top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | November 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kumanta na si ex-Rep. Zaldy Co.

Itinuro niya ang mga ranking officials ng Republika ng Pilipinas sa P100 bilyong insertion fund.


-----$$$--


BAGAMAN pinagdududahang isang “AI” generated content ang expose, pero ito ay nai-post sa sarili niyang “verified account” sa Facebook page.

Itinuro niya mismo sina PBBM, ex-Speaker Martin Romualdez at ex-Senate President Chiz Escudero — na direktang may kinalaman sa kontrobersiyal na “insertion”.


-----$$$--


NAGKUMAHOG sa pagdedepensa sina Senate President Tito Sotto at Sen. Ping Lacson na isang aktuwal na paghuhubad ng mascara — dahil mas dapat ay “naging neutral” upang mabusisi si Co nang lantaran sa Senate hearing.

Nagkakasya ngayon si Co sa social media — na hindi mapipigil nang sinuman.


-----$$$--


NAKATAKDA ang serye ng street protest at inaasahang higit na matindi ito kaysa sa naunang protesta kung saan, isang establisimyento ang ni-ransack.

Walang duda, gagamitin ang “pag-amin” ni Co bilang “slogan at battle cry” sa protesta.


-----$$$--


AKTUWAL na nagkaroon ng kakampi sina Rep. Kiko Barzaga, Gov. Chavit at mga DDS.

Hindi sila nabawasan, bagkus ay nadagdagan pa tulad ng INC at mismo ni Co.


-----$$$--


Sa totoo lang, may mga tsismis na bumaliktad na rin si US President Donald Trump.

Iyan ang nakakatakot, at nakakanerbiyos — panghihimasok ng US.


-----$$$--


Bago isinagawa ang naunang street protest, binalasa ng US Embassy ang mga diplomat kung saan pinalitan ang mismong ambassador.

Makaraan ito, dumalaw ang mga US diplomat mismo sa ICI at pinagdududahan ang tunay na motibo.


-----$$$--


SA pinakahuling ulat, dumating sa Basa Air Base ang isang unit ng military drones ng US na sinasabing magpapraktis lamang.

Sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr. kapag dumadaong ang US warship sa Subic Bay ay maraming espekulasyon ang lumilitaw.


-----$$$--


SA ngayon, walang dapat ipangamba ang lahat dahil paulit-ulit na sinasabi ng AFP na walang kudeta na magaganap.

Pero, nakapagtatakang hindi naglalabas ng anumang opisyal na pahayag ang US Embassy at White House kaugnay ng mga nagaganap sa Pilipinas.


----$$$--


HINDI ordinaryong kongresista si Co dahil aminado na ang lahat — maka-Marcos o maka-Duterte man, nakontrol ng naturang partylist representative ang maniobra sa annual budget.

Eh, sino pa ang inaantay na “magsalita” kaugnay ng flood control scam — hindi ba’t perpekto ang personalidad ni Co hinggil dito — siya mismo ang “main character” sa isyu — at ngayon ay nagbigay na ng pahayag.


-----$$$---


MASELAN ang sitwasyon, dahil agad bumagsak ang kalakalan sa stock exchange, bumagsak ang halaga ng piso at umatras ang volume ng foreign direct investment.

Hindi tinatablan ang Malacanang, pero malinaw na apektado ang ekonomiya — kabilang ng mga “foreign investors”.


----$$$--


ANG kapalaran at sitwasyon ng Pilipinas — ay hindi lamang para sa mga Pilipino, bagkus hindi maiiwasan na manghimasok ang mga dayuhan.

Bakit?

Mababangkarote rin kasi ang kanilang negosyo at mapupurnada ang kanilang “vested interest”.


-----$$$--


HINDI lang ang US ang posibleng manghimasok, maging ang China rin.

Hindi kaya mag-SPRINT sila sa pakikialam — sa lalong madaling panahon?



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 17, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta




Dear Chief Acosta,


Pinapayagan ba ang “John Doe” warrant? Maraming salamat po. -- Rudu



Dear Rudu, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating Saligang Batas at kaugnay na desisyon ng Korte Suprema. Hinggil dito, nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 2 ng ating Saligang Batas na:


Section 2. The right of the people to be secure in their persons, houses, papers, and effects against unreasonable searches and seizures of whatever nature and for any purpose shall be inviolable, and no search warrant or warrant of arrest shall issue except upon probable cause to be determined personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses he may produce, and particularly describing the place to be searched and the persons or things to be seized.” 


Kaugnay sa nabanggit na probisyon ng ating Saligang Batas, ibinahagi ng Korte Suprema sa kasong People v. Tiu Won Chua (G.R. No. 149878, 1 July 2003), sa panulat ni Honorable Chief Justice Reynato Puno, ang mga rekisito ng isang wastong warrant:


xxx There are only four requisites for a valid warrant, i.e,: (1) it must be issued upon “probable cause”; (2) probable cause must be determined personally by the judge; (3) such judge must examine under oath or affirmation the complainant and the witnesses he may produce; and (4) the warrant must particularly describe the place to be searched and the persons or things to be seized. As correctly argued by the Solicitor General, a mistake in the name of the person to be searched does not invalidate the warrant, especially since in this case, the authorities had personal knowledge of the drug-related activities of the accused. In fact, a “John Doe” warrant satisfies the requirements so long as it contains a descriptio personae such as will enable the officer to identify the accused. We have also held that a mistake in the identification of the owner of the place does not invalidate the warrant provided the place to be searched is properly described.” 


Samakatuwid, ang John Doe warrant ay hindi naman ipinagbabawal, at ito ay maaaring pahintulutan basta’t natutugunan nito ang mga rekisito, lalo na kung naglalaman ito ng descriptio personae o paglalarawan sa tao na magbibigay-daan sa mga awtoridad upang makilala ang akusado. 


Alinsunod sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, may apat na pangunahing rekisito upang maging balido ang isang warrant, at ito ay ang mga sumusunod: (1) ito ay dapat ipinalabas batay sa probable cause o sapat na batayan upang maniwala na may naganap na krimen; (2) ang probable cause ay kailangang personal na tukuyin ng hukom; (3) sinuri  ng hukom ang nagrereklamo at ang mga saksi na dapat ay personal na humarap sa kanya sa ilalim ng panunumpa o paninindigan; at (4) ang warrant ay dapat malinaw na naglalarawan sa lugar na hahalughugin at sa tao o bagay na kukunin.


Dagdag pa sa nasabing kaso, ang pagkakamali sa pangalan ng taong isasailalim sa paghahanap ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa warrant. Ayon sa kaparehong desisyon, ang isang John Doe warrant ay maituturing na balido kung ito ay naglalaman ng malinaw na paglalarawan sa tao nang sapat upang makilala at matukoy ng awtoridad ang akusado.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAHIRAP PANIWALAAN NA HINDI NAGKA-KICKBACK SI ZALDY CO SA FLOOD CONTROL PROJECT DAHIL NAGKAROON SIYA NG SANGKATUTAK NA PRIVATE JETS AT HELICOPTERS -- Sa unang video na ‘pasabog’ ni former Cong. Zaldy Co na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagpa-insert umano ng P100 billion sa Bicam ay naging hati ang opinyon ng publiko, may mga naniniwala at hindi naniniwala.


Pero sa ikalawang video na ‘pasabog’ ni Cong. Zaldy ay tuluyan siyang nawalan ng kredibilidad nang sabihin niyang wala raw siyang naging pakinabang, hindi raw siya nagkaroon ng kickback sa P100B "commission" sa mga flood control projects.


‘Ika nga, engot na lang ang maniniwala na hindi nagka-kickback sa flood control projects si Cong. Zaldy dahil nga nabulgar na mayroon siyang sangkatutak na air assets o mga private jets at mga helicopters, boom!


XXX


MATAPOS KAYA NANG MAPAYAPA ANG 3-DAY PROTEST, MA-PEOPLE POWER SI PBBM O MAGDEKLARA NG MARTIAL LAW ANG MARCOS ADMIN? -- Kahapon na (Nov. 16) nagsimula ang tatlong araw na protesta ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) na magtatapos sa Nov. 18, 2025, at ang protestang ito ay tinapatan ng libu-libong pulis, sundalo at coast guard ng Marcos administration.


Dahil diyan, tatlong isyu ang inaabangan ng publiko rito, kung matatapos nang mapayapa ang 3-day protest, kung magkakaroon ng People Power para mapatalsik si PBBM bilang presidente ng bansa, at kung magdedeklara ng martial law ang Marcos admin kapag nagkaroon ng karahasan, abangan!


XXX


TILA MAY NAIS PAGTAKPAN ANG ICI KAYA HALOS 3 WEEKS NA HINDI NA NASUNDAN ANG IMBESTIGASYON NA NAGING DAHILAN KAYA PROMISE NA LIVE TELECAST O LIVE STREAMING HINDI MAIPATUPAD -- Noong October 22, 2025 ay nangako si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes na ang mga susunod daw nilang hearing sa flood control projects ay isasapubliko na nila sa pamamagitan ng live telecast at live streaming, pero halos tatlong linggo na ang nakakalipas ay hindi na nasundan ang imbestigasyon ng ICI sa flood control scandal.


Isa lang ang ibig sabihin niyan kaya hindi na nagsasagawa ng hearing ang ICI, ‘pang-uunggoy’ lang sa mamamayan ang ipinangako nilang isasapubliko na nila ang kanilang imbestigasyon, na ayaw talaga nilang i-live telecast at live streaming ang ICI hearing, na ‘ika nga tila meron talaga silang gustong pagtakpan sa imbestigasyon ng flood control projects, pwe!


XXX


TOTOO KAYA O FAKE NEWS NA PATI RAW SI SEN. IMEE NANANAWAGAN KAY PBBM MAG-RESIGN? -- May kumakalat sa social media na maging si presidential sister, Sen. Imee Marcos ay nananawagan na rin sa kanyang kapatid na si PBBM na mag-resign na bilang pangulo ng bansa.


Sa ngayon ay hindi pa malaman ng publiko kung totoo o fake news ang panawagang ito ni Sen. Imee, pero kung sakaling totoo ay isa lang ang ibig sabihin niyan, na kahit ang senadorang kapatid ng Presidente ay hindi na nagugustuhan ang pamumuno ni PBBM sa ‘Pinas, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page