- BULGAR
- 1 day ago
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 25, 2025

Dear Chief Acosta,
Gusto ko sana na magkaroon ng isa pang trabaho para may dagdag na kita. Napag-alaman ko sa aking tiyuhin ang tungkol sa pagiging isang private security personnel. Nais ko sanang malaman kung kinakailangan ko pa ba ng lisensya upang magampanan ang trabaho ng isang private security. Kung oo, ano ang mga katangian upang mapagkalooban ng nasabing lisensya? Salamat sa iyong magiging kasagutan. — Tammy, Jr.
Dear Tammy, Jr.,
Makikita ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 12 ng Republic Act (R.A.) No. 11917, o mas kilala sa tawag na “The Private Security Services Industry Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 12. License to Exercise Security Profession (LESP). — No applicant shall be granted license to exercise private security profession unless the applicant possesses the following qualifications:
(a) Must be of legal age;
(b) Must be a Filipino citizen;
(c) Must be physically and mentally fit;
(d) Must be of good moral character; and
(e) Must not have been convicted of any crime or offense involving moral turpitude.”
Ang nabanggit na batas ay pinagtibay sapagkat kinikilala ng ating pamahalaan ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa pangangalaga ng mga tao at ng kanilang mga ari-arian, gayundin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Kung kaya, nagsagawa ng mga hakbang na magpapalakas sa regulasyon ng industriya ng pribadong serbisyo sa seguridad at magtatatag ng mga pamantayan ukol sa kalidad ng nasabing propesyon.
Naaayon sa nakasaad na batas, ang isang aplikante ay maaari lamang mabigyan ng lisensya upang magampanan ang kanyang propesyon bilang private security kung siya ay nasa wastong edad, mamamayan ng bansang Pilipinas, maayos ang pangangatawan at pag-iisip, walang bahid ang moralidad, at hindi pa napatunayan na nagkasala sa isang krimen o gawaing labag sa batas na kinasasangkutan ng moral turpitude. Ito ang mga nabanggit na katangian upang ang isang tao ay mapagkalooban ng lisensya, o tinatawag na License to Exercise Security Profession (LESP), para magampanan ang kanyang propesyon bilang isang private security.
Karagdagan dito, nais din namin ipaalam na bago mabigyan ang isang tao ng LESP, siya ay nararapat na dumaan sa isang Pre-Licensing Training Program. Ito ay nakapaloob sa Seksyon 14 ng nasabing batas, kung saan nakasaad na:
“Section 14. Pre-Licensing Training. — No person shall be granted an LESP without undergoing the Pre-Licensing Training Program as defined in this Act: Provided, That the PNP shall encourage opening of local and regional security training centers to provide pre-licensing trainings to applicants.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.