ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 3, 2024
JUETENG-LOTTENG LORD ‘BRYAN ADAME’ NG QC DAPAT TOKHANGIN -- Isang alyas “Bryan Adame” daw ang nag-operate ng mga ilegal na sugal na jueteng at lotteng para kompetensiyahin ang legal na operasyon ng Small-Town Lottery (STL) ng Lucent Gaming and Entertainment Corporation sa Quezon City.
Ang diskarte ni “Bryan Adame” ay pinagpapanggap niyang mga empleyado ng Lucent Corp. ang kanyang mga kinuhang kubrador at rebisador, pero hindi naman legal na STL ang kanilang kinokolektang taya at nirerebisa, kundi iyong raket niyang jueteng at lotteng.
Aba’y dapat umaksyon dito si Quezon City Police District (QCPD) director, Brig. Gen. Redrico Maranan, ipa-“tokhang” na agad niya si alyas “Bryan Adame” kasi masyadong agrabyado naman ang Lucent Corp. dahil sila ay nagbabayad ng buwis, tapos itong raket ng illegal gambling lord na ito (Bryan Adame) ni-singko walang binabayarang tax sa pamahalaan, period!
XXX
JUETENG NAUSO NA NAMAN SA MARCOS ADMIN -- Sa panahon ng Marcos administration, nauso na naman ang raket ng jueteng, tulad ng nangyayari ngayon sa QC na lumaganap na halos sa lahat ng barangay ang pa-jueteng ni “Bryan Adame”.
Ang nais nating ipunto rito, hindi lang sa QC may jueteng ngayon, kundi pati sa ibang probinsya.
Dapat aksyunan ito nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rommel Marbil kasi kung ito ay hindi mapipigilan at “nganga” lang sila sa jueteng, baka magsipag-stop ng operasyon ang mga legal na STL operations, ay tuluyang mamayagpag sa Marcos admin ang raket ng mga tinaguriang mga “Anak ng Jueteng,” boom!
XXX
IBASURA SA ELEKSYON ANG MGA PULITIKONG PANSARILING INTERES LANG ANG HANGAD -- Sa October 2024 ay filing na ng candidacy ng mga kakandidato sa May 2025 midterm election.
Panawagan sa mga botante, na ang ihalal ay iyong mga pulitikong ipaglalaban ang karapatan ng mamamayan, at ibasura sa halalan ang mga pulitikong pansariling interes lang ang hangad, na nais lang magkaroon ng kapangyarihan sa pamahalaan kaya mga nagsisipagkandidato.
Madali lamang naman malaman ang mga pulitiko na pansariling interes lang ang hangad, sila iyong mga magkakapamilyang trapo (traditional politicians) na sabayang kumakandidato tuwing eleksyon, period!
XXX
VP SARA NAG-TOP SA PRESIDENTIAL SURVEY, MGA ANTI-DUTERTE POLITICIANS TIYAK KABADO NA -- Sa inilabas na 2028 presidential survey ng Oculum Research and Analytics, top na naman si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng mataas na rating na 42%, pangalawa si Sen. Raffy Tulfo na 17% lang, at pangatlo si former VP Leni Robredo na 10% lang.
Dahil sa survey na iyan, hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga pulitikong anti-Duterte, boom!
Comments