top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 30, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso, malinaw ang prayoridad ng inyong Senado: ibangon ang ating ekonomiya mula sa krisis na ating kinakaharap.


Sa pagbubukas ng sesyon sa Senado, inilatag ng inyong lingkod ang mga pangunahing paksa na aming tatalakayin upang matugunan ang hinaing ng ating mga kababayan: mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod na inuuwi ng mga manggagawa, mataas na singil sa kuryente, kakulangan sa imprastraktura at transportasyon, at kawalan ng kasiguruhan sa hanapbuhay ng ating mga kababayan. 

 

Kaya naman upang matugunan ang hinaing ng ating mga kababayan, narito ang ilan sa mga panukalang batas na bibigyan natin ng prayoridad sa Senado. Una rito ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (Republic Act No. 11203) upang matiyak na may sapat tayong suplay ng bigas at abot-kaya ang presyo nito para sa ating mga kababayan. Kasama rin sa magiging layunin natin ang pagbibigay proteksyon sa kita at hanapbuhay ng mga magsasaka.


Isinusulong din natin ang Ginhawa Bill upang madagdagan ang naiuuwing kita ng ating mga manggagawa. Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga kumikita ng P400,000 sa isang taon ay hindi na magbabayd ng income tax. Itataas din natin ang tax-free ceiling para sa mga bonus at aalisin ang buwis sa overtime pay, holiday pay, night-shift differential, hazard pay, at service charge.


Upang protektahan ang ating mga kababayan mula sa mataas na singil ng kuryente isusulong natin ang Energy Regulatory Commission (ERC) Strengthening Bill.


Isinusulong din natin ang pag-amyenda sa Downstream Oil Industry Deregulation Act upang matiyak na ang pagtaas ng presyo ng langis ay naaayon sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado at lehitimong mga gastusin. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan natin ang ating mga kababayan mula sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng langis.


Bibigyan din nating prayoridad ang Masterplan for Infrastructure and National Development, o MIND Bill na layon ang pagkakaroon ng 30-taong plano para sa konektadong mga proyektong pang-imprastraktura kabilang ang mga kalsada, mga airport, mga ospital, at mga tubo ng enerhiya.


Upang matulungan ang mga maliliit na negosyong nagbibigay ng trabaho sa milyon-milyon nating mga kababayan, isinusulong natin ang Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Sa ilalim ng panukalang batas, padadaliin natin sa mga MSMEs ang pagkuha ng puhunan at credit guarantees, pati ang access nila sa iba’t ibang mga serbisyo, makinarya, at suportang teknikal. Palalawakin din natin ang kanilang oportunidad na makilahok sa mga proyekto ng gobyerno at titiyakin natin ang mas mabilis na pagbabayad sa kanila.


Sabay-sabay nating tutukan ang pag-usad ng mga panukalang batas ito, lalo na’t para ito sa kapakanan ng bawat Pilipino. Malaki ang hamong kinakaharap natin ngunit tiwala akong sa ating pagkakaisa, hindi lamang natin malalagpasan ang krisis na kinakaharap natin, mas mapapatatag din natin ang ating bansa. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 30, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Karapatan ng bawat Pilipino na magbayad lamang sa kuryenteng tunay na kanilang nagamit. 


Sa panahon na bawat pisong inilalabas ng mga pamilya ay mahalaga, hindi makatarungang ipasa sa mga konsyumer ang gastos na bunga ng pagkawala ng kuryente sa linya, pagnanakaw ng kuryente o iba pang problemang wala silang kinalaman. Kaya ang panawagang alisin ang system loss charge ay isang hakbang na matagal nang hinihintay ng taumbayan.


Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Department of Energy (DOE) na target nitong tuluyang alisin ang system loss charge sa mga bayarin sa kuryente pagsapit ng 2027.


Ayon sa DOE, hindi ito agad maisasakatuparan dahil kailangan munang maisagawa ang modernisasyon ng mga pasilidad ng mga distribution utility at electric cooperative, mapalakas ang kampanya laban sa illegal connections at electricity theft, at maisaayos ang mga kinakailangang pagbabago sa batas at regulasyon.


Ipinaliwanag ng ahensya na ang system loss ay tumutukoy sa diperensya sa pagitan ng kuryenteng pumapasok sa distribution network at ng aktuwal na naibibigay at naibi-bill sa mga konsyumer. Kabilang dito ang technical losses na dulot ng lumang linya, transformer at iba pang kagamitan, gayundin ang nontechnical losses tulad ng illegal tapping, sirang metro at mga pagkakamali sa pagsingil. Nilinaw din ng DOE na saklaw ng direktiba ng Pangulo ang pagtanggal hindi lamang ng system loss charge kundi maging ng 12 porsiyentong value-added tax (VAT) na ipinapataw rito.


Sa ilalim ng umiiral na Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), may itinakdang limitasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa system loss na maaaring ipasa sa mga konsyumer. Kapag lumampas dito ang pagkawala ng kuryente, ang distribution utility na ang sasagot sa sobrang gastos. Tinataya ng DOE na kapag tuluyang naipatupad ang reporma, maaaring bumaba ng lima hanggang 10 porsiyento ang buwanang bayarin sa kuryente, depende sa lugar at distribution utility.


Ipinahayag ng Manila Electric Company (Meralco) na handa itong makilahok sa mga pagtalakay sa panukalang pagbabago sa EPIRA. Ayon sa kumpanya, hindi sila kumikita mula sa system loss charge dahil ang nakokolekta rito ay ipinapasa sa mga power supplier at sa National Grid Corporation of the Philippines.


Gayunman, iginiit din nitong may mga technical losses na hindi ganap na maiiwasan sa operasyon ng isang distribution system. Samantala, nanawagan ang mga consumer group na tiyaking may malinaw na plano sa pagpapatupad at hindi mapalitan ng iba pang dagdag-singil ang mawawalang system loss charge. Binigyang-diin din nila na ang generation charge, na bumubuo sa malaking bahagi ng electric bill, ay dapat ding matutukan upang tunay na maramdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo ng kuryente.


Bilang tugon, naghain ang mga senador ng mga panukalang batas upang ipagbawal ang pagpasa ng system loss sa mga konsyumer at alisin ang VAT sa naturang singil. Ipinapakita nitong lumalakas ang suporta sa Kongreso para sa repormang ito.


Ang pagtanggal sa system loss charge ay mahalagang hakbang tungo sa mas makatarungang sistema ng pagsingil sa kuryente. Gayunman, ang tunay na tagumpay nito ay nakasalalay sa maayos na pagpapatupad, modernisasyon ng imprastraktura at mahigpit na kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente. Kapag naisakatuparan ito nang maayos, mas mararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang ginhawang dulot ng mas mababang singil at mas patas na serbisyo.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Gumawa po ako ng huling habilin dahil gusto kong maisaayos ang mga mana ng aking maiiwang mga anak. Ngunit napagtanto ko na kahit na ako ay may huling habilin, baka sila ay mag-away-away pa rin, kaya naman gusto ko sanang malaman kung kahit ba buhay pa ako ay maaari ko nang ipakiusap sa korte na kilalanin ang aking huling habilin?  — Lando





Dear Lando,


Ayon sa Kodigo Sibil ng Pilipinas, ang isang tao ay maaaring gumawa ng kanyang huling habilin, kung saan hinahati-hati niya ang kanyang mga iiwang ari-arian sa mga tao na gusto niya magmana sa kanya, maliban kung hindi ito pinapayagan ng batas. 


Gayunman, hindi ganap o walang hanggan ang karapatan ng isang tao na gumawa ng huling habilin. Ang isang tao na gustong gumawa ng huling habilin ay kailangang sumunod sa mga itinakda ng batas na pangangailangan para magkabisa ang nasabing habilin. Ayon din sa Artikulo 842 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, ang taong gustong gumawa ng huling habilin ay kailangang ibigay ang mana na itinalaga ng batas para sa kanyang mga kompulsaryong tagapagmana. Ibig sabihin, hindi dapat mawala o mabawasan ng huling habilin ang parte ng mga kompulsaryong tagapagmana. 


Ngayon, kung ang isang tao ay nakagawa na ng kanyang huling habilin, ang pangkaraniwang ginagawa upang maisakatuparan ang nakasaad dito ay magsampa ng kaso sa korte para kilalanin ang bisa ng nasabing habilin, o ang tinatawag na “probate proceedings.” Ang pangkaraniwang nangyayari ay isinasampa o nagaganap ang probate proceedings pagkatapos mamatay ang nagpapamana, o ang tinatawag na “post-mortem probate.” 


Ang tanong ngayon, maaari ba na ang mismong gumawa ng huling habilin ang magsampa ng kaso sa korte para idaan ang kaniyang huling habilin sa paglilitis, habang siya ay nabubuhay pa? 


Ayon sa Section 1, Rule 76 ng Rules of Court, ang mismong gumawa ng huling habilin ay maaaring magpetisyon sa korte na kilalanin ang bisa ng kaniyang huling habilin o ang tinatawag na “ante-mortem probate”: 


Section 1. Who may petition for the allowance of will. — Any executor, devisee, or legatee named in a will, or any other person interested in the estate, may, at any time after the death of the testator, petition the court having jurisdiction to have the will allowed, whether the same be in his possession or not, or is lost or destroyed.


The testator himself may, during his lifetime, petition the court for the allowance of his will.”


Kaya upang masagot ang iyong katanungan, maaaring ikaw ang magpetisyon sa korte na kilalanin ang iyong huling habilin, kahit na ikaw ay nabubuhay pa, dahil maliwanag sa artikulo ng batas na maaari itong gawin ng mismong tao na nagpapamana habang siya ay nabubuhay pa. Gayunpaman, limitado ito sa pagpapatunay ng iyong huling habilin. Ang mga probisyon ng huling habilin ay maipapatupad lamang sa oras na ikaw ay pumanaw.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page