ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 22, 2024
Isang napakagandang balita ang bubulaga hindi lang sa mga estudyante kundi sa mga magulang na karaniwang biktima ng ‘no permit, no exam policy’ na matagal ng umiiral sa maraming unibersidad na nagdudulot ng masamang karanasan sa ating mga kababayan.
Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., (PBBM) noong Marso 11, 2024, upang maging isang ganap na batas na ang ating iniakda na RA 11984 o ang AN ACT MANDATING PUBLIC AND PRIVATE EDUCATIONAL INSTITUTIONS ALLOW DISADVANTAGED STUDENTS WITH UNPAID TUITION AND OTHER SCHOOL FEES TO TAKE THE PERIODIC AND FINAL EXAMINATIONS AND FOR OTHER PURPOSES.
Ang mga mahihirap na estudyante na may utang o hindi makakabayad ng matrikula sa itinakdang panahon ay maaari nang kumuha ng eksaminasyon.
Tatawagin ang batas na ito ng ‘No permit, No Exam Prohibition Act’ at sakop nito ang lahat ng pribado at pampublikong paaralan mula sa Kindergarten hanggang Senior High School, gayundin sa mga unibersidad, kolehiyo at technical-vocational institutions.
Hindi patas ang mundo, kaya nasa kamay nating mga mambabatas na gawing pantay ang laban ng buhay para sa lahat, lalo na sa mga hikahos at salat sa buhay.
Ang alay natin sa kanila ay kayamanang hindi kailanman maaagaw -- ang edukasyon.
Umaasa tayo na magsisilbing pintuan ang batas na ating iniakda para sa mga nangangarap na mag-aaral na mapagbuti pa nila ang buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
Kailangan lamang ng sertipikasyon mula sa local social welfare services na magpapatunay sa kondisyon sa buhay ng mag-aaral.
Hindi na mahirap ang requirements na ito dahil napakadali lamang kumuha nito upang hindi maabuso ang batas ng ilan nating kababayan na nakakaisip na agad ng pagsasamantala.
Napakahirap kasi ng mga pinagdaraanan ng mga maralita nating estudyante na ilang araw nag-review tapos ay hindi naman makakapag-exam dahil sa may nangyaring problema na humantong sa hindi agad makabayad ng installment na matrikula.
May ilang estudyante na dahil sa paulit-ulit na karanasan ay mas minabuti pang tumigil na lamang sa pag-aral sa kabila ng angking karunungan at imbes na maiahon sa kahirapan ang pamilya ay napariwara pa dahil sa umiiral na ‘no permit, no exam policy’ kaya ito ang aking naging inspirasyon para iakda ang naturang batas.
Alam naman natin na ang edukasyon ang pinakamatinding sandata para tahakin ang mundong ito dahil kulang na kulang sa pagkakataong umunlad ang mga taong salat sa edukasyon.
Kaya nga maraming mga magulang ang palaging sinasabi sa kanilang mga anak na wala silang ibang maipapamana kundi ang mapagtapos lamang sila ng pag-aaral dahil alam nila ang hirap na daranasin ng isang hindi sapat ang kaalaman.
Sana lang sa pamamagitan ng pagsisikap nating ito ay makatulong tayo hindi lang sa mga mag-aaral kundi sa mga magulang upang mapagaan ang kanilang sitwasyon sa hinaharap nilang laban sa buhay.
Sa pag-upo natin bilang senador ay wala naman tayong ibang hinangad kundi ang mapagaan ang kalagayan ng marami nating kababayan. Mula guro, OFW, at ibang manggagawa sa bansa, maging mga senior citizen ay hindi natin kinakalimutan lalo na ‘yung aabot na sa 100 taon ang edad.
Ngayong bawal na ang ‘no permit, no exam policy’ ay hindi na tayo makakakita ng mga makadurog eksena ng mga estudyante na nagmamakaawa sa kahera ng mga unibersidad para payagan lamang mag-exam.
Marami kasing mga magulang ang responsable namang magbayad, ngunit dahil sa kahirapan ng buhay ay hindi talaga mapagkasya ang kanilang kinikita na minsan ay nasasabay pa sa may nagkasakit o namatay sa pamilya na hindi naman katanggap-tanggap na paliwanag sa mga unibersidad.
Ngayon ay taas-noo na ang ating mga estudyante na kahit mahirap sila ay makakakuha na sila ng exam kahit wala silang permit hindi tulad noon na karaniwan ay pinagtatampulan ng usap-usapan sa buong section, ang kaklase nilang hindi pinayagang mag-exam dahil hindi nakabayad.
Grabe ang trauma na idinudulot ng ‘no pemit, no exam policy’ na ito, mabuti at binigyan tayo ng sapat na kaalaman upang maitawid natin sa Senado ang napakahalagang batas na ito.
May mga insidente pang ang mga estudyante na hindi pinag-exam dahil hindi nakabayad ay nagiging puntirya ng mga pambu-bully sa eskwela.
Wala kasing iniwan sa mga online lending ang patakarang ‘no permit, no exam’ na inoobligang magbayad sa oras ang mga nangutang at kung hindi agad nakabayad ay hihiyain sa social media at pagbabantaan pa.
May mga insidente rin na may isang estudyante ang mas pinili pang magpatiwakal dahil sa hindi siya pinayagang mag-exam -- sa kanyang iniwang sulat ay sinabi niyang siya lamang ang tanging pag-asa ng kanyang mga magulang upang mapagtapos ang iba pa niyang kapatid.
Ngunit, ngayong bawal na ang ‘no permit, no exam policy’ ay maluwalhati nang makakapagtapos ng pag-aaral ang marami nating estudyante.
Tutal sa dulo ng lahat ng ito ay hindi naman matatalo ang mga unibersidad dahil sa babayaran din naman sila sa kabuuan.
Hindi natin sinasabing huwag nang singilin ang mga mag-aral, ang sinasabi lang natin ay huwag pigilang mag-exam ang mga estudyante na naantala lamang sa pagbabayad — dahil magbabayad din naman.
Ang inaalis lang natin ay ang makasariling sistema ng mga paaralan at ginagawang panakot ang ‘no permit, no exam policy’ para makasingil at kumita sa oras na gusto nila.
Tapos nagdurusa ang mga estudyante na tila peklat nang hindi mapapawi habambuhay ang minsan ay naging mapait nilang karanasan.
Paalala natin sa mga magulang at estudyante, na aralin ninyong mabuti ang lahat ng detalye ng batas na ito upang sakaling may mga paaralan na lalabag dito ay maipapaliwanag ninyong mabuti na bawal na ito at sabihin ninyong isa ‘yan sa batas na iniakda ni Sen. Bong Revilla Jr.
Naniniwala kasi ako na ang mga paaralan ang isa sa humuhubog sa pagkatao ng ating mga estudyante at hindi sila ang mangunguna para labagin ang batas na ito.
Ngunit, hindi maiiwasan na may ilan din talagang matigas ang ulo at sakaling maulit pa ang ganitong karanasan ay maaari nang magsampa ng asunto ang mga magulang laban sa unibersidad na pinaiiral pa rin ang ‘no permit, no exam policy’-- gamit ang batas na ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments