top of page
Search
  • BULGAR

Halos malubog sa baha ang Asya, tuyung-tuyo naman sa Amerika… Epekto ng climate change

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 31, 2022


Nakaranas ng ilang araw na pag-ulan ang Metro Manila dahil sa Bagyong Florita, kung saan nagdulot ng danyos ang bagyo nang nagtungo sa Cagayan Valley. Mahigit tatlong libong pamilya ang inilikas pansamantala.

Samantala, bumaha sa ilang lugar sa Cagayan at Isabela. Umabot naman sa Pampanga at Zambales ang pagbabaha dulot ng ulan. Apat ang kumpirmadong namatay sa pagtahak ng bagyo. Ilang bukid ang binaha, kung saan nasira ang mga tanim—nasa mahigit P100 milyon ang halaga ng mga nasirang tanim.


Hindi bago sa bansa ang tamaan ng bagyo sa panahon ng tag-ulan. Ilang bagyo ang tatahak pa ng bansa bago matapos ang taon. Pero sa kabila ng pinsala na madalas dulot ng bagyo, dala rin nito ang mahalagang bagay—ang tubig. Mahalaga, dahil dalawa lamang ang panahon sa Pilipinas— tag-init at tag-ulan. Umaasa sa panahon ng tag-ulan ang tubig na muling magpupuno ng mga dam, pati na rin ang pagdilig sa mga tanim.


Ihambing natin ito sa nagaganap sa Europe at Amerika ngayon. Matinding tagtuyot ang kanilang nararanasan. Sa sobrang tindi ng tagtuyot, natutuyo na ang kani-kanilang ilog at lawa. Sa Amerika, bumaba ng husto ang lebel ng tubig sa Lake Mead sa Nevada at Arizona. Nabigla ang awtoridad sa dami ng bangkay na lumitaw sa pagbaba ng lebel. Sa ngayon ay hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng mga bangkay. Sa Europe, patuloy na bumaba ang lebel ng mga kilalang ilog tulad ng Danube, Rhine, Loire, Thames at iba pa. Sa pagbaba ng lebel, lumitaw ang maraming bagay hinggil sa kasaysayan ng mga bansa, tulad ng mga barkong pandigma na lumubog at iba pang mga lumang imprastruktura.


Malaking pinsala sa kalikasan ang nagaganap. Hindi pa masabi kung darating ang ulan para muling mapuno ang mga nasabing ilog. Lahat ito ay isinisisi sa climate change o ang pagbabago ng klima ng buong mundo. Sobrang ulan sa iba, sobrang tuyo naman sa iba. Nawawala ang balanse ng mundo. Malaki ang epekto nito hindi lang sa kalikasan, kundi sa kabuhayan at ekonomiya ng mga bansang apektado. Binabaha ang tanim tulad sa Isabela, tuyo naman sa United Kingdom. Malaking isyu ang climate change na hindi rin masosolusyunan agad, lalo na’t umaasa pa ang halos lahat ng bansa sa langis at uling para sa enerhiya. Kung hindi magkakaisa ang lahat ng bansa sa pagbabago ng klima, ganitong pinsala ang madalas nating mararanasan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page