top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | June 30, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat maging ligtas na lugar ng pagkatuto ang mga paaralan, hindi lugar ng takot at pangamba para sa mga estudyante at kanilang mga magulang.


Kaya makabuluhan ang mas pinaigting na ugnayan ng Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED) upang higit na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Hindi sapat na kumilos lamang kapag may naganap nang trahedya. Mas mahalaga ang maagap na paghahanda at matatag na seguridad upang maiwasan ang anumang insidenteng maaaring maglagay sa panganib ng kabataan.


Bilang bahagi ng mas mahigpit na hakbang sa seguridad, inatasan ang lahat ng regional offices at police stations na makipag-ugnayan nang mas malapit sa DepEd, CHED, at mga paaralan. Layunin nitong palakasin ang seguridad sa loob ng mga campus at sa mga pangunahing aktibidad ng mga estudyante, lalo na ang mga isinasagawa sa labas ng paaralan.


Hinikayat din ng PNP ang mga paaralan na makipag-coordinate muna sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya bago magsagawa ng malalaking off-campus activities. Sa ganitong paraan, maisasagawa ang masusing security assessment, maihahanda ang emergency response plan, maayos na mapapangasiwaan ang daloy ng trapiko, at magiging mabilis ang koordinasyon sa rescue at medical teams sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari. Nagsisimula ang tunay na pag-iwas sa sakuna sa matibay na kooperasyon at maagang pagpaplano.


Ang hakbang na ito ay tugon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang proteksyon sa mga mag-aaral sa loob at labas ng paaralan. Iginiit ng Pangulo ang isang whole-of-society approach kung saan sama-samang kikilos ang mga ahensya ng gobyerno, mga paaralan, lokal na pamahalaan, at mismong komunidad upang mahigpit na maipatupad ang mga safety protocol.


Lalong pinabilis ang pagpapatupad ng mga hakbang matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante. Kasunod nito, humiling ang DepEd ng mas mahigpit na seguridad at mas madalas na police patrols sa paligid ng mga paaralan. Dahil dito, inatasan na rin ang lahat ng police units sa bansa na isama ang mga educational institution sa kanilang police visibility at security operations.


Mahalagang tandaan na ang kaligtasan ng mga estudyante ay hindi lamang responsibilidad ng pulisya o ng mga guro. Bahagi rin dito ang mga magulang, lokal na pamahalaan, at buong komunidad. Kapag nagkakaisa ang lahat, mas nagiging epektibo ang pagprotekta sa kabataan laban sa karahasan at iba pang banta.


Ang tunay na sukatan ng isang ligtas na lipunan ay hindi lamang ang bilis ng pagresponde kapag may insidente, kundi ang kakayahang mapigilan itong mangyari. Karapatan ng bawat kabataan ang makapag-aral nang walang takot, at tungkulin ng buong lipunan na tiyaking ang bawat paaralan ay mananatiling lugar ng pagkatuto, pag-asa, at ligtas na kinabukasan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 29, 2026



Fr. Robert Reyes


Lumaki tayong nasanay na sabihing, “Nagsisimba kaming pamilya tuwing Linggo.” Opo, bitbit kaming tatlong magkakapatid ng aming tatay at nanay patungo sa munting kapilya ng Parokya ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.


Naging bahagi na ito ng aming buhay at inaasahan tuwing Linggo ng umaga. Para sa amin, ang Linggo ay araw ng pagsisimba at ang pagsisimba ang pinakadiwa ng Linggo. Banal ang araw na ito—naiiba sa lahat ng iba pang araw sapagkat ito ang Araw ng Panginoon.


Sa lingguhang pagdalo namin sa Banal na Misa na pinamumunuan ni Padre Antonio Benedicto, unti-unting namulat ang aking puso sa kagandahan ng bokasyon sa pagpapari. Hindi nagtagal, noong 1970, sinabi natin kay Padre Tony na pinayagan na tayo ng ating ama na pumasok sa seminaryo.


Grade 6 pa lamang tayo nang unang sabihin nating nais nating maging pari. Ilang ulit nating ipinahayag ang hangaring ito, ngunit mariing tumutol ang ating ama dahil, ayon sa kanya, napakabata pa natin. Gayunman, hindi tayo tumigil sa paghingi ng pahintulot. Makalipas ang tatlong taon, noong tayo ay nasa ikalawang taon ng hayskul, iba na ang kanyang naging tugon sa ating tanong na, “Puwede na po ba akong pumasok sa seminaryo?”


“O sige, anak. Kung iyan ang pagtawag sa iyo ng Panginoon.”

Sinamahan tayo ni Padre Tony Benedicto sa San Jose Minor Seminary, kung saan nakausap namin si Padre William “Bill” Keyes. Sinabi niya, “Yes, you may apply. Come here on this day and be ready to stay for five days for tests, interviews, and a wonderful experience of seminary life.”


Mas maliit ang kapilya ng aming parokya kaysa sa kapilya ng seminaryo. Tahimik at napapaligiran ito ng luntiang kalikasan. Ibang-iba pala talaga ang pakiramdam sa isang lugar na maraming puno at malawak ang kapaligiran. Dito natin lalong naunawaan na mahalagang bahagi ng paglikha ng Diyos ang kalikasan—ang lupa, tubig, hangin, araw, at lahat ng may buhay: halaman, ibon, hayop, isda, kulisap, maging ang pinakamaliit na nilikhang hindi nakikita ng mata. Lahat ng ito ay nasaksihan natin sa loob at paligid ng kapilya ng seminaryo.


Natapos ang limang araw ng ating pag-aplay. Makalipas ang ilang linggo, dumating ang liham na nagsasabing tayo ay tinanggap. Mula 1970 hanggang sa ating ordinasyon bilang pari noong Marso 1982, unti-unti nating naunawaan ang malaking pagkakaiba ng Sambahan at Simbahan.


Limampu't anim na taon na ang lumipas mula nang tayo ay pumasok sa San Jose Minor Seminary sa Novaliches, at mahigit apatnapu't apat na taon na rin tayong naglilingkod bilang pari. Marami na tayong napaglingkurang parokya.


Sa kasalukuyan, sa ating ikalimang taon ng paglilingkod sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, ipinagdiriwang natin ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong 1966. Paulit-ulit nating ipinapaliwanag sa mga parokyano ang mahalagang pagkakaiba ng Sambahan at Simbahan, lalo na sa panahong humaharap ang Sambayanang Kristiyano sa maraming hamon.


Mahalaga ang Sambahan bilang pisikal na lugar kung saan sama-samang ipinagdiriwang ang Banal na Misa at iba pang mga sakramento. Ngunit sa loob ng Sambahan nagtitipon ang Simbahan—ang buhay na Bayan ng Diyos, ang Katawan ni Kristo, na binubuo ng maliliit na pamayanang Kristiyano.


Noong Ikalawang Konsilyong Vaticano (1962–1965), binigyang-diin ng Simbahan ang bagong pagtingin sa sarili bilang Bayan ng Diyos. Ang Simbahan ay hindi lamang gusali o institusyon. Hindi rin ito simpleng samahan ng mga opisina, departamento, teologo, o mga dalubhasa sa batas ng Simbahan. Higit sa lahat, ang Simbahan ay binubuo ng mga taong nananampalataya—mga pamilyang bumubuo sa sambayanang Kristiyano. Kaya nga tinatawag ang bawat pamilya bilang Simbahan sa Tahanan.


Kung ang pamilya ay Simbahan sa Tahanan, gayundin ang mga taong nagtitipon upang manalangin, mag-aral ng Salita ng Diyos, at ipagdiwang ang kanilang pananampalataya. Ang Simbahan ay ang mga taong nagtitipon sa loob ng Sambahan.


Sa paggunita sa anim na dekada ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, binabalikan natin ang masasaya, mahihirap, at mapanghamong yugto ng pagbubuo ng Simbahan—hindi lamang sa loob ng Sambahan kundi sa bawat pamayanan at sa bawat tahanan.


Madaling talakayin ang konsepto ng Simbahan at Sambahan, ngunit hindi madaling isabuhay at patatagin ito araw-araw sa buhay ng isang parokya.


Gayunman, sa karanasan ng lahat ng nakiisa sa paghahanda at pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng parokya, naranasan at naunawaan ng marami ang tunay na kahulugan ng pagbubuo ng isang sambayanang nananalig, nagmamahal, at naglilingkod sa Diyos, sa kapwa, sa lipunan, at sa kalikasan.


Maligayang ika-60 anibersaryo sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Barangay Bahay Toro, Quezon City!


Mabuhay ang Simbahan—ang Sambayanang Kristiyano. Mabuhay ang Simbahan sa bawat tahanan.


Salamat sa Espiritu Santo, ang Espiritu ng Ama at ng Anak, na patuloy na bumubuhay, nagpapatatag, nagtuturo, at umaakay sa Simbahan upang maglingkod sa kapwa, lalo na sa mga maralita; magmalasakit sa sugatang kalikasan; at maging saksi ng kapayapaan, katotohanan, at katarungan sa buong sangkatauhan. Amen.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Bilang isang estudyante at tagapagtaguyod ng kalusugang pangkaisipan, nais ko sanang malaman kung may batas ba na naipatupad upang makatulong na bigyang solusyon o atensyon ang lumalawig na mga alalahanin sa kalusugang pangkaisipan ng mga estudyante? — Ejah



Dear Ejah,


Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa Seksyon 5 ng Republic Act (R.A.) No. 12080 o mas kilala sa tawag na “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act,” kung saan nakasaad na:


Section 5. Establishment of a Mental Health and Well-Being Office in Every Schools Division Office. - There is hereby established, under the administration and supervision of the DepEd, a Mental Health and Well-Being Office, hereinafter referred to as the Office, in every SDO, which is primarily tasked to address the mental health and well-being of all learners and personnel of the DepEd under the jurisdiction of the SDO. It shall be headed by a Schools Division Counselor with Salary Grade 24 whose qualification must include being a Registered Guidance Counselor or a Registered Psychologist.”


Ayon sa nasabing probisyon na batas, itinataguyod ang pagkakaroon ng isang Mental Health and Well-Being Office sa kada School Division Office (SDO) na siyang sasailalim sa administrasyon at pangangasiwa ng Department of Education (DepEd). Ang pangunahing tungkulin ng Mental Health and Well-Being Office ay tugunan ang kalusugang pangkaisipan at kagalingan ng lahat ng mga mag-aaral at tauhan ng DepEd sa ilalim ng hurisdiksyon ng nasabing SDO. Ang Mental Health and Well-Being Office ay pamumunuan ng isang schools division counselor na may kwalipikasyon na sasakop sa pagiging isang registered guidance counselor o registered psychologist.


Nakasaad din sa Seksyon 6 ng R.A. No. 12080, ang gagampanang tungkulin ng Mental Health and Well-Being Office. Ang ilan dito ay ang mga sumusunod:


Section 6. Functions of the Mental Health and Well-Being Office. - The Office shall have the functions:


(a) Provide a general framework for the mental health and well-being programs of the schools under its jurisdiction. This framework shall encompass strategies and guidelines to promote the psychological welfare of learners within the educational system;


(b) Review, revise, and approve the mental health and well-being program submitted by schools, particularly if the head of the Care Center is not a School Counselor, to ensure that the programs are aligned with established standards and best practices in the field of mental health;


(c) Conduct periodic visits to the schools under its jurisdiction to assess the implementation of mental health and well-being programs, evaluate their effectiveness, and determine the overall mental health status of the learners;


(i) Perform other activities within the purview of guidance and counseling deemed necessary to enhance the mental health and well-being of learners.”


Ang nasabing batas ay ipinatupad sa kadahilanang kinikilala ng ating gobyerno ang mahalagang papel ng mga bata at kabataan sa pagbuo ng bansa, at dapat pagyamanin at protektahan ang kanilang kabuuang kapakanan. Ito ay mapapagtibay sa pagkakaroon ng mga patakaran na magtataguyod sa kalusugang pangkaisipan at kagalingan sa mga institusyong pang-edukasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page