top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ayon sa batas, ang ama at ina ang likas na tagapangalaga ng katauhan at ari-arian ng kanilang mga anak na wala pa sa tamang gulang, na hindi kinakailangan ng pagtatalaga ng husgado. Subalit may mga pagkakataon kung saan ang parehong ama at ina ng isang bata ay hindi makaganap ng kanilang mga tungkuling pangalagaan ang katauhan at mga ari-arian ng kanilang mga anak.


Sa pagkakataong ito, ang sinuman na kamag-anak ng isang bata na wala pa sa tamang edad o ang nasabing bata mismo, kung siya ay labing-apat na taong gulang na, ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado na gumaganap bilang Family Court sa lugar kung saan siya nakatira o sa lugar kung saan ang alinman sa kanyang mga ari-arian ay matatagpuan, kung siya ay nakatira sa ibang bansa. 


Sa ilalim ng A.M. No. 03-02-05-SC (Rule on Guardianship of Minors), na inilabas ng Korte Suprema noong ika-1 ng Mayo 2003, maaaring magtalaga ang husgado ng legal na tagapangalaga ng isang batang wala pa sa tamang gulang (minor) sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Death, continued absence or incapacity of his parents;

  2. Suspension, deprivation or termination of parental authority

  3. Re-marriage of his surviving parent, if the latter is found unsuitable to exercise parental authority; or

  4. When the best interest of the minor so requires. (Section 4, A.M. No. 03-02-05-SC)


Matapos na maihain ang petisyon para sa pagtatalaga ng tagapangalaga, magkakaroon ng pagdinig sa nasabing petisyon at isasagawa ang isang case study report ng isang social worker. Ang sinumang nagnanais na sumalungat sa nasabing petisyon ay maaaring maghain sa husgado ng kanyang mga basehan sa pagsalungat.


Sa pagtatalaga ng legal na tagapangalaga sa katauhan at ari-arian ng isang bata, marapat na karapat-dapat ang maihirang o maitalaga na legal na tagapangalaga o tagapangasiwa. Ikokonsidera ng husgado ang kanyang magandang karakter, pag-iisip, pisikal, at sikolohikal na kondisyon, ang pinasyal na kakayahan nito, ang kanyang kakayahang pangasiwaan ang mga ari-arian, at maging ang kanyang relasyon sa batang kanyang pangangalagaan.  


Ang legal na tagapangalaga ay may obligasyong pangalagaan ang katauhan o ang mga ari-arian ng nasabing bata. Bukod sa pangkalahatang pangangalaga, ang isang legal na tagapangalaga o legal guardian ay mga obligasyong katulad ng:

  1. Pagbabayad ng utang ng bata mula sa personal nitong ari-arian o sa mga kita ng kanyang mga real properties;

  2. Maningil ng mga pautang ng ward;

  3. Pangalagaan ang mga ari-arian ng kanyang ward;

  4. Magsumite ng imbentaryo ng mga ari-arian ng kanyang ward sa loob ng tatlong buwan mula nang siya ay nahirang na legal na tagapangalaga at kada taong susunod dito;


Kapag mayroong usapin ukol sa mga ari-arian ng bata, may obligasyon ang kanyang legal na tagapangalaga na ipagtanggol siya at magsilbing kinatawan sa nasabing usapin. Ang legal na pangangalaga at pangangasiwa ay matatapos sa sandaling ang bata ay tumuntong na sa tamang edad o kung ang nasabing bata ay namatay o kaya naman ay umalis ang kanyang tagapangalaga.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 8, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PINAGTAWANAN AT NA-BASH SA SOCIAL MEDIA SI VP SARA KASI 'TUTULOG-TULOG SA PANSITAN' ANG KANYANG MGA ADVISERS, HINAYAAN SIYANG MAGLABAS NG ‘PANIS’ NA STATEMENT – Tila yata “tutulog-tulog sa pansitan” ang mga advisers ni Vice President Sara Duterte. Mantakin ninyo, hinayaan nila si VP Sara na manawagan kamakalawa sa mga ahensya ng gobyerno na bantayan ang presyo ng langis at ang epekto nito sa mga bilihin at transportasyon, sa kabila ng digmaan sa Middle East.


Samantala, nuong March 3, 2026, umaksyon na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), na nag-anunsyo na hihilingin niya sa Kongreso ang emergency powers para bawasan ang excise oil tax, magbigay ng subsidiya sa public transport sector, sa mga magsasaka at mangingisda, at panatilihin ang kasalukuyang presyo ng bilihin.


Dahil “panis” na ang pabidang pahayag ni VP Sara, bukod sa pagtawanan siya sa social media, binash pa siya ng mga netizens. Boom!


XXX


BABALA SA MGA LALAKING GOV'T. OFFICIALS, ‘WAG TULARAN SI CONG. SUNTAY PARA HINDI MA-ETHICS COMPLAINT AT MAKASUHAN NG ADMINISTRATIBO – Bukod sa isinampang ethics complaint sa Kamara, nagsampa rin sa Ombudsman ang isang grupo ng kababaihan ng kasong administratibo laban kay Quezon City 2nd District Rep. Bong Suntay. Ito ay kaugnay ng isinapubliko niyang nagkaroon daw siya ng pagnanasa kay actress Anne Curtis nang makita ito sa mall, at in-imagine niya kung ano ang puwedeng mangyari dahil nag-init umano ang kanyang katawan sa aktres.


Ang mga kasong ito kay Cong. Suntay ay maaaring maging babala sa ibang lalaking opisyal ng pamahalaan. Kung tutularan nila ito, maaaring bukod sa ethics complaint, maharap din sila sa kasong administratibo. Period!


XXX


ZALDY CO, DAPAT MAGPA-PSYCHO TEST KASI NAGTATAGO SIYA SA BATAS TAPOS HUMIHIRIT NA HUWAG DAW SIYANG TAGURIANG PUGANTE – Tinabla ng Sandiganbayan ang hirit ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na bawiin ng korte ang taguri sa kanya bilang “pugante.”


Dapat yata magpasuri si Zaldy Co sa psychiatrist, kasi mantakin ninyo—may warrant of arrest na siya, at imbes harapin ang kanyang kaso, nagtago siya at ayaw pang tawaging pugante. Buset!


XXX


MGA HIRIT NA INTERIM RELEASE KAY FPRRD, TINULDUKAN NA NG ICC KAYA HABANG NILILITIS KANYANG KASO NAKAKULONG SIYA – Tinuldukan na ng International Criminal Court (ICC) ang anumang mosyon o hirit ng mga abogado ni former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) para sa interim release o pansamantalang kalayaan ng dating presidente.


Ibig sabihin nito, habang nililitis sa ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay FPRRD, mananatili siyang nakakulong sa ICC jail at makakalaya lamang kapag naabsuwelto sa kaso. Mas masaklap pa, kung mapatunayang guilty, tuluyan na siyang hindi makakalabas sa kulungan. Period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | March 8, 2026



Boses by Ryan Sison


Sa lumalalang init na nararanasan sa iba't ibang bahagi ng bansa, hindi na ito simpleng usapin ng panahon lamang—kailangan na itong bigyang-pansin. Ang patuloy na pagtaas ng heat index ay malinaw na babala sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Kapag umabot sa mapanganib na antas ang init, hindi lamang ito nagdudulot ng kakulangan sa ginhawa kundi isang seryosong banta sa mga manggagawa, estudyante, at ordinaryong Pilipino na kailangang kumilos sa labas araw-araw.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may tatlong lugar sa bansa na inaasahang makararanas ng pinakamataas na heat index na 40°C: Dumangas sa Iloilo, Borongan sa Eastern Samar, at Cotabato City sa Maguindanao. Ang antas na ito ay kabilang sa kategoryang “extreme caution” (33°C hanggang 41°C).


Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay tumutukoy sa “apparent temperature,” o ang init na aktuwal na nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang temperatura at humidity. Sa ilalim ng extreme caution, maaaring makaranas ang tao ng heat cramps at heat exhaustion, at ang patuloy na pagkabilad sa araw ay maaaring magdulot ng heat stroke, isang kondisyong delikado sa kalusugan.


Bukod sa mga lugar na may 40°C, may iba pang lugar na nagtala ng mataas na heat index:

  • 39°C: Sangley Point (Cavite City), Coron (Palawan), San Jose (Occidental Mindoro), Butuan City (Agusan del Norte)

  • 38°C: Iba (Zambales), Calapan (Oriental Mindoro), Cuyo (Palawan), Legazpi City (Albay), Pili (Camarines Sur), Iloilo City, La Granja (Negros Occidental), Catarman (Northern Samar), Tacloban City (Leyte), Zamboanga City

  • 37°C: NAIA (Pasay City), Bacnotan (La Union), Muñoz (Nueva Ecija), Camiling (Tarlac), Tanauan (Batangas), Puerto Princesa City, Daet (Camarines Norte), Catbalogan (Western Samar), Baybay (Leyte), Dipolog, Musuan (Bukidnon), Davao City

  • 36°C: Dagupan City, Baler (Aurora), Subic Bay (Olongapo), San Ildefonso (Bulacan), Hacienda Luisita (Tarlac), Alabat (Quezon), Aborlan (Palawan), Masbate City, Juban (Sorsogon), Roxas City, Mambusao (Capiz), Dumaguete City, Siquijor, Panglao (Bohol), Guiuan (Eastern Samar), Maasin (Southern Leyte), General Santos City, Surigao City, Hinatuan (Surigao del Sur)

  • 35°C: Science Garden (Quezon City), Tuguegarao City, Bayombong (Nueva Vizcaya), Casiguran (Aurora), Clark Airport (Pampanga), Mulanay (Quezon), Los Baños (Laguna), Romblon, Guinobatan at Daraga (Albay), Mactan Airport (Cebu), Laguindingan Airport (Misamis Oriental)

  • 34°C: Sinait (Ilocos Sur), Batac (Ilocos Norte), Echague (Isabela), Infanta (Quezon)

  • 33°C: Laoag City, Aparri (Cagayan), Indang (Cavite), Malaybalay (Bukidnon)


Ang ganitong ulat mula sa PAGASA ay hindi dapat balewalain. Ang mataas na heat index ay may direktang epekto sa kalusugan ng mga manggagawang nasa kalsada, estudyanteng naglalakad papasok sa paaralan, at pamilyang walang sapat na proteksyon laban sa init.


Mahalagang maging maingat sa matinding panahon: uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw, at sundin ang mga babala ng otoridad. Kung hindi naman kinakailangan, mas mainam na manatili sa loob ng bahay.


Ang lumalalang init ay paalala na patuloy ang pagbabago ng kalikasan. Responsibilidad ng bawat isa na maging handa, maingat, at mapagmatyag upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng buong komunidad.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page