top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 28, 2025



Fr. Robert Reyes


Malapit na ang Halloween at nagkalat na ang mga nakakatakot na dekorasyon kung saan-saan. Kakain ka na lang sa mga resto ay nakatingin sa iyo ang mukhang zombie.


Maglalakad ka sa gabi at makikita mo ang mga babaeng nakaputi na pawang walang mga mukha at gusot ang mga buhok na nakatayo sa tabi ng mga swing at seesaw. 


Hindi naman natatakot ang karamihan dahil nagkalat na mga dekorasyong inihahanda sa paglabas ng mga batang naka-make-up at nakadamit multo, vampire, zombie at iba pang mapapanood sa mga nakakatakot at kathang-isip lang na pelikula. 


Ngunit, hindi kathang-isip ang ating mga problema, hindi rin pelikula. Kung pelikula man ay kaumay-umay na ang mga ito dahil paulit-ulit na. Hindi lang umay kundi galit, sobrang galit na ang marami. Kung ramdam ito ng mga nakatatandang naghihintay dumalo sa malalaking rally kapag Linggo, halos araw-araw sa mga unibersidad at kolehiyo, naglalabasan at nagwa-walk-out ang mga mag-aaral bilang pagtutol sa malalang katiwaliang nagaganap sa bansa. Iisa ang malakas na isinisigaw paulit-ulit ng ating mga kabataan: “Mga kurakot, ikulong na ‘yan!”


Noong nakaraang Miyerkules, Pista ni Santo Papa Juan Pablo II, nakausap natin ang isang kilalang lider ng oposisyon. Mahaba ang aming usapan at iisa ang tema -- ang mga dinastiya. Sabi niya, maski na mag-rally at mag-rally ang mga mamamayan laban sa sari-saring abuso mula korupsiyon hanggang extra-judicial killings, wala pa ring magbabago dahil hawak ng mga dinastiya ang lahat ng sangay ng pamahalaan. Sino ang mga korup, ang mga kurakot? Sino ang mga korup na senador at kongresista? Hindi ba’t lahat sila ay bahagi ng mga dinastiya? 


Nang pinalitan si Rep. Martin Romualdez ni House Speaker Bojie Dy noong nakaraang buwan, napangiti na lang tayo. Naalala natin ang dating Gov. Grace Padaca na tinulungan at ipinaglaban noong siya ay gobernadora ng Isabela. Dahil sa kanyang sipag, tatag at integridad dalawang beses nanalong governor si Padaca, ngunit sa eleksyon para sa kanyang pangatlong termino, pinaghandaan na siya nang todo. Ibinuhos nang husto ang pondo at pangangampanya ng mga Dy upang bawiin kay Grace ang kanilang trono. Natalo si Padaca at mula ngayon parang anay na kumalat ang dinastiya ng mga Dy sa buong Isabela mula gobernador pababa sa mga mayor at barangay captain.


Hindi lang si Speaker Bojie Dy ang miyembro ng dinastiya. Napakalaking porsyento ng mga Kinatawan ng bayan ang dinastiya. Iilan lang ang hindi dinastiya sa Kongreso. Kaya anumang kampanya para sa “Anti-Dynasty Law” ay inilalagay lang sa arkibyo ngunit hinding-hindi nakararating sa susunod na bahagi ng proseso sa pagpasa ng anumang batas -- ang first reading o unang pagbasa ng anumang panukalang batas.

Halos magdamag tayong gising noong Huwebes. Anumang pikit at pihit natin sa higaan, hindi na tayo makatulog uli. Umupo na lang ako at binuksan ang ilawan sa aking tabi. Kinuha ko ang cellphone at nagsimulang magsulat. Hindi ko alam kung bakit naisip ko ang mga katagang bukas-palad. At mula rito ay isinulat natin ang sumusunod na tula:


Bukas-palad isinilang

Diyos ang tanging sandigan

Mamulat sa paglaki

Sa salot ng walang paki.

 

Lipunang pantay-pantay

Dangal, karapata’y

Unti-unting kinakatay.

 

Salapi’t posisyon

Kanilang diyos-diyosan

Dinastiya kinalabasan.

 

Korupsiyon at inhustisya

Binalot sa ayuda

Hungkag na pag-asa

Tinatamasa

 

Malacañang at Senado

Hanggang Kongreso

Korte Suprema

Walang Sorpresa.

 

Mga hari-hariang

Gintong nakaw ang trono

Susuko sa Kanya

Magwawakas pagkakanya-kanya.

 

Hindi kayo, Siya lang

Hindi pamilya, yaman o ari-arian.

Siya ang iisang hari

Si Kristo lang.

 

Bukas-palad isinilang

Bukas-palad uuwi

Sa bayang walang dinastiya

Sa kahariang walang inaapi.


Nang matapos nating isulat ang munting tula, unti-unting luminaw ang kahulugan ng pamagat nito, “Bukas-Palad, Bukas Pilipinas Lalaya sa Dinastiya!”


Hindi pa tapos ang Jubilee Year na inilunsad ni Papa Francisco noong nakaraang taon. Magandang balikan ang titulo ng isang taong pagdiriwang na ito: Spes Non Confundit! Ang Pag-asa ay Hindi Dumidismaya! Para ito sa maraming dismayadong-dismayado sa mga kurakot na pulitiko.


Malapit na ang Pista ni Kristong Hari. Oo, ang Diyos, si Kristo ay bukal ng walang hanggang pag-asa. Hindi sila (mga dinastiya) ang hari, kundi ang Diyos, si Kristo, ang nag-iisa nating pag-asa!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ERPAT AT UTOL NI SEN. BONG GO, HINDI KASAMA SA TOP 20 CONTRACTORS SA DUTERTE ADMIN KAYA ALEGASYON NI TRILLANES, SABLAY -- Base sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ay lumabas na hindi kasama sa top 20 contractors sa panahon ng Duterte administration ang CLTG Builders na pag-aari ng ama ni Sen. Bong Go at Alfrego Builders and Supply na pag-aari naman ng half-brother ng senador, dahil ang number 1 contractor ay ang St. Gerrard Construction and Development Corporation ng mag-asawang Discaya at ang rank 20 ay ang Rudhil Construction Enterprises Inc. 


Ang hindi pagkakasama ng CLTG Builders at Alfrego Builders and Supply sa top 20 contractors sa panahon ng Duterte admin ay pagpapatunay na totoo ang binanggit ni Sen. Bong Go na never siyang nakialam para makakuha ng kontrata sa gobyerno ang kanyang mga kamag-anak, dahil kung totoo ang alegasyon ni Trillanes na ginamit ng senador ang kanyang power, dapat sana ay top contractor ang CLTG Builders at Alfrego Builders and Supply, eh ang katotohanan nga, ni wala sa top 20 contractors ang ama at kapatid niya (Sen. Bong Go) sa panahon ng Duterte admin, period!


XXX


PAGKAKASANGKOT NI SEN. VILLANUEVA SA PORK BARREL SCAM, KAKALKALIN NG OMBUDSMAN KAYA HINDI PA SIYA SAFE SA KASO -- Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na muli raw nilang pag-aaralan ang kaso ni Sen. Joel Villanueva patungkol sa pork barrel scam, na dinismis ni former Ombudsman Samuel Martires.

Kumbaga, parang sinabi ni Remulla na hindi pa safe si Sen. Villanueva sa kasong may kaugnayan sa pork barrel scam, boom!


XXX


PAGIGING TAKLESA NI PCO USEC. CLAIRE CASTRO, TINAPATAN NG PAGIGING TAKLESA NI KABATAAN PARTYLIST REP. RENEE CO -- Ang pagiging taklesa ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Spokesperson Claire Castro ay tinapatan din ng pagiging taklesa ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co.


Hindi kasi nagustuhan ni Rep. Renee Co ang statement ni Castro na hindi raw dapat gawing lisensya ng mga kabataan ang laging magprotesta sa lansangan sa panawagang papanagutin ang mga sangkot sa flood control projects scam, kaya ang resbak ng Kabataan Partylist representative, hindi rin daw lisensya sa mga may posisyon sa pamahalaan ang mang-abuso sa tungkulin at magnakaw sa kaban ng bayan, period!


XXX


TAAS-SINGIL SA CAVITEX, DAGDAG-SAKIT NG ULO SA MAMAMAYAN -- Ngayong araw na (Oct. 28) ang toll fee hike ng Cavitex.


Pambihira naman ‘tong Marcos admin, kasi mantakin n’yo, sakit-ulo na nga ang mamamayan sa nabulgar na aabot umano sa halos P1 trillion pera ng bayan ang na-scam ng mga kurakot sa flood control projects, tapos dinagdagan pa ang sakit-ulo ng taumbayan sa dagdag sa toll fee ng Cavitex, pwe!

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang tiyahin ko ay nagkaroon ng cancer sa kanyang katawan. Sumailalim siya sa mahaba at mabigat na gamutan para subukang pagalingin siya. Halos naubos ang ipon ng pamilya namin dahil sa mga gastusin sa pagpapagamot sa kanya. Nitong nakaraan, matapos ang mahabang gamutan ay ibinalita sa kanya ng doktor na diumano ay wala na ang cancer sa kanyang katawan. Lubos na nagalak ang pamilya namin sa balita na ito. Sa kabila nito ay may mga gamot pa siya na kailangan niyang patuloy na inumin at gamitin. Dahil dito ay gusto namin malaman kung maaari pa rin ba na makakuha ng mga benepisyo bilang person with disability (PWD) para sa diskwento siya sa mga kakailanganin niyang gamot? Malaking tulong kasi itong mga diskwento na ito para sa mga PWD para sa gastusin niya. Sana ay mapayuhan ninyo kami rito. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong payo!

-- Gamrot



Dear Gamrot,


Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act (R.A.) No. 11215, na kikilala bilang “National Integrated Cancer Control Act.” Ginawa ang batas na ito bilang bahagi ng polisiya ng Estado sa pagpapatibay ng komprehensibong pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan para sa mga may cancer upang pag-igihin ang kanilang gamutan, lalo na para sa mga mahihirap at nangangailangan ng tulong. (Sec. 2, Art. I, R.A. No. 11215)


Sa ilalim ng batas na ito, ang mga may cancer, maging ang mga itinuturing na cancer survivors, ay hayagang kinikilala bilang mga person with disabilities (PWD) na binibigyan ng kaukulang karapatan at pribilehiyo. Kaugnay rito, sinasabi ng batas na: 

“Section 25. Persons with Disabilities. – Cancer patients, persons living with cancer and cancer survivors are considered as persons with disabilities (PWDs) in accordance with Republic Act No. 7277, as amended, otherwise known as the 'Magna Carta for Disabled Persons’.“Section 26. Rights and Privileges. – The cancer patients, persons living with cancer and cancer survivors are accorded the same rights and privileges as PWDs and the DSWD shall ensure that their social welfare and benefits provided under Republic Act No. 7277, as amended, are granted to them. Further, the DOLE shall adopt programs which promote work and employment opportunities for able persons with cancer and cancer survivors.” 

Mahalaga rin na malaman ang ibinibigay na kahulugan sa kung sino ang mga maaaring ituring na cancer survivor, alinsunod sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 11215:

  

“Cancer survivors are those who have completed all of their anti-cancer therapy and presently show no signs of the disease – that is, in remission, and now must go on to face survival with both fear of recurrence or relapse and perhaps encumbered by the side effects and consequences of their therapies;” (Sec. 3(e), Rule 1, IRR ng R.A. No. 11215)


Nakasaad sa nasabing IRR ang detalye ng mga karapatan at pribilehiyo ng mga cancer patients at cancer survivors na itinuturing na PWD. Kaugnay nito, inaatasan ng batas ang National Council on Disability Affairs, kasama ang mga lokal na tanggapan ng social welfare development, na bigyan ng kaukulang disability card para sa pagkakakilanlan bilang PWD, ang mga cancer patients at cancer survivors, alinsunod sa RA 7277, na inamyendahan ng Republic Act No. 10754, o mas kilala bilang “An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability.” (Sec. 25, Rule VII, IRR ng R.A. No. 11215)



Dahil dito, maliwanag na maging ang mga cancer survivors ay itinuturing at kinikilala ng batas bilang PWD, na may karapatan pa rin na makakuha ng mga kaukulang diskwento at benepisyo na mahalaga para sa tuluyang pagpapagaling at pagpapabuti ng kanilang kalusugan. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page