functions of the PESO. – The PESO shall have the following functions:


“(a) Encourage employers to submit to the PESO on a regular basis a list of job vacancies in their respective establishments in order to facilitate the exchange of labor market information between job seekers and employers by providing employment information services to job seekers, both for local and overseas employment, and recruitment assistance to employers;


“(b) Develop and administer testing and evaluation instruments for effective job selection, training and counselling;


“(c) Provide persons with entrepreneurship qualities, access to the various livelihood and self-employment programs offered by both government and nongovernment organizations at the provincial, city, municipal and barangay levels by undertaking referrals for such program;


“(d) Undertake employability enhancement trainings or seminars for job seekers, as well as those who would like to change career or enhance their employability;


“(e) Provide employment or occupational counselling, career guidance, mass motivation and values development activities;


“(f) Conduct pre-employment counselling and orientation to prospective local and, most especially, overseas workers;


“(g) Provide reintegration assistance services to returning Filipino migrant workers;”


Bilang kasagutan sa inyong katanungan at ayon din sa nasabing probisyon na batas, ang itinaguyod na Public Employment Service Office o PESO ay inatasan na hikayatin ang mga employers na regular na magsumite sa PESO ng listahan ng mga bakanteng trabaho sa kani-kanilang mga establisyimento upang mapadali ang pagpapalitan ng impormasyon sa labor market sa pagitan ng mga naghahanap ng trabaho at mga employer sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga serbisyo sa impormasyon sa trabaho sa mga naghahanap ng trabaho, kapwa para sa lokal at sa ibang bansa na trabaho, at tulong sa recruitment sa mga employer. Sa ganitong patakaran, maaaring matulungan ng ating gobyerno ang mga tulad ninyo na job seekers na maghanap ng trabaho.


Karagdagan dito, nais namin ipaalam sa inyo na ang pagtataguyod ng PESO sa ating bansa ay base na rin sa polisiya ng ating Gobyerno ay itaguyod ang pagkakaroon ng isang ganap na trabaho at pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad sa trabaho para sa lahat, at para sa layuning ito, upang palakasin at palawakin ang umiiral na makinarya ng serbisyo sa pagpapadali sa pagtatrabaho ng gobyerno partikular sa mga lokal na antas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page