top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 16, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hinadlangan ng todo sa depensa ni #33 Fynnian Lionel McCarthy ng Canada ang tangkang atake ni #5 Tatsunori Otsuka ng Japan makaraang biguin sa 3 sets straight ng Canada ang Japan 25-20, 25-23 25-22 sa kanilang mahigpit na tagisan sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. (Reymundo Nillama)



Laro ngayong Martes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Ehipto 

      

Nakasalalay ang kinabukasan ng Alas Pilipinas sa napakahalagang tapatan ngayong Martes laban sa Ehipto sa pagpapatuloy ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Kailangang maiwasan Pinoy Spikers ang ikalawang pagkatalo upang manatili ang pag-asa sa knockout playoffs.

    

Lumasap ang Alas ng malupit na 13-25, 17-25 at 23-25 pagkabigo sa Tunisia noong unang araw ng torneo noong Biyernes. Galing ang Ehipto sa nakakaganang 25-17, 16-25, 25-23 at 25-20 paggulat sa paboritong Iran noong isang araw. 

      

Maaaring humugot ng inspirasyon mula sa huling set laban sa mga Tunisian. Lumaban ng sabayan hanggang 23-23 tabla bago nakuha ng mga bisita ang huling 2 puntos. 

     

Sasandal ang Alas kay kapitan Bryan Bagunas na nagtala ng 23 puntos. Kailangang umangat pa lalo ang laro nina Marck Espejo, Peng Taguibolos at 11 iba pang kakampi para makamit ang makasaysayang resulta.

      

Samantala, idiniin ng Canada ang ikalawang sunod na pagkabigo at ilagay sa alanganin ang paborito Japan – 25-20, 25-23 at 25-22. Hawak ng Canada ang malinis na dalawang panalo sa Pool G para masiguro ang round-of-16. Bumida muli si Sho Vernon-Evans na may 16 at kapitan Nicholas Hoag na may 13.  Nagtala si Ran Takahashi ng 11 habang 10 lang si Kento Miyaura para sa mga Hapon. 

    

Malinis pa rin ang Turkiye at tagumpay sa Libya – 25-18, 23-25, 25-14 at 25-16.  Tinumbasan ng mga Turko ang 2-0 ng Canada. Nakabawi ang Alemanya sa Chile – 25-17, 25-23 at 25-22 – upang pumantay ang kartada sa 1-1.  Binuksan ng Cuba ang araw sa panalo kontra Colombia – 25-22, 25-21 at 25-20. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 15, 2025



Bryan Baginas

Photo : Tatag at tikas na hinadlangan ang malupit na atake ni Qatar Said Saad Sulaiman ng mga katunggaling sina #7 Bennie Belal at #6 Borislav "Bobby" Tuinstra ng The Netherlands sa ilang bahagi ng kanilang laban sa FIVB Volleyball Men's World Championships 2025 na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan pinadapa ng The Netherlands ang Qatar sa 4 sets 25-18, 25-23, 26-28, 25-23. (Reymundo Nillama)



Laro sa Martes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Ehipto 

     

Nagpasilip ng kanilang mga kakayahan ang mga susunod na haharapin ng Alas Pilipinas at sa huli ay nanalo ang Ehipto sa paboritong Iran, 3-1, sa ikatlong araw ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kahapon.  Ipinakita ng mga Pharoah kung bakit sila ang kampeon ng Aprika – 25-17, 16-25, 25-23 at 25-20.

      

Maganda ang simula ng Ehipto at gumana agad ang mga palo nina Abdelrachman Elhossiny at Ahmed Shafik.  Sumandal ang Iran sa pinagsamang 12 puntos nina Poriya Hossein at Ali Hajipour upang maagaw ang pangalawang set subalit hindi na binitiwan ng Ehipto ang panalo sa huling dalawang set. 

      

Namuno sa Ehipto si Shafik na may 18 at Elhossiny na may 17 habang 12 si Seif Abed.  Nagtapos na may 17 si Hajipour at 12 kay Poriya.  Mauuna ang mga Pinoy sa Ehipto ngayong Martes at Iran sa Huwebes.  Tanging ang unang dalawa lang sa bawat pool ang tutuloy sa knockout playoffs.

     

Mas madadalian na makapanood ang mga tagahanga matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng diskuwento ang mga ticket bilang bahagi ng paggunita ng kanyang ika-68 kaarawan noong isang araw.  Makakabil pa rin online sa www.philippineswch2025.com o pumila sa takilya.

       

Sa ibang mga laro sa Araneta Coliseum, panalo ang Argentina sa Finland sa unang umabot ng limang set – 19-25, 18-25, 25-22, 25-22 at 15-11. Winalis ng Belgium ang Ukraine – 25-16, 25-17 at 25-22. Noong Sabado ng gabi, ginulat ng Bulgaria ang Alemanya – 40-38, 25-22 at 25-20.  Tinalo ng FIVB #1 Poland ang Romania – 34-22, 25-15 at 25-19.  Winalis ng Slovenia ang Chile – 25-19, 25-20 at 25-16. Tagumpay ang Netherlands sa Qatar – 25-18, 25-23, 26-28 at 25-23


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 14, 2025



Bryan Baginas

Photo : Matinding pagpakawala na atake ang hinataw ni Lloyd Josafat ng Alas Pilipinas na hindi mapigilan sa depensa ng katunggaling Tunisian na si Kadhi A sa unang arangkada ng aksyon nila sa pagsisimula ng FIVB Men's World Volleyball Championship sa Mall of Asia Arena, Pasay City kagabi. (Reymundo Nillama)



Panahon na para magseryoso at agad naglabas ng lakas ang isa sa maagang paboritong Estados Unidos sa pagwalis sa Colombia – 25-20, 25-21 at 25-14 – sa unang buong araw ng aksiyon sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kahapon. Binuksan ng Canada ang mga laro sa Araneta Coliseum sa pagtakas sa Libya – 22-25, 25-20, 25-12 at 29-27.


Sumandal ang mga Amerikano kay Ethan Champlin na nagtala ng 17 puntos at tumulong sina Gabriel Garcia na may 12 at Jordan Ewert na may 11. Gaya ng punong-abala Alas Pilipinas, ito ang pinakaunang World Championship para sa Colombia na pinangunahan ni Amaranto na may 11 habang may walo kay Juan Felipe Benavides at 7 kay Felipe Piza.


Natalisod ang Canadian sa unang set pero nakabawi salamat sa husay ni Sho Vernon-Evans na nagbagsak ng 22, kapitan Nicholas Hoag na may 20 ang mga higanteng middle blocker Fynnian Lloyd McCarthy at Daena Gyimah na nagsama para sa 33.


Samantala, hindi pinalad ang isa pang paboritong Japan at winalis ng mga higante ng Turkiye – 25-19, 25-23 at 25-19 – sa likod nina 6’9” Ramazan Efe Mandiraci na may 17 habang 15 ang ambag ni 6’11” Adis Lagumdzija.


Binuhay ang mga Hapon ng mga atake nina Kento Miyaura na may 13 at kapitan Yuki Ishikawa na may 11. Nalampasan ng Portugal ang hamon ng Cuba – 20-25, 25-22, 25-19 at 25-19 – nang magising si Nuno Marques sa huling dalawang set at magtala ng 19 habang sumuporta sina Filip Cveticanin at Jose Pinto na may tig-14.


Aabangan ngayong Linggo ang unang laro ng defending champion Italy kontra Algeria simula 9:30 ng gabi sa Araneta. Makikilatis din ang mga sunod na makakalaro ng Alas Pilipinas na Ehipto laban sa Iran sa MOA pagpatak ng 1:30 ng hapon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page