top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 9, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NA-BASH SI VP SARA SA SINABI NIYANG MADALING MAGPADALA NG EROPLANO PARA SA OFW KASI SANGKATUTAK NA MISSILES ANG NAGLILIPARAN SA MIDDLE EAST – Sablay ang pagpapa-interview ni Vice President Sara Duterte sa dalawang Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers dahil imbes na humanga ang netizens sa kanyang sinabi, binash siya sa social media.


Sa interview, pinuna ni VP Sara ang kakulangan ng aksyon ng Marcos administration na magpadala ng eroplano para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit ng digmaan sa Middle East. Ayon sa bise presidente, madali lamang daw ito gawin dahil nuong alkalde pa siya, pinadalhan niya ng eroplano ang mga Davaeno na na-stranded sa Manila sa panahon ng COVID-19 pandemic, kaya nakauwi sila sa Davao City.


Dahil sa pahayag na ito, binash siya ng netizens dahil ikinumpara niya ang COVID-19 sa digmaan, at ang domestic flight mula Davao City papuntang Manila ay ikinukumpara sa international flight mula Pilipinas papuntang Middle East, kung saan kasalukuyang nagliliparan ang maraming missiles. Boom!


XXX


CONG. GARBIN, NAMBATIKOS NG JUETENG, KAILAN KAYA NIYA BABATIKUSIN KA-PARTYLIST NIYANG SI ZALDY CO NA NANG-SCAM NG BILYON-BILYON SA FLOOD CONTROL PROJECTS? – Binatikos ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garin ang muling pag-usbong ng jueteng sa Albay mula nang maging gobernador muli si Gov. Noel Rosal.

Kung totoo ngang may jueteng sa Albay, nararapat lamang na batikusin ito ni Cong. Garin. Ngunit hindi lang dapat ang pagsang-ayon ni Gov. Rosal ang pagtutukan ng kongresista; dapat ding tutukan ang mga sangkot sa mga scam sa flood control projects sa bansa.


Kaya't tanong: Kailan kaya babatikusin ni Cong. Garin ang kanyang ka-partylist na si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, na nasangkot sa bilyon-bilyong pisong flood control scam? Abangan!


XXX


KAPAG BATAS NA ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY, WAG NANG MANGAHAS KUMANDIDATO – Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na isama sa anti-political dynasty bill ang mga kabit o “other woman” ng mga babaerong pulitiko. Kaya sakaling maging ganap na batas ang panukala, huwag nang mangahas na kumandidato ang mga kabit, dahil kapag diniskwalipika sila ng Comelec, malalaman na ang dahilan ng kanilang diskwalipikasyon ay dahil sila ay kabit. Boom!


XXX


KAPAG HINDI NAG-RESIGN SI DOH SEC. HERBOSA, MAS LALO SIYANG MATATADTAD NG KASO SA OMBUDSMAN – Sinampahan uli ng concerned DOH employees ng kasong graft nitong nakalipas na March 7, 2026 sa Ombudsman si DOH Sec. Ted Herbosa kaugnay sa maanomalyang pagbili ng mobile primary care facilities, at nauna rito ay kinasuhan na rin siya ng mga DOH employees nuong Aug. 11, 2025 dahil sa maanomalya rin na DOH unliquidated funds transfer sa UNICEF.


Dapat mag-resign na sa puwesto si Sec. Herbosa kasi kung hindi siya magri-resign ay malamang sa dami ng anomalya sa DOH ay matadtad siya ng kaso sa Ombudsman. Period!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | March 9, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala para sa maraming Pinoy ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East. 


Hindi lamang ito tungkol sa supply ng petroleum products kundi isang usaping direktang may epekto sa bulsa ng taumbayan. 


Kapag sumirit ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene, kasunod nito ang pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.


Sa kabila ng pangamba ng publiko, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na may sapat pang reserba ng langis ang bansa. 


Ayon sa isang opisyal, tinataya umanong may dalawang buwang supply ng petroleum products ang Pilipinas batay sa datos mula sa Department of Energy (DOE). 

Ang pahayag na ito ay inilabas habang patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang epekto ng sigalot sa Middle East sa pandaigdigang presyo ng langis.


Gayunman, kahit may sapat na suplay sa ngayon, inaasahang tataas pa rin ang presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo. 


Batay sa minimum estimates ng DOE, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng hanggang P19 kada litro, gasoline ng P9 kada litro, at kerosene ng P31 kada litro. 


Ang ganitong pagtaas ay maaaring magdulot ng panibagong pasanin sa mga motorista, transport groups, at maging sa mga negosyong umaasa sa fuel para sa operasyon.


Bilang tugon sa posibilidad ng kakulangan o manipulasyon sa supply, nagsasagawa na umano ng inspeksiyon ang BOC sa mga bodega at depot ng mga oil company sa bansa. 

Layunin nitong tiyakin na walang nagaganap na artificial shortage, isang sitwasyon kung saan sinasadya umanong limitahan ang supply upang mapataas ang presyo sa merkado.


Kasabay nito, pinaigting din ng DOE ang pagbabantay laban sa hoarding at profiteering sa pagbebenta ng petroleum products. 


Mahalaga ang hakbang na ito upang maprotektahan ang publiko laban sa mga mapagsamantalang gawain na lalo pang nagpapahirap sa mamamayan.


Dagdag pa rito, may epekto rin sa  kita ng gobyerno ang paggalaw ng presyo ng langis. Tinatayang kumikita ang bansa ng P330 bilyon hanggang P410 bilyon kada taon mula sa buwis na nakukuha sa petroleum products. 


Kapag nagkaroon ng matinding pagbabago sa supply at presyo, maaaring maapektuhan ang koleksiyon ng pamahalaan mula sa sektor na ito.


Sa ganang akin, bagama’t nakapapawi ng kaunting pangamba ang dalawang buwang supply ng langis, hindi pa rin nito tuluyang inaalis ang problema sa mataas na presyo ng fuel. 


Ang tunay na epekto ng pagtaas ng presyo ay nararamdaman ng mga ordinaryong Pinoy sa pang-araw-araw na gastos.


Mahalagang patuloy na maglatag ang pamahalaan ng malinaw na hakbang upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. 

Magkaroon sana ng mas mahigpit na monitoring, tamang regulasyon, at mabilis na aksyon laban sa hoarding upang maprotektahan ang interes ng publiko.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 8, 2026



Fr. Robert Reyes



Sino ang karaniwang naghahamon o nagsisimula ng gulo o giyera sa mundo—kababaihan o kalalakihan?


Sa mga unang araw ng buwang ito, nagpabagsak ng mga bomba sa Iran ang pinagsanib na puwersa ng Israel at Estados Unidos. Sa pangunguna ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos, na sinuportahan ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel, nagpakawala sila ng mga bomba na sumira sa ilang gusali at tahanan sa Iran.


Hindi nagtagal ang tugon ng bansang binomba. Agad gumanti ang Iran at pinadalhan ng mga missile ang ilang kaalyado ng Israel at Estados Unidos. Bumagsak ang mga missile sa Israel, Bahrain, Kuwait, Jordan at Cyprus. Samantala, binomba rin ng Israel ang Lebanon.


Sa unang pag-atake sa Iran, umabot sa 175 katao—karamihan ay mga bata—ang nasawi. Kabilang din sa napatay ang pinuno ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei. Mag-iisang linggo na mula nang simulan ng Israel at Estados Unidos ang pagbomba sa Iran.

Mabilis ang naging negatibong epekto nito sa buong mundo. Agad tumaas ang presyo ng langis. Sa loob lamang ng isang linggo, nagbabantang tumaas ng hanggang sampung piso bawat litro ang krudo at gasolina. Siyempre, kasunod nito ang pagtaas ng presyo ng iba pang bilihin.


Tinawag ni Pangulong Donald Trump ang pag-atake sa Iran na “Giyera ng Paglaya.” Hinikayat pa niya ang mga mamamayan ng Iran na lumaban at bawiin ang kanilang pamahalaan mula sa mga umano’y umaapi sa kanila.


Ngunit kakayanin bang magkaroon ng “regime change” sa pamamagitan ng malawakang pagbobomba? Marami nang pag-aaral ang nagsuri sa ganitong paraan ng pagpapalit ng rehimen. Ipinapakita ng mga pag-aaral mula pa noong World War I na bagama’t napahihina ang militar ng binobombang bansa at nasisira ang mga imprastruktura nito, hindi nito nakukuha ang kooperasyon ng mamamayan ng bansang inaatake.


Kung tunay na nais ang pagbabago sa pulitika, kinakailangan ang mga prosesong tulad ng negosasyon, pagtataguyod ng mga institusyon, at lehitimong pagsasalin ng kapangyarihan. Malinaw na hindi ito ang piniling landas ng Estados Unidos at Israel.

Ang pangbobomba at pagwasak lamang ang nakikitang hakbang. Wala pang malinaw na plano para sa maayos at mapayapang pagbabago. Para lamang itong mga maliliit na alitan sa barangay—nagkapikunan, nagkatinginan nang masama, nagkasagutan—hanggang mauwi sa suntukan at gulo.


Ayon sa mga ulat, halos walang malinaw na negosasyong nagaganap upang makamit ang mapayapang kasunduan sa pagitan ng Israel, Estados Unidos at Iran. Sa halip, tuluy-tuloy ang mga tangka ng Israel na hadlangan ang programang nukleyar ng Iran sa pamamagitan ng cyber attacks at sabotahe, sa halip na bukas na pag-uusap tungo sa kapayapaan.


Para naman kay Trump, nais niyang pigilan ang paglawak ng kakayahang nukleyar ng Iran at ang posibleng pagbuo nito ng armas nukleyar na maaaring magbanta sa seguridad ng Estados Unidos.


Anuman ang dahilan ng pag-atake, matindi ngayon ang diskusyon kung legal ba o hindi ang desisyon ni Pangulong Trump na bombahin ang Iran. Ayon sa maraming kritiko, labag ito sa batas dahil hindi dumaan sa pagdinig ng Kongreso ang planong ito. Hindi maaaring basta magpasya ang pangulo ng Estados Unidos na magsimula ng giyera nang walang konsultasyon o pag-apruba mula sa Kongreso.


Matagal na ring binabatikos si Trump dahil sa umano’y hindi pakikinig sa opinyon ng iba sa kanyang mga desisyon. Bago pa man ang pag-atake sa Iran, sinimulan na rin niya ang matinding kampanya laban sa mga tinatawag niyang “ilegal na migrante.” Pinakilos ang Immigration and Customs Enforcement (ICE), na nagresulta sa libu-libong pagkakaaresto at deportasyon. Ilan na rin ang nasawi sa mga kilos-protesta na kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.


Ganito kadalas nagsisimula ang mga mararahas at di makatarungang programa—sa pamamagitan ng puwersa, dahas, at paggamit ng mga sandata ng digmaan, mula sa baril hanggang tangke, eroplano at barkong pandigma.


Mas lalong nakalulungkot na nagaganap ang mga ito ngayong Buwan ng Kababaihan. Kapag inalala natin ang papel ng kababaihan sa lipunan, unang pumapasok sa isip ang ating mga ina—ang mga nagdala sa atin sa kanilang sinapupunan, nagsilang, at nag-aruga sa atin hanggang sa lumaki. Sila ang simbolo ng pagbibigay-buhay, pag-aaruga at pagprotekta laban sa panganib.


Nanawagan ngayon ng tigil-putukan si Papa Leo XIV. Ganoon din ang panawagan ng maraming ina sa buong mundo—protektahan ang mga anak at ibalik ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap, hindi ng lakas laban sa lakas o armas laban sa armas.

Paulit-ulit na paalala ng mga ina at kababaihan:

Buhay, hindi bala.


Kahinahunan, hindi kamatayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page