top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAKTIKA NI PNP CHIEF GEN. NARTATEZ VS. KRIMINALIDAD, TAGUMPAY, 12.40% IBINABA NG CRIME RATE SA ‘PINAS LAST YEAR – Ang taktika ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., na nakatuon sa police visibility at direktang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad upang magkaisa sa paglaban sa kriminalidad, ay naging matagumpay. Batay sa ulat, bumaba ng 12.40% ang crime rate sa bansa nitong nakalipas na taong 2025.


Sa bahagi ng kanyang New Year message, tiniyak ni Gen. Nartatez na sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”, lalo pang paiigtingin ng kapulisan ang police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang labanan ang kriminalidad ngayong taong 2026.

Tunay ngang sa pamumuno ni Gen. Nartatez, ramdam na ng mamamayan ang serbisyong pulis. Patunay nito ang dami ng kapulisan na aktibong nagpapatrulya sa mga barangay, lungsod, at munisipalidad sa buong bansa.


XXX


MAGKAPATID NA KONGRESISTANG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, SILA RIN KAYA ANG 'ERIC YAP' AT 'EDVIC YAP' NA SANGKOT SA TARA SYSTEM NOON SA CUSTOMS? – Noong panahon ng Duterte administration, nagsagawa ng privilege speech si Senador Ping Lacson noong Agosto 23, 2017, kung saan tinalakay niya ang talamak na katiwalian sa Bureau of Customs (BOC). Binanggit niya noon ang mga pangalang Eric Yap at Edvic Yap bilang mga “player” o broker na umano’y nagbibigay ng payola o “tara” sa ilang tiwaling opisyal ng Customs.


Sa kasalukuyang panahon ng Marcos administration, sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure (ICI), lumabas na kabilang ang magkapatid na Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap sa mga mga kongresistang nasasangkot sa umano’y scam sa flood control projects.

Dahil dito, nagbabalik-tanong ang marami: Ang “Eric Yap” at “Edvic Yap” na binanggit ni Sen. Lacson noon ba ang parehong magkapatid na kongresista na ngayon ay nasasangkot sa DPWH flood control scandal? Boom!


XXX


NGAYONG YEAR 2026, DAPAT I-LIFESTYLE CHECK LAHAT NG MGA OPISYAL NG DPWH AT CUSTOMS – Ngayong 2026, nararapat magsagawa ng lifestyle check ang Ombudsman sa lahat ng opisyal ng DPWH at Customs.


At ang sinumang matuklasang namumuhay nang marangya at may bahid ng katiwalian sa kanilang posisyon ay dapat sibakin, kasuhan, at ikulong. Kasama rito, ang lahat ng kanilang nakaw na yaman ay dapat kumpiskahin ng pamahalaan. Period!


XXX


IISA ANG NAGING KAPALARAN NINA FPRRD AT VENEZUELAN PRES. MADURO, NAGHAMON NA DAKPIN SILA KAYA PAREHO SILANG KULONG – Halos magkapareho ang naging kapalaran nina former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at Venezuelan President Nicolás Maduro.


Nang makasuhan si FPRRD ng crimes against humanity, hinamon niya ang International Criminal Court (ICC) na dakpin siya. Bilang resulta, inaresto siya at ngayon ay nakakulong sa ICC jail.


Ganun din ang nangyari kay Pres. Maduro. Nang akusahan siya ng United States (US) ng drug trafficking sa Tate, hinamon niya ang Amerika na dakpin siya. Pinagbigyan ng US forces ang kanyang hamon, sinalakay ang kanyang bansa, inaresto siya, at ngayon ay nakakulong sa US jail.


Maging leksyon ito sa mga presidente at dating presidente ng mga maliliit na bansa: huwag basta-basta humamon sa ICC o sa isang superpower, dahil maaari itong magresulta sa pagkakakulong sa ibang bansa. Boom!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | January 5, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng bawat guro, kawani ng gobyerno, at iba pang tauhan na matiyak na ang kanilang sahod at benepisyo ay hindi napupunta sa wala. Kaya’t nakakabahala ang balitang ang panukalang pambansang badyet para sa 2026 ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa salary increases at retirement benefits matapos ilipat ang mahigit ₱43 bilyong mandatory personnel benefits sa unprogrammed appropriations, pondong hindi tiyak kung kailan mailalabas.


Ayon sa isang kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), inilipat sa ilalim ng bagong item na “Payment of Personnel Services Requirements” ang ₱10.77 bilyon para sa salary upgrades at ₱32.47 bilyon para sa retirement at terminal leave benefits. Mula sa dating garantisadong pondo, nakadepende na ngayon ang mga benepisyong ito sa pagkakaroon ng excess revenue ng gobyerno — kita muna bago ang karapatan.


Tinukoy ng ACT na naapektuhan ang pondo sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund at Pension and Gratuity Fund. Mula ₱111.57 bilyon, ibinaba sa ₱77.05 bilyon ang una; habang ang ikalawa ay lumiit mula ₱198 bilyon patungong ₱165.6 bilyon. Samantala, pinalaki ng mga mambabatas ang lump-sum funds para sa mga lokal na pamahalaan ng mahigit ₱53 bilyon. Para sa maraming empleyado ng gobyerno, malinaw na mas tiyak ang pondo sa ibang item kaysa sa kanilang pinaghirapang kabuhayan.


Hindi rin ito bagong pangyayari. Noong 2025, hindi rin natanggap ng ilang kawani ng Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ang buong ₱20,000 service recognition incentive dahil sa kakulangan ng pondo. Ngayon, tila inuulit ang parehong bangungot. Dagdag pa, iginiit ng ACT na ginagamit ang personnel benefits bilang panangga upang hindi ma-veto ang unprogrammed appropriations, na nasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects noong 2023 at 2024.


Inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2026 budget. Nanawagan ang ACT na i-veto ang unprogrammed appropriations at agad magsumite ng supplemental budget upang maibalik ang ₱43.24 bilyon para sa sahod at benepisyo. Ito ang makatarungang hakbang — hindi pagtakpan ang problema, kundi ituwid ito.


Ang serbisyo publiko ay hindi dapat ginagawang bargaining chip. Ang sahod at pensyon ay hindi pabor; ito ay kabayaran sa taon ng pagtuturo, pagbabantay, at paglilingkod. Kung nais ng gobyerno ang tapat at masigasig na kawani, dapat nitong igalang ang kanilang karapatan. Ang tunay na reporma ay nagsisimula sa katiyakang ang naglilingkod ay nakukuha ang para sa kanila.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | january 4, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ang isang empleyado o opisyal na nasampahan ng kaukulang kaso sa paglabag ng mga alituntunin ng opisina ay may karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili at magbigay ng kanyang panig. Siya rin ay may karapatang mabigyan ng sapat na oras upang makapaghanda ng kanyang depensa at sagutin ang mga naging paratang sa kanya. Anumang paglabag ay mayroong katumbas na kaparusahan at malimit sa isang kasong administratibo ang mga parusang suspensyon sa trabaho o tuluyang pagkatanggal sa trabaho. Dahil sa mga maaaring maging kaakibat na kaparusahan, ang empleyado o opisyal na kinasuhan ay kinakailangang mabigyan ng isang patas na pagdinig. 


Ito ay sang-ayon na rin sa probisyon ng ating Saligang Batas patungkol sa Lipon ng mga Karapatan na nagsasaad na: “No person shall be deprived of life, liberty or property without due process of law.” Maituturing na ang trabaho ng isang tao ang nagbibigay sa kanya ng buhay sapagkat ang kanyang sahod mula sa kanyang trabaho ang kanyang gagamitin upang matugunan niya ang kanyang mga pangunahing pangangailangan, maging ng kanyang pamilya at ng mga taong umaasa sa kanya. Ang nangangambang pagkawala nito ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng kanyang kakayahan para matugunan ang kanyang mga pangangailangan at ng ibang taong umaasa sa kanya.

Kanuga nito, ang isang empleyadong nakasuhan kaugnay sa kanyang pagtatrabaho ay binibigyan ng mga sumusunod na karapatan:


1. Karapatang mabigyan ng due process:


Sa kaso ng Ang Tibay vs. Court of Industrial Relations (69 Phils. 635), inilatag ng Korte Suprema ang mga rikisitos ng isang procedural due process sa isang kasong administratibo. Sang-ayon sa Korte Suprema, ang mga sumusunod ay ang mga rikisitos ng procedural due process:


a)Karapatang mapakinggan. Kasama rito ang karapatang magprisinta ng ebidensya para depensahan ang sarili at mapabulaanan ang akusasyon;

b) Isang patas na tribunal kung saan susuriin nito ang mga ebidensyang inihain;

c) Ang desisyon ng tribunal ay may batayang ebidensya;

d) Ang batayang ebidensya ay kinakailangang subtansyal o sapat sa paniniwala ng isang makatwirang pag-iisip upang magkaroon ng sariling konklusyon;

e) Desisyon sa kaso na suportado ng at base sa ebidensya na iprinisinta sa pagdinig o kabahagi ng records ng kaso; 

f) Isang tribunal na gagamit ng kanyang sarili at independenteng pagsusuri sa mga katotohanan sa isang usapin at sa mga angkop na batas patungkol dito;

g) Desisyon sa kaso na malinaw na nagpapaliwanag sa magkabilang panig ng mga isyu o usapin sa kaso at sa naging batayan ng tribunal sa naging desisyon nito.


2. Karapatan sa isang patas na pagdinig.


3. Karapatan na mabigyan ng paalala sa maaaring kahinatnan ng kaso na inihain laban sa kanya.


Kasama sa tinatawag na due process ang ipagbigay-alam sa empleyadong nakasuhan ang kinahinatnan ng pagdinig sa kanyang kaso upang siya ay mabigyan ng pagkakataong maisagawa ang anumang ligal na hakbangin kung ang maging resulta ng pagdinig ay ang kanyang pagkatalo.  


Sa kasong Zoleta v. Investigating Staff, et al., (G.R. No. 258888, 8 April 2024), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Samuel H. Gaerlan, ito ang naging pahayag ng Korte Suprema: 


Due process, as a constitutional precept, does not always and in all situations require a trial-type proceeding. Due process is satisfied when a person is notified of the charge against him and given an opportunity to explain or defend himself. In administrative proceedings, the filing of charges and giving reasonable opportunity for the person so charged to answer the accusations against him constitute the minimum requirements of due process. The essence of due process is simply to be heard, or as applied to administrative proceedings, an opportunity to explain one's side, or an opportunity to seek a reconsideration of the action or ruling complained of.


The case of Ang Tibay v. Court of Industrial Relations enumerates the constitutional requirements of due process, which the said case described as the "fundamental and essential requirements of due process in trials and investigations of an administrative character." Due process in administrative proceedings requires compliance with the following cardinal principles: (1) the respondents' right to a hearing, which includes the right to present one's case and submit supporting evidence, must be observed; (2) the tribunal must consider the evidence presented; (3) the decision must have some basis to support itself; (4) there must be substantial evidence; (5) the decision must be rendered on the evidence presented at the hearing, or at least contained in the record and disclosed to the parties affected; (6) in arriving at a decision, the tribunal must have acted on its own consideration of the law and the facts of the controversy and must not have simply accepted the views of a subordinate; and (7) the decision must be rendered in such manner that respondents would know the reasons for it and the various issues involved.


Sa madaling salita, ang isang empleyadong isinailalim sa isang administratibong proseso kaugnay sa mga sinasabing paglabag niya sa trabaho ay may karapatang malaman ang lahat ng detalye ng akusasyon laban sa kanya, at ilatag ang kanyang depensa bago pa man maaaring maghatol ang employer sa kanyang kaso.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page