top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 2, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta


May nakita akong isang patalastas sa billboard sa EDSA na nagbebenta ng mga condominium unit sa Quezon City. Ayon dito, ang isang condo unit ay may sukat na 100 square meters. Matapos ko itong mabili at lagyan ng mga gamit, nagtaka ako dahil hindi magkasya ang mga binili kong gamit. Noong pinasukat kong muli ay lumabas na 80 square meters lamang pala ang aktuwal na sukat nito. Kaya kinompronta ko ang developer, nguni’t sinabi niya sa akin na ayon diumano sa aming kontrata, ang bilihan ay “as-is, where-is,” kasama ang mga posibleng mali sa sukat ng unit, kaya naman wala na siyang pananagutan o responsibilidad dito. Tama po ba siya? — Marie



Dear Marie,


Una muna nating pag-aralan ang konsepto ng “as-is, where is.” Ang isang kontrata ng bilihan na may ganitong kondisyon ay nangangahulugan na tinatanggap ng bumibili (buyer) ang kundisyon ng kaniyang gamit na binibili sa oras ng bentahan (sale). Samakatuwid, kung kalaunan ay madiskubre ng bumili na may hindi maayos sa gamit na binili, hindi niya pwedeng habulin ang nagbenta (seller).  


Ang tanong ngayon, tama ba ang sinasabi ng nagbenta sa iyo na wala kang karapatang habulin siya dahil nakasaad sa kontrata ninyo na “as-is, where is,” maging ang sukat at limitasyon ng binili mong condo unit? Maaaring hindi tama ang argumento ng nagbenta sa iyo. 


Sa kasong, Joseph Harry Walter Poole-Blunden vs. Union Bank of the Philippines, G.R. No. 205838, 29 November 2017, sa panulat ni Kagalang-galang na Hukom Mario Victor F. Leonen, ipinaliwanag na ang isang kontrata ng bilihan (contract of sale), na naglalaman ng kasunduan patungkol sa konsepto ng “as-is, where is” ay hindi maaaring gamiting depensa ng nagbebenta sa lahat ng pagkakataon. Narito ang pahayag: 


Reliance on Section 12's as-is-where-is stipulation is misplaced for two (2) reasons. First, a stipulation absolving a seller of liability for hidden defects can only be invoked by a seller who has no knowledge of hidden defects. Respondent here knew that the Unit's area, as reckoned in accordance with the Condominium Act, was not 95 square meters. Second, an as-is-where-is stipulation can only pertain to the readily perceptible physical state of the object of a sale. It cannot encompass matters that require specialized scrutiny, as well as features and traits that are immediately appreciable only by someone with technical competence.”


Maliwanag ang desisyon ng Korte Suprema na ang isang nagbebenta ay hindi maaaring gamitin ang argumento na siya ay walang responsibilidad sa kanyang bumili dahil may nakasulat sa kontrata na ang nasabing pag-aari ay binebenta ng “as-is, where is,” lalo na kung hindi kaagad madaling makita ang depekto sa pisikal na anyo binibiling pag-aari, at lalo na kung alam ng nagbebenta ang kakulangan o depekto ng kanyang ibinibenta. 


Sa iyong sitwasyon, maaaring sabihin na hindi mo agad malalaman ang sukat ng condo unit na iyong binili lalo na kung hindi ka naman eksperto sa pagsusukat ng lawak o area, at lalo na kung iyong mapapatunayan na ang kakulangan sa sukat ay alam ng nagbenta sa iyo o makokonsiderang alam niya base sa kanyang posisyon o propesyon. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 2, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Inanunsyo kamakailan ng bayan ng Dumanjug, Cebu na simula Hunyo 29, ipapatupad na nila ang isang total cellphone ban sa mga paaralan. Sa ilalim ng kanilang polisiya, ibabalik lamang ang mga kukumpiskahing cellphone sa pagtatapos ng school year. 


Ayon sa mga ulat, ipapatupad ang polisiyang ito upang hikayatin ang mga mag-aaral na magbasa, mag-aral, at makipag-usap sa kanilang mga mag-aaral. 


Matatandaang naghain din ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang ipagbawal ang paggamit ng mga smartphones o mobile phones, kabilang ang iba pang electronic devices sa oras ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Maliban sa pagpapatupad ng social media ban para sa mga menor-de-edad, isa ito sa mga isinusulong nating polisiya upang itaguyod ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, lalo na sa gitna ng dumaraming insidente ng karahasan sa mga paaralan sa ating bansa. 


Sariwa pa sa ating mga alaala ang naging insidente ng pamamaril sa Lungsod ng Tacloban, kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi, samantalang 15 naman ang tinamaan ng baril. Nabalitaan din natin kamakailan ang pagsuspinde ng face-to-face classes sa isang pampublikong paaralan sa Batangas dahil sa banta ng pamamaril. Matatandaan din natin na noong nakaraang Pebrero, napigilan ng mga otoridad ang pag-atake sa isang paaralan sa Laguna, kung saan pitong mag-aaral ang nasangkot at umano'y na-recruit ng mga foreign handlers sa pamamagitan ng online game na Roblox.


Kaya naman patuloy nating isinusulong ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 627), na naglalayong ipagbawal sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Senior High School ang paggamit ng smartphones at iba pang electronic gadgets sa loob ng paaralan.


Ngunit may mga exemption ang panukalang batas para sa mga gamit na pang-edukasyon, tulad ng classroom presentations at iba pang learning activities na pinangungunahan ng guro. Pinapayagan din ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets para sa mga mag-aaral na may partikular na kondisyon sa kalusugan, gayundin sa panahon ng mga emergency o iba pang sitwasyong may banta o panganib.


Ilan lamang ito sa mga hakbang na isinusulong natin para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Patuloy ang ating pakikipagtulungan sa iba’t ibang mga sektor upang tiyaking ligtas ang ating mga paaralan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 2, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi sapat na umasa lamang sa pag-asang ligtas ang bawat mag-aaral sa loob ng silid-aralan. Ang bawat insidente ng karahasan ay paalala na ang seguridad sa paaralan ay hindi dapat ituring na pangalawang prayoridad. Kung tunay na nais nating maprotektahan ang kinabukasan ng kabataan, nararapat lamang na tiyaking may sapat na mga tauhang magbabantay sa mga paaralan sa buong bansa.


Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na may kabuuang 2,494 permanenteng posisyon para sa mga security guard sa mga pampublikong paaralan, taliwas sa naunang lumabas na impormasyon na humigit-kumulang 200 lamang ang umiiral na plantilla items. Batay sa opisyal na datos ng Department of Budget and Management–Government Manpower Information System (DBM-GMIS) noong Abril 24, 2,242 sa mga posisyong ito ang kasalukuyang may nakatalagang personnel, habang 252 ang nananatiling bakante.


Inilabas ng DepEd ang paglilinaw kasunod ng pahayag ni Education Secretary Sonny Angara na nais nitong humiling sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang plantilla items para sa mga security guard. Ang hakbang ay bunsod ng sunud-sunod na insidente ng karahasan sa ilang paaralan na muling nagbukas ng usapin tungkol sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.


Ayon sa DepEd, ang naging pagbawas ng mga school-level security positions noong mga nakaraang rationalization program upang maipakita ang naging epekto nito sa kasalukuyang kakulangan ng mga tauhang nakatalaga sa seguridad. Dahil dito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa DBM upang makakuha ng sapat na pondo at pahintulot para sa pagdaragdag ng mga permanenteng security personnel sa mga paaralan.


Kasabay nito, tiniyak din ng DepEd ang mas maigting na koordinasyon sa mga local government unit at sa Philippine National Police bilang bahagi ng pagpapatupad ng mas komprehensibong hakbang sa seguridad sa humigit-kumulang 48,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.


Malinaw na hindi lamang usapin ng bilang ng mga security guard ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi pati ang bilis ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon at ang patuloy na pagpapalakas ng mga programang pangkaligtasan. Ang bawat araw na may kakulangan sa seguridad ay maaaring magbukas ng panganib na maiiwasan sana kung maagap ang pagkilos ng pamahalaan.


Ang ligtas na paaralan ay hindi lamang responsibilidad ng DepEd o ng mga guwardiya. Responsibilidad ito ng buong pamahalaan at ng lipunan. Kapag naging prayoridad ang seguridad ng mga paaralan, mas magkakaroon ng kapanatagan ang mga magulang, mas makapagtuturo nang maayos ang mga guro, at higit sa lahat, mas makapag-aaral nang may kumpiyansa at walang pangamba ang bawat kabataang Pilipino. Ang pamumuhunan sa kaligtasan ng paaralan ay pamumuhunan din sa kinabukasan ng buong bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page