top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | January 11, 2026



Boses by Ryan Sison


Parusa ang nararapat sa mga taong nadadawit sa katiwalian, lalo na kung ang sangkot ay mga opisyal na dapat nagtatanggol sa dangal ng bansa. Sa pag-amin mismo ng isang kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may ilang diplomat at personnel na iniimbestigahan at pinapauwi dahil sa umano’y iregularidad sa pondo, malinaw na may bitak na kailangang ayusin at hindi ito dapat tabunan ng pananahimik.


Bilang bagong kalihim ng DFA na itinalaga noong Hulyo 2025, itinaguyod niya ang “fiscal prudence” bilang pangunahing prinsipyo ng ahensya. Ilang buwan pa lamang sa puwesto, natuklasan ang mga puwang at lapses sa transaksiyong pinansyal ng ilang opisyal sa mga embahada at konsulado.


Tahimik ngunit matatag ang naging tugon: imbestigasyon, pagpapabalik sa Maynila, babala ng posibleng kasong administratibo at kriminal, pati na ang posibleng pagtanggal sa serbisyo. Hindi ibinunyag ang mga pangalan, ngunit malinaw na walang ranggo ang makakaligtas kung ang pondo ng bayan ay inaabuso.


Para sa taumbayan, ito ay mahalaga. Bawat sentimo na hawak ng isang diplomat ay buwis ng ordinaryong Pinoy na umaasang maaasahan ang gobyerno at hindi pagkakakitaan.


Sa gitna ng malalaking iskandalo sa iba’t ibang ahensya, nananatiling bihira ang DFA sa ganitong usapin. Kaya’t ang mabilis na aksyon ng kalihim ay hindi lang pagprotekta sa reputasyon ng departamento; pinapakita rin nito na ang international work matters ay hindi exempted sa pananagutan.


Pinalakas ang procurement rules, mas istrikto ang paggamit ng pondo, at binigyan ng malinaw na responsibilidad ang mga administrative at property officers, lalo na ang mga nasa abroad.


Mahalagang tandaan na, sa kabila ng kontrobersiya sa ibang sektor ng pamahalaan, nananatiling buo ang tiwala ng mga dayuhan. Walang grant ang kinansela, patuloy ang development assistance, at bukas pa rin ang pinto ng kooperasyon. Patunay ito na kayang ipagtanggol ng bansa ang kredibilidad nito kung may malinaw na paninindigan laban sa katiwalian.


Ang laban na ito ay hindi lamang internal na usapin ng DFA. Ito ay laban para sa bawat Pinoy na naghahanap ng gobyernong tapat at responsable. Ang disiplina sa loob ng ahensya ay salamin ng respeto sa taumbayan.


Ang katiwalian, maliit man o malaki, ay pare-parehong sugat sa tiwala ng mamamayan. Ang mahigpit na tindig ng DFA ay paalala na ang serbisyo-publiko ay isang mabigat na tungkulin, na hindi dapat inaabuso. 


Kung tuluy-tuloy ang ganitong pamamalakad, mas magiging malinaw sa bawat Pinoy na ang gobyerno ay kayang linisin ang sariling hanay at iyon ang unang hakbang sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 10, 2026



Fr. Robert Reyes


Tiyak na tapos na ang pagdiriwang ng Pista ng Nazareno sa Quiapo sa pagsulat ng artikulong ito. Tunay na tumutugma ang mga titik ng kantang “Pasko Na Naman—kay tulin ng mga araw.” 


Ang Paskong nagdaan ay tila kailan lang, gayundin ang apat na buwang paghahanda at pagdiriwang mula Setyembre hanggang Disyembre, pati ang siyam na madaling-araw at gabi ng Misa de Gallo at Simbang Gabi. Dumaan na rin ang huling araw ng nagdaang taon at sinalubong natin ang Bagong Taong 2026. Katatapos lang din ng pinakahihintay na Traslacion ng mga deboto ng Itim na Nazareno ng Quiapo.


Noong mga nakaraang araw, naibahagi sa mga homiliya ang seryoso at malalim na kakulangan ng marami sa tatlong anyo ng pag-ibig: pag-ibig sa Katotohanan, sa Katarungan, at sa Inang Bayan.


Kitang-kita ang kahinaan ng marami sa pag-ibig sa katotohanan. Hindi na ito ang pangunahing pinahahalagahan; mas mahalaga ang mailabas ang sariling opinyon, damdamin, o anumang nais ipahayag. Kaya napakahalaga ng paalala sa mga gumagamit ng social media: “Think before you post.” Napakaraming alitan, away, at maging kaso ang nag-uugat sa mga nabasa at nakita online. Malinaw na sa maraming pagkakataon, ang social media ay naging sandata—at minsan, isang mapanganib na sandata.


Sa gitna ng bangayan, pasaringan, at hamunan, kakaunti ang gumagamit ng social media sa masusing paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan. May mga vlogger at social media pages na naninindigan sa katotohanan at pananagutan, ngunit mas nahihilig ang nakararami sa mga site na kontrobersyal, puno ng galit at maging malaswang nilalaman.


Mahigit tatlong linggo nang nilalait ang ating kapatid na pari na si Padre Flavie Villanueva, SVD. Gayunman, malinaw, matapang, at hindi siya umuurong sa pagsagot. Sulong, Padre Flavie—ipagpatuloy ang pagtatanggol sa katotohanan. Nawa’y maging ganito rin ang marami sa atin.


Mahina rin ang pag-ibig sa katarungan. Matapos ang ilang buwang mainit na sigawan laban sa korapsyon, tila humuhupa na ang galit at panawagan. Ito na ba ang tinutukoy ni Kuya Kim na “weather-weather lang”?


Kasama ko si Padre Flavie sa paghahain ng kasong plunder laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Hindi natin inaasahan ang agarang pag-usad ng kaso sa Office of the Ombudsman, ngunit hindi rin ito dapat patagalin. Babalik kaya ang mga kilos-protesta ng kabataan, ng iba’t ibang kilusan—mula kanan, gitna, hanggang kaliwa—pati ng mga simbahan at sektor ng lipunan?


Mahina man, unti-unti namang lumalakas ang pag-ibig sa Inang Bayan. Sa nagdaang administrasyon, maaga ang pagsuko sa harap ng panghihimasok ng Tsina—hindi lamang pagsuko kundi paglarawan pa sa mananakop bilang “kaibigan.” Gayunman, dahil sa mga grupo, indibidwal, at sa kilusang “Atin ’To,” unti-unting nagbabago ang kalagayang ito. Dumarami ang muling nagmamahal at naninindigan para sa bayan.


Malaki ang aral na hatid ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno. Kitang-kita ang wagas, malalim, at ganap na debosyon ng mga deboto. Ito ang ating ibinahagi sa misa noong Biyernes ng umaga: sa anumang gawain, kailangan ang lakas ng pag-ibig. Kung walang pag-ibig, hindi lilitaw ang tunay na galing at husay.


Dahil sa pag-ibig, ginagawa natin ang lahat nang buo, tapat, at may pananagutan. Ito ang diwa ng debosyon—pag-ibig na ipinahahayag sa diwa, damdamin, salita, at gawa, hindi minsanan kundi pangmatagalan.


Ito ang itinuturo sa atin ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno. Taun-taon man itong nakikita sa pista, tiyak na araw-araw at sa bawat sandali ay isinasabuhay ng marami ang debosyong ito.


Poong Hesus Nazareno, ituro po Ninyo sa amin ang matatag, malalim, at panghabambuhay na pag-ibig, debosyon, at pananagutan sa Katotohanan, Katarungan, at sa Inang Bayan. Amen.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 9, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nakatatanggap ako ng liham mula sa pribadong paaralan ng anak ko na humihiling ng donasyon upang suportahan ang kasalukuyang pagpapatayo ng multi-purpose gymnasium. Ayon sa liham, gagamitin ang nasabing gym para sa mga aktibidad sa paaralan at mga kaganapang panlipunan ng mga estudyante at guro. Kailangan ba ng permit sa pagsasagawa ng ganitong uri ng solicitation? Nais ko sanang maliwanagan sa paksang ito. Salamat. Solei



Dear Solei,


Malalim na nakatanim sa kaugaliang Pilipino ang diwa ng bayanihan. Likas sa kultura ng mga Pilipino ang pagtulong at paglingap sa kapwa. Kaya kinailangan maglagay ng malinaw na patakaran para sa mga nagsasagawa ng donation drives. Nakasaad sa Section 2 ng Presidential Decree No. 1564, o mas kilala bilang Solicitation Permit Law, na kahit sino—tao, kumpanya, organisasyon, o grupo—na magsasagawa ng donation drive ay kailangan munang kumuha ng permit:


Section 2. Any person, corporation, organization, or association desiring to solicit or receive contributions for charitable or public welfare purposes shall first secure a permit from the Regional Offices of the Department of Social Services and Development as provided in the Integrated Reorganization Plan. Upon the filing of a written application for a permit in the form prescribed by the Regional Offices of the Department of Social Services and Development, the Regional Director or his duly authorized representative may, in his discretion, issue a permanent or temporary permit or disapprove the application. In the interest of the public, he may in his discretion renew or revoke any permit issued under Act 4075.”


Ang Department of Social Services and Development, na ngayon ay kilala bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang ahensyang may tungkuling mamahala sa pagsasagawa ng public solicitations. Kaya naman, bago gumawa ng solicitation para sa mga charitable o public welfare na gawain, kinakailangan munang kumuha ng permit mula sa DSWD.


Upang sagutin ang iyong katanungan, sa pangkalahatan, ang lahat ng gustong magsagawa ng solicitation ay kailangan munang kumuha ng permit mula sa DSWD. Gayunpaman, sa ilalim ng Article V, Section B ng DSWD Memorandum Circular No. 9 series of 2024, na may petsang 7 Marso 2024 at kilala bilang Revised Guidelines in the Processing and Issuance of Regional and National Public Solicitation Permits, may mga nakasaad na mga exemptions o mga sitwasyon na hindi na kailangan pang kumuha ng public solicitation permit. Isa na rito ang public solicitation na isinasagawa ng mga paaralan, unibersidad o kolehiyo:


The following shall be exempted from securing public solicitation permits:


1. Organizations, agencies, and corporations created by laws that specifically confer them with authority to solicit for charitable, and/or public welfare purposes such as but not limited to United Nations (UN) Agencies, instruments, and missions as covered by the UN Charter;

2. Solicitation activities for religious purposes that are conducted by the members of the congregation within religious sanctuaries (e.g., construction of church, mosque, or any structure for worship; evangelization or propagation of faith; welfare program of the church or congregation to their members);


However, religious organizations conducting solicitation activities for charitable and public welfare activities shall be required to secure a solicitation permit from the DSWD.


3. Solicitation activities conducted within and among officemates, clan members, social/civic groups, or associations such as alumni associations, fraternities, or sororities:

4. Solicitation activities conducted by and within schools/universities/colleges for purposes of supporting scholars and infrastructure projects;

5. Caroling during Christmas seasons and other religious festivities;

6. Request for support of a person from government agencies such as but not limited to DSWD and LUs assistance programs whose mandate includes providing support or financial assistance such as but not limited to medical assistance, educational assistance, transportation assistance, and burial assistance; and

7. Fundraising activities conducted by the Sangguniang Barangay for Barangay Projects in accordance with Section 391 of RA No. 7160, undertaken only in one city or municipality as per Book Ill, Title II, Chapter 3 of RA No. 7160.”


Samakatuwid, ang solicitation na isinasagawa ng paaralan para sa layuning magpatayo ng isang multi-purpose gymnasium ay maaaring ma-exempt o hindi na kailangan pang kumuha ng permit, kung mapatutunayan na ang pangangalap ng donasyon ay tanging para lamang sa nasabing infrastructure project. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page