ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 2, 2024
IMBES GOOD NEWS ANG INANUNSIYO NI DOLE SEC. LAGUESMA SA LABOR DAY, BAD NEWS -- Pinuputakti ngayon ng batikos sa social media si Sec. Bienvenido Laguesma ng Dept. of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa statement niya kahapon sa mismong Labor Day na wala raw aasahang dagdag-suweldo ang mga manggagawa.
Sa totoo lang, mababatikos talaga siya kasi sa tuwing selebrasyon ng Labor Day ay ang inaabangan ng mga manggagawa, good news na ihahayag ng pamahalaan para sa mga worker, tapos ang maririnig nila sa mismong DOLE sec. ay bad news para sa mga manggagawang Pinoy.
Sana, hindi na lang nagbigay ng ganyang statement si Sec. Laguesma para hindi niya nasaktan ang damdamin ng mga manggagawang Pinoy, period!
XXX
KARAKTER NI HARRY ROQUE, BAD! – Noon na ang pakilala ni Harry Roque sa kanyang sarili ay isang human rights lawyer, panay ang batikos niya kina ex-Pres. Digong Duterte at Pangulong Bongbong Marcos. Pero nang madikit siya kay ex-P-Duterte, nadikit na rin siya kay PBBM, at sa ambisyon na maging senador ay sumama siya sa tiket ng UniTeam.
Todo-kampanya siya sa kandidatura sa tandem na BBM-Sara (Duterte) last 2022 election, at nang matalo siya sa pagka-senador, umasa na after 1-year ban ay magkakapuwesto siya sa Marcos administration. Ang masaklap hindi siya nabigyan ng posisyon kaya anti-Marcos na siya ngayon, dumating pa sa punto na nanggagalaiti siyang nananawagan kay PBBM na mag-resign na bilang presidente ng bansa.
Ganyan ka-bad ang karakter o pagkatao nitong si Harry Roque, boom!
XXX
RICE TARIFF LAW NA NAGPATAAS SA PRESYO NG BIGAS, DAPAT IPAWALANG-BISA -- Pabor si Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) na amyendahan ng Senado at Kamara ang batas tungkol sa Rice Tariffication Law.
Pambihira naman, eh, bakit amyenda lang?
Ang dapat sa Rice Tariffication Law na ‘yan ay ipawalang-bisa na kasi sa totoo lang, iyang batas na ‘yan ang sanhi kaya ubod ng taas ang presyo ng bigas kasi nga iyong mga rice trader ang nagdidikta sa DA kung ano ang ipepresyo nila sa mga imported rice na inaangkat nila sa ibang bansa, period!
XXX
ILLEGAL GAMBLING AT ILLEGAL DRUGS NI ‘TOCE’ SA LAGUNA -- May impormasyon na ang mga drug pusher din daw ng shabu ang mga kubrador ni alyas “Toce” sa raket niyang STL-con jueteng at lotteng sa Laguna.
Kung totoo ito, aba’y ubod naman pala ng bad ni “Toce”, kasi ang mga mananayang niraraket niya sa kanyang illegal gambling ay ginagawa pa niyang sugapa sa droga sa ipinakakalat niyang illegal drugs sa Laguna, tsk!
Comments