top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 24, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Sa susunod na taon, magpapakasal kami ng matagal ko nang kasintahan. Bilang paghahanda, sabay kaming humingi ng Certificate of No Marriage Record (CENOMAR). Sa halip, Advisory on Marriage ang nakuha ng kasintahan ko. Diumano ay mali ito, kaya humingi siya ng kopya ng marriage certificate para makumpirma ang nilalaman nito. Diumano ay hindi niya kilala iyong babaeng nakalagay sa wife portion. Sabi niya, huwad diumano ang pirma niya sa nasabing marriage certificate. Ang tanong po namin, maaari bang maitama o makansela ang nasabing entrada para matanggal ito sa kanyang record?


— Candie





Dear Candie,


Una sa lahat, ang marriage certificate ay tumutukoy sa dokumentaryong ebidensya na nagpapatunay sa kasal sa pagitan ng dalawang indibidwal. Nakasaad sa Family Code of the Philippines na ang marriage certificate ay dapat maglaman ng mga sumusunod na detalye: 


Art. 22. The marriage certificate, in which the parties shall declare that they take each other as husband and wife, shall also state:


(1) The full name, sex and age of each contracting party;

(2) Their citizenship, religion and habitual residence;

(3) The date and precise time of the celebration of the marriage;

(4) That the proper marriage license has been issued according to law, except in marriage provided for in Chapter 2 of this Title;

(5) That either or both of the contracting parties have secured the parental consent in appropriate cases;

(6) That either or both of the contracting parties have complied with the legal requirement regarding parental advice in appropriate cases; and

(7) That the parties have entered into marriage settlement, if any, attaching a copy thereof.”


Kaugnay ng iyong katanungan, sa kasong Lizza C. Santos vs. Local Civil Registrar of Manila and the Civil Registrar General, G.R. No. 265114, 03 Pebrero 2026, sa panulat ni Kagalang-galang Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, tinalakay ng ating Korte Suprema na ang paratang ng pamemeke (forgery) ay hindi kailanman ipinapalagay, at dapat itong patunayan ng partido na gumigiit nito nang may malinaw at nakakukumbinsing ebidensya. Kung walang ganoong malinaw at nakakukumbinsing ebidensya, hindi masusuri at matutukoy ng korte kung ang pirma ay peke:


A marriage certificate ‘is an official record in the custody of the Civil Registrar… [which] enjoys the presumption of regularity and authenticity.’ Moreover, it is a public document. Under the Revised Rules on Evidence, its entries are ‘prima facie evidence of the facts therein stated,’ and it is in itself ‘evidence…of the fact which gave rise to [its] execution and of the date of the latter.’ Therefore, for the marriage certificate to be deemed a forgery, petitioner needed to present no less than ‘clear, positive [,] and convincing evidence.’


Olaybar also warns against the use of a petition for correction or cancellation of an entry in the marriage certificate as a substitute for a direct action to question the validity of a marriage. Petitioner cannot dissolve her marriage by the mere changing of the entries in the marriage certificate.”


Gayundin, pinapaalalahanan ng ating Korte Suprema na hindi maaaring gamitin ang petition for correction o cancellation of an entry in the marriage certificate bilang kapalit ng direktang aksyon upang kwestyunin ang bisa ng kasal. Hindi maaaring buwagin ang kasal sa pamamagitan lamang ng pagpapalit o pagkakansela ng entrada sa marriage certificate.


Kaya naman, kinakailangang makapagpakita ng ebidensya ang iyong kasintahan na walang seremonya ng kasal na naganap at peke (forged) lamang ang pirmang makikita sa marriage certificate na kanyang nakuha upang baguhin ang tala sa civil registry.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 24, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ANG MGA BATANG KRIMINAL, ‘DI DAPAT BENIBEYBI – Dapat amyendahan ang Juvenile Justice Law na isinulong ni Sen. Kiko Pangilinan.


Sa ilalim ng batas, ang mga menor-de-edad na may edad 15 hanggang wala pang 18 taong gulang na nakagawa ng krimen nang may discernment ay maaaring managot sa batas. Ngunit ang mga 15 taong gulang pababa ay exempt sa criminal liability at sasailalim lamang sa intervention program.


Sa kaso ng dalawang Grade 9 students na namaril sa loob ng San Juan National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at nasa 20 iba pa ang nasugatan, tila ang 15-anyos na suspek lamang ang maaaring managot sa kriminal na aspeto, habang ang 14-anyos na suspek ay exempt sa criminal liability.


Dapat amyendahan ang batas upang ang sinumang menor-de-edad na gagawa ng karumal-dumal na krimen ay managot din sa ilalim ng batas.


Ika nga, ang mga batang kriminal na sangkot sa karumal-dumal na krimen ay hindi dapat binibeybi. Period!


XXX


SA MGA PARENTS, BILINAN ANG MGA ANAK NA TUMAWAG AGAD SA 911 SA ORAS NG PELIGRO – Sa mga magulang, pakibilinan ang inyong mga anak na tumawag sa emergency hotline na 911 kung sakaling magkaroon ng karahasan sa kanilang paaralan.

Ayon sa mga otoridad, maaari silang makatugon sa loob ng limang minuto sa oras ng emergency.


Mahalagang tandaan ng mga mag-aaral ang 911 dahil maaari itong makatulong sa kanilang kaligtasan. Period!


XXX


KAHIT NAG-IIMBESTIGA NA ANG PNP SA NAGANAP NA PAMAMARIL SA ISKUL, SI SEN. RISA GUSTO PANG UMEPAL, MAG-IIMBESTIGA RIN DAW SIYA SA SENADO – Pangungunahan daw ni Sen. Risa Hontiveros ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa San Juan National High School sa Tacloban City.


Ganun? Nag-iimbestiga na nga ang PNP sa insidenteng ito, tapos sasawsaw pa sa imbestigasyon si Sen. Risa. Tsk!


XXX


DAPAT LUBAYAN NA NI SEN. ALAN CAYETANO ANG PAGMAMAKTOL, TANGGAPIN NA NIYA ANG KATOTOHANANG HINDI NA SIYA ANG SENATE PRESIDENT – Ayaw pa ring maglubay ni Sen. at dating Senate President Alan Cayetano sa pag-atake sa Gatchalian bloc.


Dapat nang tanggapin ni Cayetano ang pagpapatalsik sa kanya bilang Senate President at harapin ang katotohanang si Sen. Sherwin Gatchalian na ngayon ang namumuno sa Senado. Sa totoo lang, hindi maganda ang dating ng patuloy niyang pagmamaktol, lalo na't sa mga dating Senate President na napatalsik sa puwesto, tila siya lamang ang hindi pa rin makabitaw. Boom!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 24, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nakababahala ang mga karumal-dumal na krimen na nangyayari ngayon sa mga eskwelahan at dapat magsilbing matinding babala na ito sa bawat magulang, guro, at buong komunidad gaya ng trahedyang naganap sa isang paaralan sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan matapos ang isang pamamaril na kinasasangkutan din ng mga menor-de-edad.


Sa panahon ngayon na halos nakadikit na sa gadget at social media ang kabataan, malinaw na hindi na lamang ito usapin ng teknolohiya kundi ng kaligtasan, paggabay, at responsibilidad ng bawat nasa paligid ng mga bata.


Kasunod ng insidente, nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang, guro, at school administrators na maging mas mapagmatyag sa paggamit ng social media at iba pang digital platforms ng mga kabataan. 


Ayon sa isang opisyal ng PNP, mahalagang bantayan ng mga magulang ang online activities ng kanilang mga anak gaya ng pagbabantay nila sa kanilang pisikal na kinaroroonan. Hinikayat din niya ang mga guro at administrador ng paaralan na maging katuwang sa pagtukoy ng mga pagbabago sa asal o interes ng mga estudyante na maaaring magsilbing babala bago pa mauwi sa karahasan.


Noong Lunes, dalawang estudyante ang isinailalim sa kustodiya matapos umanong magpaputok ng baril sa loob ng eskwelahan. Batay sa ulat ng pulisya, tatlong estudyante ang nasawi habang 13 iba pa ang nasugatan. Lumabas din sa imbestigasyon na isa sa mga suspek ay nag-upload umano ng mga video online na may kaugnayan sa baril at karahasan, kabilang ang pagpapakita ng aktuwal na pagpapaputok ng armas.


Patuloy namang sinusuri ng mga otoridad kung may kinalaman ang bullying at iba pang social factors sa nangyaring karumal-dumal na insidente. Ayon sa PNP, ang mga senyales tulad ng paglayo sa pakikisalamuha, labis na pagkahilig sa mararahas na nilalaman, at paggamit ng mapanganib na pananalita ay hindi dapat balewalain dahil maaaring ito ang mga unang indikasyon ng mas seryosong problema.


Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Education upang makabuo ng mas malinaw at mahigpit na school safety protocols para maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa mga paaralan sa buong bansa. Bahagi ito ng direktiba ng administrasyon na paigtingin ang community-based prevention measures at mas maagang matukoy ang mga senyales ng karahasang kinasasangkutan ng kabataan.


Hindi sapat na sa mga pulis o paaralan lamang iasa ang pagprotekta sa mga bata. Ang ganitong insidente ay malinaw na paalala na ang bawat miyembro ng pamilya at komunidad ay may papel sa paghubog ng kabataan. Habang lumalawak ang impluwensiya ng digital world, dapat ding lumalim ang pakikialam, paggabay, at pakikipag-usap ng mga nakatatanda sa mga kabataan.


Ang trahedyang nabanggit ay hindi lamang kuwento ng isang paaralan kundi repleksyon ng mas malawak na hamon na kinahaharap ng lipunan. Kung nais nating maiwasan ang kaparehong pangyayari sa hinaharap, kinakailangan ang sama-samang pagkilos, maagang interbensyon, at mas matatag na ugnayan sa pagitan ng tahanan, paaralan, at komunidad upang mapanatiling ligtas ang susunod na henerasyon. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page