top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA PLENARYO, MAS MARAMING CONG. ANG MAGPAPAPANSIN KAY PBBM, BOBOTO SILA NG PABOR SA IMPEACHMENT NI VP SARA – Limampu't apat na miyembro ng House Justice Committee ang bumotong pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, dahil sa itinuturing nilang sapat ang dalawang impeachment complaints laban sa kanya, habang isa lamang ang kumontra.


Dahil sa bilang na ito, malaki ang posibilidad na sa plenaryo ay mas dadami pa ang botong pabor sa impeachment, lalo na mula sa mga kongresistang anti-Duterte na nais ipakita ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Period!


XXX


SA SUBPOENA LANG NG NBI, ATRAS NA ANG 'BALLS' NG 18 EX-MARINES AT ARMY NA ITINURING PA NAMAN NG MGA DDS NA MATATAPANG DAW – Matapos padalhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena ang 18 ex-marines at ex-army para imbestigahan ang kanilang pag-angkin na nagdala sila ng maletang may pera kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa iba pang opisyal ng gobyerno, hindi nagpakita ang mga ito.


Nakakatuwa, dahil ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ay itinuturing silang matatapang at makabagong bayani, ngunit nang padalhan ng subpoena ng NBI, agad silang nag-atras at nagtago. Boom!


XXX


SOLUSYON SA TAAS-PRESYO NG KRUDO, SUSPENDIHIN MUNA ANG VAT AT EXCISE TAX SA LANGIS – Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na dahil sa digmaan sa pagitan ng US-Israel, at Iran, posibleng umabot sa P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.


Bilang solusyon, iminungkahi ng Marcos administration na pansamantalang suspindihin ang value added tax (VAT) at excise tax sa langis upang hindi tumaas nang labis ang presyo. Period!


XXX


KATIGASAN NG ULO NG MGA ONLINE ILLEGAL GAMBLING VLOGGERS, TINAPATAN NA NG CICC NG KASONG ILLEGAL GAMBLING – Sampung vloggers na nagpo-promote ng online illegal gambling sa social media ang sasampahan ng kaso ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) dahil sa illegal gambling.


Binalaan na ng CICC ang mga vloggers na itigil ang kanilang promosyon, ngunit hindi sila sumunod, kaya nauwi sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila. Boom!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | March 7, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng mga kababaihan na ipagdiwang ang kanilang buwan ngayong taon sa paraang kanilang matatamasa at masasabing sila ay pinahahalagahan at inaalagaan mula sa mga benepisyong sila ay makikinabang. 


Hindi sapat na puro selebrasyon at pagbati lamang tuwing National Women’s Month. 

Mas mahalaga ang mga programang direktang tumutulong sa pangangailangan ng kababaihan, gaya ng hakbang ng Philippine Statistics Authority (PSA) na magbigay ng libreng kopya ng birth at marriage certificates sa buong buwan ng Marso.


Inanunsyo ng PSA na tuwing Lunes ng Marso ay maaaring makakuha ng isang libreng birth certificate o marriage certificate ang mga babaeng kliyente sa piling Civil Registry System (CRS) outlets sa Metro Manila. 


Layunin ng programa na gawing mas abot-kaya at accessible ang mahahalagang dokumentong kadalasang kailangan sa trabaho, scholarship, government services, at iba pang legal na transaksyon.


Gayunman, limitado ang bilang ng libreng dokumento kada outlet. Kaya hinihikayat ang mga interesadong kababaihan na magdala ng isang valid ID at magpareserba ng appointment sa kanilang website, o bumisita mismo sa napiling CRS outlet upang makakuha ng karagdagang detalye.


Narito naman ang iskedyul ng libreng serbisyo: 

March 2 – Quezon City Central Outlet (unang 100 kliyente); 

March 9 – Caloocan Outlet (unang 100) at Muntinlupa Outlet (unang 100);

March 16 – Makati Outlet (unang 100); 

March 23 – Bagong Pilipinas eSerbisyo Hub sa San Juan City (unang 20) at Parañaque Outlet (unang 100); 

March 30 – Valenzuela Outlet (unang 100)


Bukod sa libreng dokumento, magsasagawa rin ang PSA ng Civil Registration and National ID Caravan sa March 27 sa Barangay Kaybanban, San Jose del Monte, Bulacan. 

Sa caravan na ito, maaaring magpa-rehistro nang libre para sa National ID, magpa-validate ng impormasyon, at magtanong tungkol sa iba pang serbisyong may kinalaman sa civil registry.


Kasabay nito, inilunsad din kamakailan ng PSA ang E-Certificate Service, isang digital platform na nagpapahintulot sa mga Pinoy na makakuha ng electronic copy ng civil registry documents tulad ng birth at marriage certificates.


Sa ganang akin, mahalaga ang ganitong programa dahil maraming kababaihan ang nangangailangan ng opisyal na dokumento upang makapasok sa trabaho, makapag-apply sa social services, o makapagsimula ng sariling oportunidad. Ang isang simpleng papeles na libre ay maaaring maging susi sa mas malaking pagkakataon sa buhay.


Ang pagdiriwang ng Women’s Month ay hindi lamang tungkol sa pagkilala sa kontribusyon ng kababaihan kundi sa pagbibigay ng tunay na suporta sa kanilang pangangailangan. 


Kapag ang gobyerno ay naglalapit ng serbisyo sa mamamayan, mas nagiging makabuluhan ang selebrasyon dahil nararamdaman ng taumbayan ang konkretong benepisyo nito.


Ang ganitong inisyatiba ay nagpapaalala na ang empowerment ng kababaihan ay hindi lamang simbolo o ginawa lamang para magsaya. Ito ay nakikita sa mga programang nagbibigay ng akses, oportunidad, at paggalang sa kanilang karapatan bilang mahalagang bahagi ng lipunan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Maaari bang malaman kung may mga requirements o dokumento na maaaring hingin ng employer mula sa isang aplikanteng caregiver? Salamat po. — Nang Bibi



Dear Nang Bibi,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 11965, o kilala sa tawag na, “Caregivers’ Welfare Act,” na nagsaad na:


“Section 6. Pre-employment Requirements. - Prior to the execution of the employment contract, the employer may require the following:


(a) National Certificate issued by TESDA;

(b) Caregivers training certificate issued by the TESDA or its accredited school or training institution, if applicable;

(c) Medical certificate or health certificate issued by competent authorities;

(d) National Bureau of Investigation (NBI) clearance or police clearance; and

(e) Barangay clearance.


Caregivers who are first time jobseekers may obtain a copy of medical certificate or health certificate, and/or NBI or police clearance, free of charge, from concerned government offices pursuant to Republic Act No. 11261 or the "First Time Jobseekers Assistance Act".”


Upang masagot ang iyong katanungan, nakasaad sa nabanggit na probisyon ng batas ang ilan sa mga dokumento na maaaring hingin mula sa aplikante para sa posisyon ng caregiver. Karagdagan dito, kung ang isang caregiver ay matatawag na first time jobseeker, ang ilan sa mga nabanggit na dokumento sa Seksyon 6 ng R.A. No. 11965 ay maaari niyang makuha ng libre magmula sa mga ahensya ng gobyerno alinsunod sa R.A. No. 11261 o ang “First Time Jobseekers Assistance Act.”


Partikular na nakasaad sa Seksyon 4 ng R.A. No. 11261 ang mga dokumento na maaaring makuha ng libre ng isang first time jobseeker. Ito ay ang mga sumusunod:


“Section 4. Covered Governmental Transactions. - No fees and other charges shall be collected from first time jobseekers when obtaining the following, subject to the requirement in Section 5:


(a) Police clearance certificate;

(b) National Bureau of Investigation clearance;

(c) Barangay clearance;

(d) Medical certificate from a public hospital, provided that fees and charges collected for laboratory tests and other medical procedures required for the grant of a medical certificate shall not be free of charge;

(e) Birth Certificate;

(f) Marriage Certificate;

(g) Transcript of academic records issued by state colleges and universities;

(h) Tax Identification Number (TIN);

(i) Unified Multi-Purpose ID (UMID) card; and

(j) Other documentary requirements issued by the government that may be required by employers from job applicants.”


Sa buod, may mga dokumento na maaaring hingin ng employer sa isang caregiver bago sila pumasok sa isang employment contract. Ang ilan dito ay maaaring makuha ng libre ng isang caregiver mula sa mga ahensya ng gobyerno kung siya ay kuwalipikado batay sa nakasaad sa First Time Jobseekers Assistance Act.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page