top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 1, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nag-asawa po ako noong taong 2025. Wala naman po kaming pinirmahang anumang kasunduan bago ang aming kasal. Ngunit bago ako ikasal ay nagmamay-ari na ako ng iba’t ibang alahas. Gusto ko lang malaman kung ang mga nasabi bang alahas ay magiging pag-aari ko lang o kasama sa ari-arian na parehas kami ang may-ari?


— Marinel



Dear Marinel,


Ang lahat ng ikinasal pagkatapos ng ika-3 ng Agosto 1988, kung kalian nagkabisa ang Family Code of the Philippines, at walang mga pre-nuptial agreement o kasunduan na may kaugnayan sa kanilang pag-aari, ay sinasakop ng tinatawag na absolute community of property. 


Alamin natin kung anu-anong pag-aari ang sinasakop ng absolute community of property. Ayon sa Article 91 ng Family Code of the Philippines: 


Art. 91. Unless otherwise provided in this Chapter or in the marriage settlements, the community property shall consist of all the property owned by the spouses at the time of the celebration of the marriage or acquired thereafter.” 


Samakatuwid, maliban sa mga pag-aaring hindi isinama ng batas, ang lahat ng pag-aari ng mag-asawa kahit pa man bago sila ikasal ay magiging parte ng kanilang community of property o sa madaling-sabi ay magiging pag-aari nilang parehas. 


Gayunpaman, mayroong mga pag-aari na hindi sinasakop ng absolute community of property. Ang mga ito ay mananatiling pag-aari lang ng isa sa mag-asawa. Ayon sa Article 92 ng Family Code: 


Art. 92. The following shall be excluded from the community property:


  1. Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property;


  1. Property for personal and exclusive use of either spouse. However, jewelry shall form part of the community property;


  1. Property acquired before the marriage by either spouse who has legitimate descendants by a former marriage, and the fruits as well as the income, if any, of such property.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang mga alahas, bagama’t ito ay itinuturing na personal na ginagamit ng isa sa mag-asawa, ay hindi labas sa tinatawag na absolute community of property. Bagkus, ito ay kasama at sinasakop ng nasabing probisyon ng batas, at magiging pag-aari ng parehong mag-asawa. 


Sa iyong sitwasyon, dahil kayo ay walang pre-nuptial agreement at ikinasal kayo pagkatapos ng August 3, 1988, ang sumasakop sa inyong property relation ay ang absolute community of property. Kaya naman, kahit ang mga pag-aari ninyo bago kayo ikasal ay magiging pag-aari ninyong pareho. Ang iyong mga alahas ay kasama rito, kahit na ang mga ito ay ipinundar mo bago kayo ikasal, dahil sinasabi mismo ng batas na ang mga alahas ay hindi magiging parte ng community property ng mag-asawa. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 1, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAY DAHILANG MAGALIT ANG INC KASI SI CONG. ROMUALDEZ ANG INAASAHAN NILANG MAKUKULONG, PERO KA-MEMBER PA NILA NA SI SEN. MARCOLETA UNANG IPAPAKULONG – Isang araw matapos ihayag ni Ombudsman Boying Remulla na magsasampa sila ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta, nagsagawa kahapon ng surpresang rally sa Edsa Shrine sa Quezon City at Liwasang Bonifacio sa Maynila ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).


Sa totoo lang, may punto ang galit ng mga miyembro ng INC dahil ang kaanib nilang si Sen. Marcoleta pa ang unang haharap sa kasong plunder, samantalang wala pang kaso si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, na ayon sa INC ay utak umano ng flood control scandal. Period!


XXX


DOBLENG KAMALASAN ANG INABOT NI MIKE DEFENSOR SA MARCOS ADMIN KASI 2 KASONG NO BAIL ANG KAHAHARAPIN NIYA – Damay si dating Cong. Mike Defensor at dalawang negosyante sa kasong plunder na isinampa laban kay Sen. Marcoleta.

Ayon sa reklamo, ang P75 milyong donasyon kay Sen. Marcoleta ay hindi umano nito idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE). Samantala, hindi rin umano iniulat sa Comelec ng mga donor, kabilang si Defensor, na nagbigay sila ng ganoong kalaking halaga. Ayon sa Ombudsman, maituturing itong suhol at dahil lampas sa P50 milyon ang sangkot na halaga, pasok umano ito sa kasong plunder.


Dobleng kamalasan ang sinapit ni Defensor sa ilalim ng administrasyong Marcos dahil una na siyang kinasuhan ng NBI ng non-bailable offense na human trafficking matapos umanong gamiting front ng prostitusyon ang isa sa kanyang negosyo. Ngayon, nadagdagan pa ito ng isa pang non-bailable offense na plunder. Kung mapapatunayang nagkasala sa parehong kaso, habambuhay na pagkakakulong ang maaari niyang kaharapin. Saklap!


XXX


SINO-SINONG POLITICIANS KAYA ANG HUHUBARAN NG MASKARA NI EX-DPWH SEC. BONOAN NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL? – Inanunsyo rin ni Ombudsman Remulla na ang sinampahan nila ng kasong plunder na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay gagawin nilang state witness matapos umano itong magpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa pamahalaan at "ikanta" ang mga pulitikong tumanggap ng kickback sa umano'y flood control projects scam.


Kaya ang mga tiwaling pulitikong nakatransaksyon ni Bonoan, lagot na dahil mahuhubaran na sila ng maskara kapag ibinunyag na ng dating DPWH secretary ang kanilang mga pangalan. Abangan!


XXX


FEELING MAGAGALING ANG HOUSE PROSECUTORS PANEL, MAGPAPASAKLOLO LANG PALA SA SANGKATUTAK NA PRIVATE PROSECUTORS SA IMPEACHMENT KAY VP SARA – Nagdagdag pa ng mga private prosecutors ang House Prosecution Panel upang tumulong sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Hulyo 6, 2026.


Hay naku, kung makapagsalita ang ilang kongresistang miyembro ng House Prosecution Panel ay parang kaygagaling. 'Yun pala, magpapasaklolo rin sa sangkatutak na private prosecutors para sa impeachment trial ni VP Sara. Boom!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 1, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Habang paulit-ulit na ipinagpapaliban ang mahigpit na pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), tila lalo lamang tumitindi ang kalituhan at pangamba ng mga umaasa sa jeepney bilang pangunahing paraan ng pagbiyahe at kabuhayan.


Sa halip na magbigay ng katiyakan, mistulang lumalalim ang hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at sektor ng transportasyon.


Muling nanawagan ang transport group na Piston sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang PTMP.


Ayon sa grupo, nananatiling mahalagang usaping legal ang programa dahil ilang ulit nang niluwagan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng consolidation requirement. Iginiit ng Piston na hindi bababa sa 10 beses nang ipinagpaliban o pinaluwag ang naturang polisiya, dahilan upang patuloy na makaiwas sa ganap na pagrepaso ng hukuman ang isyu.


Sa ilalim ng PTMP, kinakailangang magsama-sama ang mga operator ng public utility vehicles sa isang kooperatiba o korporasyon upang legal na makabiyahe sa kanilang mga ruta.


Layunin ng programa na gawing mas ligtas, episyente, at makabago ang sistema ng pampublikong transportasyon. Gayunman, matagal nang kinukuwestiyon ng ilang transport groups ang implementasyon nito dahil sa malaking gastos, kakulangan ng suporta, at pangambang mawalan ng kabuhayan ang maliliit na operator at tsuper.


Ibinunyag din ng Piston na mula sa tinatayang 300,000 jeepney na bumibiyahe noong 2017, nasa 130,000 na lamang ang nananatiling operational sa kasalukuyan. Para sa grupo, malinaw itong indikasyon ng patuloy na pagliit ng bilang ng mga tradisyunal na jeepney na nagsisilbi sa publiko.


Hindi dapat maging dahilan ang paulit-ulit na pagpapaluwag ng mga polisiya upang manatiling hindi nareresolba ang mga usaping may malaking epekto sa milyun-milyong Pilipino. Ang modernisasyon ay mahalagang hakbang para sa mas maayos na transportasyon, ngunit hindi ito magiging tunay na makabuluhan kung maraming tsuper ang mawawalan ng hanapbuhay at maraming pasahero ang mahihirapang makahanap ng masasakyan.


Ang pinakamahalagang layunin ay hindi lamang ang pagkakaroon ng makabagong sasakyan kundi ang pagbuo ng isang sistemang patas, makatao, at kayang sabayan ng lahat.


Ang tunay na pag-unlad ay nasusukat hindi lamang sa modernong teknolohiya kundi sa kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang kabuhayan ng mga tsuper at tiyakin ang maayos, ligtas, at abot-kayang transportasyon para sa bawat Pilipino.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page