top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Isa akong sekretarya sa isang pribadong kumpanya. Bigla na lamang akong tinanggal sa trabaho sa kadahilanang nalulugi na diumano ang aming kumpanya. Nais kong malaman kung may makukuha ba akong benepisyo mula sa SSS dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng pagtanggal sa akin? -- Emilyn



Dear Emilyn, 


Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11199 o mas kilala bilang “Social Security Act of 2018” upang magtatag at magsulong ng social security system na angkop sa mga pangangailangan ng mga tao sa buong Pilipinas at magtaguyod ng katarungang panlipunan sa pamamagitan ng pag-iipon at pagtitiyak ng makabuluhang proteksyon sa social security para sa mga miyembro nito at kanilang mga benepisyaryo, laban sa mga panganib ng kapansanan, pagkakasakit, pagtanda, pagkamatay, pagkalugi, at pagkawala ng trabaho o kita. Ang probisyon para sa unemployment insurance o involuntary separation benefits ay matatagpuan sa Section 14-B ng batas na ito na nagsasaad na: 


 “SEC. 14-B. Unemployment Insurance or Involuntary Separation Benefits. – A member who is not over sixty (60) years of age who has paid at least thirty-six (36) months contributions twelve (12) months of which should be in the eighteen-month period immediately preceding the involuntary unemployment or separation shall be paid benefits in the form of monthly cash payments equivalent to fifty percent (50%) of the average monthly salary credit for a maximum of two (2) months: Provided, That an employee who is involuntarily unemployed can only claim unemployment benefits once every three (3) years: Provided, further, That in case of concurrence of two or more compensable contingencies, only the highest benefit shall be paid, subject to the rules and regulations that the Commission may prescribe.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang isang miyembro na hindi lalampas sa 60 taong gulang at nagbayad ng hindi bababa sa 36 na buwang kontribusyon, kung saan 12 buwan nito ay dapat nasa loob ng 18 buwan bago ang hindi pagkawala o pagkahiwalay sa trabaho, ay dapat mabayaran ng benepisyo sa anyo ng buwanang pagbabayad ng salapi na katumbas ng 50% ng average monthly salary credit ngunit hindi hihigit sa dalawang buwan. Isang beses bawat tatlong taon lamang ito maaaring makuha.


Sa iyong sitwasyon, ang iyong pagkatanggal sa trabaho dahil sa pagkalugi ng kumpanya na iyong pinapasukan ay maaaring maituring na retrenchment kung saan ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Team Pacific et al vs. Layla M. Parente (G.R. No. 206789, 15 July 2020), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na: 


Under Article 298 of the Labor Code, retrenchment is one of the authorized causes to dismiss an employee. It involves a reduction in the workforce, resorted to when the employer encounters business reverses, losses, or economic difficulties, such as ‘recessions, industrial depressions, or seasonal fluctuations.’ This is usually done as a last recourse when other methods are found inadequate.”


Alinsunod sa nasabing kaso, ang iyong hindi kusang pagkatanggal sa trabaho dahil sa retrenchment ay kabilang sa mga authorized causes of termination kung saan maaari kang makakuha ng involuntary separation benefits alinsunod sa R.A. No. 11199 kung ikaw ay kuwalipikado ayon sa nabanggit na mga pamantayan. Gayundin, iyong tandaan na ang benepisyong ito ay maaari lamang makuha isang beses bawat tatlong taon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT KASUHAN AT IKULONG ANG MGA KUMALBO SA BUNDOK AT MGA NASA LIKOD NG FLOOD CONTROL SCAM KAYA NAKARANAS NG DELUBYONG BAHA ANG CEBU -- Tatlo ang sinasabing dahilan kaya nakaranas ng delubyong baha dulot ng Bagyong Tino ang Cebu, at ito ay ang pagmimina ng dolomite at pagkalbo ng mga mining companies sa kabundukan ng lalawigang ito, ang pagtatayo ng 19 storey condominium na “The Rise at Monterrazas,” na para maitayo ang malawak na condo na ito ay kinalbo umano ang may higit na 200 ektarya kabundukan sa probinsyang ito at ang ghost, substandard at unfinished flood control projects.


Galit sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Cebu Gov. Pamela Baricuatro sa naranasang delubyo ng mga taga-Cebu, kaya’t sana ang galit nilang ito ay may managot, dapat magsanib-puwersa ang national government at local government para sampahan ng kaso at maipakulong ang lahat ng mga abusadong mining companies, management ng “The Rise at Monterrazas” at mga politician, kontraktor at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na nagsabwatan sa ghost, substandard at unfinished flood control projects sa lalawigang ito, period!


XXX


DAPAT MAGLABAS NA AGAD NG WARRANT OF ARREST LABAN KAY ZALDY CO PARA BITBITIN NA NG INTERPOL PABALIK SA ‘PINAS -- Sabi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni former Congressman Zaldy Co na may mga natatanggap daw na death threat ang kanyang kliyente kaya ayaw na raw nitong umuwi sa Pilipinas.


Dahil ayaw na ni Zaldy Co na bumalik sa Pilipinas, ang dapat gawin ng Sandiganbayan kapag naisampa na sa kanila ng Ombudsman ang mga kasong plunder at graft sa mga sangkot sa flood control scam ay maglabas na agad sila ng warrant of arrest.

‘Ika nga, kapag may warrant of arrest na ay may dahilan na ang Interpol na dakpin si Zaldy Co kung saan man siyang bansa nagtatago para bitbitin pabalik ng ‘Pinas, boom!


XXX


KAPAG NAKALAYA SI JANET NAPOLES SA MGA KASONG PLUNDER, TIYAK MAS LALONG DADAMI ANG MGA ‘BUWAYANG’ MANG-I-SCAM SA KABAN NG BAYAN -- Nitong nakalipas na Nov. 5, 2025 ay inabsuwelto na naman ng Sandiganbayan si pork barrel queen Janet Napoles sa isa pa nitong kasong plunder.


Kaya kapag ang lahat ng kasong plunder ni Napoles ay naabsuwelto siya at tuluyan na siyang nakalaya sa kulungan, tulad ng ilang senador at kongresistang nakasuhan din ng plunder pero naabsuwelto rin at nakalaya, ay asahan nang mas dadami ang mga "buwayang" mag-i-scam sa kaban ng bayan sa katuwiran na ang mga plunderer sa ‘Pinas, inaabsuwelto at pinalalaya ng korte, buset!


XXX


PARAMI NANG PARAMI ANG MGA PAMILYANG PINOY NA NAKAKARANAS NG GUTOM SA ILALIM NG MARCOS ADMIN -- Noong June 2025 base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 16.1% pamilyang Pinoy ang nagsabi noon na nakakaranas sila ng gutom, pero sa latest survey ng SWS na isinapubliko ngayong November 2022 ay pumalo na sa 22% pamilyang Pinoy ang nagsabi ngayon na sila ay nakakaranas ng gutom sa ‘Pinas.


Masamang pangitain iyan kasi ang magkasunod na survey na iyan ang magpapatunay na hindi gumiginhawa ang pamumuhay ng mamamayan, at sa halip ay parami nang parami ang nagugutom sa ilalim ng Marcos administration, tsk!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 7, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa rami ng mga isyu sa ating bansa patungkol sa mga “ghost projects” at “kickback” heto na naman ang isang bagong kabanata ng katiwalian na tila hindi na natututo. 


Kamakailan, nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan, na umano’y kasapi ng “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors, dahil sa tinatayang P1.6 bilyong undeclared income at tax deficiencies mula 2020 hanggang 2024. 


Kinilala ng BIR sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at dating Construction Section Chief Jaypee Mendoza bilang mga akusado. 


Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., lumabas sa lifestyle check na lampas-lampas ang kanilang luho — mga sasakyang luxury, mamahaling ari-arian, at casino transactions na labis sa kanilang legal na kita. Hindi umano nagmula sa simpleng overtime pay o bonus ang kanilang kayamanan, kundi sa mga “proponents’ shares” o kickbacks mula sa mga ghost flood control projects, na kalauna’y nilinis umano sa pamamagitan ng casino gambling. 


Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Anti-Money Laundering Council (AMLC), Land Registration Authority (LRA), at Land Transportation Office (LTO), napatunayan ng BIR na labis ang kanilang cash exchanges at mga property acquisition kumpara sa mga idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at income tax returns. 


Mahaharap ang tatlo sa kasong tax evasion, willful failure to file, at willful failure to supply correct and accurate information, mga krimeng matagal nang sumisira sa kredibilidad ng mga lingkod-bayan. 


Sa katunayan, ito na umano ang ikalawang batch ng criminal cases na may kaugnayan sa anomalya sa flood control projects, kung saan umabot na sa P8.86 bilyon ang kabuuang tax liability ng mga sangkot.


Ang kaso ng “BGC Boys” ay hindi lang simpleng isyu ng buwis. Dahil habang maraming Pinoy ang nagbabayad ng tamang buwis mula sa pawis ng araw-araw na pagtatrabaho, may mga opisyal na ginagawang pang pusta lamang ang kaban ng bayan sa mga casino at pambili ng kanilang mga luho. Kung tunay na gustong ipakita ng gobyerno ang laban kontra-katiwalian, dapat magsilbing simula ito ng mas malalim na imbestigasyon sa mga anomalya na siyang nagpapahirap sa taumbayan. 


Hindi lang sapat na mabisto at malaman ang mga tao sa likod nito, kailangang may maparusahan at mapanagot. 


Ang yaman ng bayan ay hindi dapat umiikot sa mesa ng sugal at luho ng iilan, kundi dapat napapakinabangan ng bawat mamamayan, para sa ikauunlad ng ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page