top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 29, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAY MASAMANG BALAK DAW ANG MALACAÑANG, NAIS IBABA ANG BILANG NG BOTO NG MGA SENATOR-JUDGES PARA MA-IMPEACH SI VP SARA – Join na rin si election lawyer Atty. Romy Macalintal sa panawagang pairalin ng Senado ang nakasaad sa Konstitusyon hinggil sa kinakailangang 16 na boto ng senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Ayon kay Atty. Macalintal, kahit nakakulong o suspendido ang isang senador, o kahit nagtatago pa ito, senador pa rin sila at kabilang pa rin sa 24 miyembro ng Senado. Kaya kung kukuwentahin ang 2/3 ng 24, 16 pa rin ang kinakailangang boto.

Sa totoo lang, marami nang legal experts ang nagsasabing 16 na boto ang kailangan para mahatulan ang sinumang ini-impeach. Pero may ilan pa ring nais baluktutin ang interpretasyon ng batas at ibaba ang bilang ng kinakailangang boto para maisulong ang kanilang nais. Tsk!


XXX


SAKLAP NG NANGYARI KAY FPPRD, 'KINIDNAP' NA, MISTULANG HINOLDAP PA NG ICC – Nagpalabas ng freeze order ang International Criminal Court (ICC) kaugnay sa perang nakumpiska kay former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) nang arestuhin siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Ang pag-aresto kay FPRRD, batay sa warrant of arrest ng ICC, ay itinuturing ng pamilya Duterte at ng mga abogado ng dating pangulo na isang "kidnapping" dahil dinala na siya sa The Hague bago pa man maglabas ng desisyon ang Supreme Court (SC) kung dapat ba siyang ikulong sa ICC jail. Ngayon naman, pati ang pera ng dating pangulo ay ipina-freeze na rin ng ICC.


Ang saklap naman ng nangyari kay FPRRD—ayon sa kanilang panig, "kinidnap" na siya, tapos ngayon ay mistulang "hinoldap" pa ng ICC. Boom!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NI SEN. RISA HONTIVEROS KASI PINUTAKTE SIYA NG BATIKOS NG MGA ONLINE GAMER – Sablay ang pabida ni Sen. Risa Hontiveros sa pag-iimbestiga ng Senado sa naganap na pamamaril ng dalawang menor-de-edad sa isang paaralan sa Tacloban City. Nang isama pa niya sa nais imbestigahan ang mga sinasabing bayolenteng online game, dito na siya pinuputakte ng batikos ng mga online gamer.


Ayon sa mga online gamer, ang mga nilalaro nila ay parang action movie lamang na sila ang bida. Wala naman daw nag-uutos sa kanila na gumawa ng karahasan o krimen, kaya hindi nila tanggap na pag-initan ng senadora ang mga action online game sa Pilipinas.


Mungkahi ng mga online gamer, ang dapat daw ipa-stop ni Sen. Risa ay ang sangkatutak na online gambling sa social media, at hindi ang pinaglilibangan nilang mga online game. Period!


XXX


QUEZON CITY NA KILALA SA BANSAG NA 'CITY OF STARS,' BAKA MABANSAGAN NA RIN NA 'CITY OF STL' SA RAMI RAW NA STL OUTLET – Sa panahon ng administrasyong Marcos, kapansin-pansin umano ang pagdami ng mga STL outlet sa iba't ibang panig ng bansa, lalo na sa Quezon City. Halos bawat barangay at kanto umano ay mayroon nang booth ng tayaan ng STL.


Ano ba itong gobyerno? Aasa na lang ba ang ekonomiya sa pagtaya ng mamamayan sa STL?


Dapat pangunahan ng mga opisyal ng Quezon City ang pagtugon sa isyung ito. Dahil kung magpapatuloy ang pagdami ng mga STL outlet, kahit pa sabihing may basbas ito ng Malacañang, baka dumating ang panahong ang QC, na kilala bilang "City of Stars" dahil sentro ito ng entertainment industry ng bansa, ay mabansagan na ring "City of STL." Boom!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 29, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kung ipagbabawal ba ang social media sa mga menor-de-edad, mababawasan kaya ang karahasan at iba pang suliraning kinakaharap ng kabataan, o isa lamang itong mabilis ngunit pansamantalang lunas sa mas malalim na problema ng lipunan? 


Ito ngayon ang sentro ng diskusyon matapos ang nakagigimbal na pamamaril sa isang paaralan na kinasasangkutan ng dalawang menor-de-edad.


Kasunod ng insidente, muling nabuhay ang panawagan para higpitan ang paggamit ng social media at online platforms ng mga bata. Kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ang posibleng impluwensya ng mararahas na video game at online content sa mga suspek. Dahil dito, nagpahayag ang Malacañang ng kahandaang pag-aralan ang mga panukalang magbabawal sa mga application na naglalaman ng marahas na tema para sa mga kabataan.


Suportado rin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga hakbang na maglilimita sa access ng mga batang wala pang 16 taong gulang sa social media. Aniya, maraming pag-aaral ang nagpapakita na may epekto ang labis na paggamit ng social media at violent games sa mental health ng kabataan, kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng mental health concerns sa bansa.


Sa Hulyo 1, magsasagawa ng pagdinig ang Senado upang alamin kung may papel ang online platforms sa paglaganap ng mararahas na ideolohiya at kung paano nagagamit ang mga ito sa pag-impluwensya sa mga kabataan.


Hindi naman bago ang panukalang ito. Noong Abril, inihain ang Senate Bill No. 2066 o Social Media Safety for Children Bill na naglalayong pagbawalan ang mga batang wala pang 16 taong gulang na magkaroon ng social media accounts. Kasama rin dito ang pagpapatupad ng age-verification system upang masiguro ang pagsunod sa batas.


Samantala, hinikayat din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Kongreso na maipasa ang isang digital safety law bago matapos ang 2026, kabilang ang pagtatakda ng minimum age requirement sa paggamit ng social media.


Gayunman, maraming sektor ang naniniwalang hindi sapat ang simpleng pagbabawal. Ayon sa Council for the Welfare of Children, hindi makabubuti sa mga bata ang isang total ban dahil hindi nito tinutugunan ang tunay na ugat ng problema. Para naman sa isang sociologist, hindi praktikal ang ganitong polisiya dahil maging ang mga nasa hustong gulang ay nakararanas din ng parehong panganib sa online world.


Iginiit niya na mas mahalagang gawing ligtas ang digital environment para sa lahat kaysa basta pagbawalan ang isang partikular na sektor. May pangamba rin na kapag pinagbawalan ang mga bata sa mga pangunahing platform, maaari silang lumipat sa mas mahirap bantayan at mas mapanganib na online spaces. Ganito rin ang babala ng CitizenWatch Philippines na nagsabing maaaring mailipat lamang ang panganib sa ibang lugar sa halip na tuluyang mabawasan.


Isa pang usapin ang karapatan ng kabataan sa impormasyon at pakikilahok sa mga usaping panlipunan. Maaari ring magkaroon ng banta sa privacy kung kakailanganing magsumite ng sensitibong personal na impormasyon para sa age verification. Dagdag pa rito, may posibilidad na gumamit lamang ang mga menor-de-edad ng pekeng detalye o account ng ibang tao upang makalusot sa mga restriksyon.


Para sa maraming pamilyang Pilipino, lalo na sa mga may magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, mahalagang kasangkapan ang social media sa komunikasyon at pagpapanatili ng ugnayan. Kaya naman hindi maaaring balewalain ang positibong papel nito sa pang-araw-araw na buhay.


Sa halip na band-aid solution, mas mainam na ituon ang mga hakbang sa pagpigil sa mga tunay na pinagmumulan ng online harm, kabilang ang mga grupong nagpapakalat ng karahasan, pang-aabuso, at mapanlinlang na impormasyon. Katulad ito ng layunin ng Child Online Safety and Protection Bill na pinagtibay na ng Kamara, na nakatuon sa mas mahigpit na proteksyon laban sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata.


Sa ganang akin, mahalagang kumilos ang pamahalaan upang protektahan ang kabataan, ngunit hindi sapat ang simpleng pagbabawal upang maresolba ang isang komplikadong suliranin. Ang tunay na hamon ay kung paano bubuo ng isang ligtas, responsable, at makataong digital environment para sa lahat. Hindi lamang teknolohiya ang dapat bantayan kundi pati ang edukasyon, paggabay ng magulang, kalusugang pangkaisipan, at kultura ng paggamit ng internet.


Ang usapin ay hindi lamang tungkol sa social media kundi tungkol sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. Kung nais nating maiwasan ang mga trahedyang tulad ng mga nangyayaring insidente ngayon sa mga kabataan, kailangan na magkaroon ng mas malalim, mas matalino, at mas pangmatagalan ang mga solusyong ating isusulong para sa kapakanan ng buong sambayanan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 28, 2026



Fr. Robert Reyes


Sunud-sunod ang mga trahedyang kinasasangkutan ng mga mag-aaral.

Noong mga nakaraang linggo, umugong sa mga pahayagan, radyo, telebisyon at iba't ibang social media platform ang trahedyang kumitil sa buhay ng dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University basketball team.


Sina Rene Baterbonia at Divine Adili ay tinangay ng malalakas na alon at nalunod sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.


Kasalukuyang iniimbestigahan sina Head Coach Tab Baldwin at Team Manager Christopher Quimpo kaugnay ng insidente. Umani ng matinding batikos ang administrasyon ng unibersidad, at isinusulong na rin ng iba't ibang kampo ang pagsasampa ng kaso laban sa mga itinuturong may pananagutan.


Makalipas ang dalawang linggo, noong Hunyo 22, 2026, bandang alas-9:20 ng umaga, dalawang kabataang may dalang baril ang pumasok sa mga silid-aralan ng San Jose National High School at pinaputukan ang mga estudyante. Tatlong mag-aaral na may edad 16 at 17 ang nasawi, habang dalawa pa ang sugatan.


Sa simula ay nakilala lamang sa kanilang mga alyas na Rod, 15, at Nash, 14, ang dalawang suspek. Ang baril na ginamit ni Nash ay pag-aari umano ng kanyang tiyahing pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8, habang ang ginamit naman ni Rod ay pag-aari ng isang security agency sa Cebu.


Tulad ng trahedya sa Aurora, umani rin ng matinding batikos ang pamamaril sa Tacloban. Lalong umigting ang usapin dahil kapwa menor-de-edad ang dalawang suspek.


Ayon sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o Republic Act No. 9344, ang edad ng criminal responsibility sa Pilipinas ay 15 taong gulang. Ang batang 15 taong gulang pababa na nakagawa ng krimen ay hindi agad sinasampahan ng kaso kundi inilalagay sa isang intervention o rehabilitation program sa ilalim ng pangangasiwa ng mga social worker at lokal na pamahalaan. Samantala, ang mga nasa edad 15 hanggang wala pang 18 ay maaaring managot sa batas kung mapatutunayang kumilos sila nang may sapat na pag-unawa sa kanilang ginawa.


Mabilis namang nagpahayag ng kanyang posisyon si Senador Robinhood Padilla. Iminungkahi niyang amyendahan ang Republic Act No. 9344 at ibaba sa 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility.


Kasabay nito, naglipana rin ang iba't ibang reaksyon sa social media. Sa isang post, iginiit ng isang netizen na "alam na alam" nina Rod at Nash ang kanilang ginagawa at ipinakita pa ang umano'y palitan ng kanilang mga text message bilang patunay. May iba namang nagsabing ginagamit ng ilang kabataang sangkot sa krimen ang pagiging menor-de-edad bilang pananggalang, sa paniniwalang hindi sila makukulong.


Hindi na bago ang ganitong uri ng argumento. Ito rin ang lohikang ginamit noon upang bigyang-katwiran ang extrajudicial killings—na ang pinakamabilis na paraan upang malutas ang krimen ay ang pagpatay sa mga kriminal. Para sa ilan, hindi na umano kayang magbago ang mga ito kaya dapat na lamang silang lipulin.


Libu-libong hinihinalang drug pusher at drug user ang napatay noong nakaraang administrasyon. Ngunit matapos ang napakaraming nasawi, tuluyan na nga bang nawala ang problema sa ilegal na droga? Kung ang sagot ay hindi, malinaw na hindi sapat ang dahas bilang pangmatagalang solusyon sa kriminalidad.


Kaagapay ng ganitong pananaw ang panawagang ibalik ang death penalty. Noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, pitong lalaking nahatulan sa kasong rape ang binitay. Gayunman, hindi naman tuluyang natigil ang mga kaso ng panggagahasa. Ipinakikita lamang nito na ang mabigat na parusa, gaano man ito kabagsik, ay hindi awtomatikong pumipigil sa paglitaw ng krimen.


Lahat tayo ay naghahangad ng isang ligtas at mapayapang lipunan. Ngunit nauunawaan ba natin ang ugat ng mga problemang ito?


Ayon sa ilang ulat, nakaranas umano ng matinding bullying sina Rod at Nash. Samantala, ipinagbawal na rin ng pamahalaan ang "GoreBox," isang online game na pinaniniwalaang maaaring magpalaganap ng karahasan sa mga kabataan.


Ano nga ba ang dapat unahin? Higpitan ang batas? Dagdagan ang parusa? Ibaba ang edad ng criminal responsibility? O harapin ang mas malalim na mga suliranin—ang bullying, ang madaling pag-access ng mga kabataan sa baril, ang kapabayaan ng ilang magulang at kamag-anak, at ang impluwensiya ng mararahas na nilalaman sa internet?


Walang mabilis at simpleng solusyon sa ganitong uri ng problema. Kailangang magtulungan ang pamilya, paaralan, pamahalaan at buong komunidad. Kailangang mag-aral, magnilay at manalangin. Higit sa lahat, kailangang maibalik ang paggalang sa buhay at dignidad ng bawat tao.


Masakit ang sinapit nina Rene at Divine. Masakit din ang sinapit ng tatlong kabataang pinaslang sa Tacloban. At masakit ding isipin na dalawa ring


 
 
RECOMMENDED
bottom of page