top of page
Search
BULGAR

Gumanay at Lantan, champ sa Takbo Para sa Kalikasan

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 7, 2024




Umapoy ang mga paa ni Alex Gumanay Jr. patungo sa kampeonato ng Fire Run, ang unang yugto ng seryeng 2024 Takbo Para Sa Kalikasan, noong Linggo ng umaga sa Cultural Center of the Philippines. Tinapos ni Gumanay ang tampok na karerang 16 kilometro sa 59:27 at pangunahan ang libu-libong mga mananakbo na nagpakita ng kanilang suporta sa adbokasiya ng pag-aalaga sa Inang Kalikasan.


Walang pumantay kay Gumanay na humarurot sa Roxas Boulevard at lumayo sa pumangalawang puwestong si Mark Raphael Arevalo na umoras ng 1:07:44 o halos 8 minuto ang pagitan. Pangatlo si Andrew Tulaylay sa 1:09:03.




Sa panig ng kababaihan, wagi si Melody Lantan sa 1:21:31. Tinalo niya ang beauty queen Miss Aura International 2021 at triathlete Alexandra Faith Garcia na nagtala ng 1:23:27 habang pangatlo si Michelle Untalan sa 1:29:46. Mabilisan din ang takbuhan sa 10 kilometro na pinagharian ni Jasper Delfino sa 33:19. Pangalawa si Aldrin Serrano (34:49) at sumunod si Jerald Zandua (36:33).


Kinailangan ng photo finish upang matukoy ang nanaig sa mga kababaihan at isang segundo lang ang inilamang ni Natalie Agaton (43:40) sa karibal na Decerie Encomio (43:41). Malayong pangatlo si Della Lau (46:17).


Nagkaroon din ng mga karera sa 5k at 1 kilometro. Maghahanda na ang lahat para sa mga parating na yugto ng serye na Water Run sa Hulyo 14, Air Run sa Setyembre 22 at Earth Run sa Nobyembre 17.


Bago nagwakas ang palatuntunan ay kinilala ang BULGAR ng Green Media Events bilang opisyal na media partner ng Takbo Para Sa Kalikasan. Tinanggap ni publisher Michelle Sison-Tolentino ang parangal kasama ang ilang mga ka-BULGAR na lumahok sa karera.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page