top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 4, 2026



Fr. Robert Reyes


Ilang araw na lamang at pormal nang sisimulan sa Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Sa gitna ng iba't ibang pananaw at argumento tungkol sa impeachment, ipinaalala ni Atty. Dino de Leon noong nakaraang Martes na "sagrado" ang prosesong ito. Aniya, hindi ito isang simpleng political exercise o zarzuelang pampulitika na walang patutunguhan. Hindi rin ito paligsahan ng husay ng mga abogado o karaniwang debate na may panig na "pro" at "con."


Higit sa lahat, hindi dapat tingnan ang impeachment bilang isang prosesong umiikot lamang sa impluwensiya, kapangyarihan, o pera. Isa itong mekanismong itinatadhana ng Konstitusyon upang mapanagot ang matataas na opisyal ng pamahalaan. Kaya't hindi ito maituturing na isang palabas o libangan na maihahalintulad sa mga noontime show o pelikulang pampatawa.


Kung tutuusin, hindi lamang ang impeachment ang maaaring tawaging sagrado. Mayroon ding mga sagradong lugar, gaya ng mga simbahan, at mga makasaysayang pook tulad ng EDSA Shrine at EDSA People Power Monument, na sumisimbolo sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.


Bilang pagkilala sa kahalagahan ng nalalapit na impeachment trial, nagsagawa ang Clergy of Good Governance ng "Mass for Truth, Justice and Transparency in Support of the Impeachment Prosecution Team, Both Public and Private Prosecutors." Idinaos ito noong Hulyo 2, 2026, sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao.


Payak at maikli ang misa, alinsunod sa kahilingan ng mga miyembro ng prosecution team na abala sa paghahanda para sa paglilitis.


Dumalo rito ang 12 pari at walong miyembro ng impeachment prosecution team. Kabilang sa mga public prosecutors sina Rep. Gerville "Jinky" Luistro, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Joel Chua, Rep. Ysabel "Bel" Zamora, at Rep. Arlene "Kaka" Bag-ao. Mula naman sa private prosecutors ay dumalo sina Atty. Lorna Patajo-Kapunan at Atty. Michael Fua.


Pinangunahan ni Fr. Bong Sarabia ang misa, habang si Msgr. Melchor David ang nagbigay ng homiliya.


Nagbigay ng kaunting pagpapatawa si Msgr. David nang banggitin niyang madalas siyang mapagkamalang dating Pangulong Fidel V. Ramos dahil sa kanilang pagkakahawig. Naging magaan ang himpapawid sa simbahan matapos itong sundan ng tawanan.


Kalaunan ay binanggit niya si "Uncle Ben," ang tiyuhin ni Peter Parker sa Spider-Man, at ang tanyag nitong pahayag:


"The opportunities to do good are all around us. They are not our choices; they are our responsibilities."


Ipinaalala niya na ang paggawa ng mabuti ay hindi lamang isang opsiyon kundi isang pananagutan.


Bago matapos ang misa, pumuwesto sa harapan ang mga pari at mga miyembro ng prosecution team. Itinaas ng mga pari ang kanilang mga kamay habang sama-samang nanalangin at humingi ng gabay, lakas, at karunungan para sa mga mag-uusig sa nalalapit na paglilitis.


Tumagal lamang ng 45 minuto ang misa. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro na itinuro sa kanya ng kanyang ina na ang panalangin ay dapat malinaw, tiyak, at taimtim.


Hiniling niya sa publiko na samahan sila sa pananalangin para manaig ang katotohanan, makamit ang katarungan, at mapangalagaan ang kapakanan ng sambayanan.


Hindi lamang aniya ang prosecution team ang dapat ipagdasal kundi maging ang defense panel, ang mga senator-judges, at ang buong sambayanang Pilipino.


"We believe that Filipinos deserve better leaders. Filipinos deserve a better nation. Filipinos deserve a better Republic. Please walk with us. Please be with us until the conclusion of this impeachment trial," ani Luistro.


Sa huli, ang panalangin ay hindi lamang para sa tagumpay ng isang panig, kundi para manaig ang katotohanan, maipatupad ang katarungan, at mapangalagaan ang interes ng buong bansa. Amen.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 4, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa po akong opisyal na ahente ng isang kumpanyang nagbebenta ng mga gamot. Noong ako ay napadaan sa isang gusali ay napansin kong may isang tindahan na nagbebenta ng pekeng mga gamot. Naisipan kong magsagawa ng imbestigasyon at sinubukan kong bumili ng mga peke na bersyon ng gamot ng aming kumpanya upang maisumbong ko ito. Laking gulat ko na sa araw rin na iyon ay may isinagawang operasyon ang mga pulis laban sa mga pekeng gamot at ako ay nahuli. Nais ko po sana malaman kung maaari ba akong maparusahan dahil sa pekeng mga gamot na aking binili. — Donalynn





Dear Donalynn, 


Ang Republic Act (R.A.) No. 8203 o mas kilala bilang "Special Law on Counterfeit Drugs” ay isinabatas upang maprotektahan at maitaguyod ng ating Estado ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at upang maitanim ang kamalayan sa ating kalusugan laban sa mga pekeng gamot. Nakasaad sa Seksyon 4 (a) ng batas na ito na: 


“Section 4. Prohibited Acts. – The following acts are declared unlawful and therefore prohibited:


a) The manufacture, sale, offering for sale, donation, distribution, trafficking, brokering, exportation, or importation or possession of counterfeit drugs as defined in Section 3 hereof not otherwise covered by Republic Act No. 3720, as amended. The presence or availability of such counterfeit drugs within the premises of any entity engaged in the sale, manufacture or distribution of drugs and/or pharmaceutical products or in a private residence, or in public or private vehicle, or in the premises not covered by a valid license to operate from the Bureau, shall constitute a prima facie evidence of violation of this Act: Provided, however, That this presumption shall not apply to the legitimate owners of trademarks, trade names or other identifying marks, or the legitimate or authorized representatives or agents of such owners, who have in their possession counterfeit drugs which bear the trademarks, trade names or marks if they can show the sales invoices or official receipts evidencing their purchase from a drugstore, manufacturer or distributor suspected by them of dealing in counterfeit drugs involving the trademarks, trade names and other similar identifying marks registered in their names: Provided, further, That such counterfeit products shall be reported and immediately turned over to the Bureau: Provided, finally, That compliance with the preceding proviso shall be made within a reasonable period from the date of purchase of such counterfeit drugs as indicated in the sales invoice, official receipt, or other similar documents abovementioned to the time the counterfeit drugs are reported and turned over to the Bureau;”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ipinagbabawal ang paggawa, pag-aalok o pagbebenta, donasyon, pamamahagi, pangangalakal, pag-angkat o pagkakaroon ng mga pekeng gamot. Nakasaaad din sa nasabing probisyon ng batas na ang presensya ng mga naturang pekeng gamot sa loob ng lugar ng anumang entidad na nakikibahagi sa pagbebenta, paggawa o pamamahagi ng mga gamot at/o mga produktong parmasyutiko o sa isang pribadong tirahan, o sa pampubliko o pribadong sasakyan, o sa lugar na hindi sakop ng isang wastong lisensya upang magpatakbo mula sa Kawanihan, ay bubuo ng isang prima facie na ebidensya ng paglabag sa Batas na ito: Gayunpaman, ang kondisyon na ito ay hindi mailalapat sa mga lehitimong may-ari ng mga trademark, pangalan ng kalakalan o iba pang mga pagkakakilanlan, o sa mga lehitimo o awtorisadong kinatawan o ahente ng mga naturang may-ari, na may hawak na mga pekeng gamot na may mga trademark, pangalan ng kalakalan o marka kung maipapakita nila ang mga sales invoice o mga opisyal na resibo na nagpapatunay sa kanilang pagbili mula sa isang botika, tagagawa o distributor na pinaghihinalaan nila na nagbebenta ng mga pekeng gamot na kinasasangkutan ng mga trademark, mga pangalang pangkalakal at iba pang katulad na markang pagkakakilanlan na nakarehistro sa kanilang mga pangalan.


Kung kaya’t sa inyong sitwasyon, kayo bilang isang opisyal na ahente na kumpanya ng gamot, ay maaaring hindi managot sa batas dahil ang inyong pagbili ng pekeng gamot ay parte lamang ng inyong isinagawang imbestigasyon na may intensyong isumbong ang pagbebenta ng mga pekeng bersyon ng inyong mga gamot sa inyong kumpanya. Ngunit, inyong tandaan na nakasaaad din sa nasabing probisyon ng batas na ang mga naturang pekeng produkto na iyong nabili ay kailangan ninyong iulat at agad na ibibigay sa Kawanihan sa loob ng makatwirang panahon mula sa petsa ng pagbili ng mga naturang pekeng gamot gaya ng nakasaad sa sales invoice, opisyal na resibo, o iba pang katulad na dokumentong nabanggit sa itaas hanggang sa oras na ang mga pekeng gamot ay iuulat at ibibigay sa Kawanihan. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 4, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


GINAGALIT BA TALAGA NG MARCOS ADMIN ANG INC? – Ginagalit ba talaga ng administrasyong Marcos ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC)?


Itinuloy kasi ni Ombudsman Boying Remulla ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta, sa kabila ng panawagan ng INC na huwag baluktutin ang batas sa pamamagitan ng pagsasampa ng umano'y gawa-gawang kaso kaugnay sa isyu ng pagtanggap umano ng senador ng P75 milyon kina former Cong. Mike Defensor, businessmen Joseph Espiritu at Aristotle Viray, na hindi umano niya idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).


Dahil itinuloy ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Marcoleta, asahan nang muling kikilos ang INC. Posible ring mas marami ang dumalo sa susunod nilang rally kaysa sa mga lumahok sa surprise rally sa EDSA Shrine sa Quezon City. Abangan!


XXX


2 KAIBIGANG NEGOSYANTE NI SEN. MARCOLETA, NAG-DONATE LANG SA KANDIDATURA NG KAIBIGAN NILANG SENADOR, DAMAY PA SILA SA KASO – Mas masaklap ang sinapit ng dalawang negosyanteng donor ni Sen. Marcoleta kaysa sa senador at kay Defensor.


Kung sina Sen. Marcoleta at Defensor ay kapwa mga pulitikong kumakalaban sa administrasyon at maaaring sabihin ng ilan na napulitika kaya nasampahan ng kasong plunder, sina Mr. Espiritu at Mr. Viray naman ay hindi mga pulitiko. Tahimik silang nagnenegosyo, wala ring rekord ng pambabatikos sa pamahalaan, pero nadamay sila sa kasong no-bail na plunder. Ang tanging "kasalanan" lang naman nila ay ang magbigay ng campaign funds sa kaibigan nilang senador. Tsk!


XXX


KAILAN KAYA ISASAMPA NG OMBUDSMAN ANG KASONG PLUNDER SA MAGKAPATID NA CONG. ERIC YAP AT EDVIC YAP? – May katagalan na rin ang imbestigasyon ng Ombudsman sa magkapatid na Benguet Rep. Eric Yap at dating ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap. Nagsimula pa ito noong nakaraang taon kaugnay ng umano'y pagkakasangkot nila sa flood control scandal, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.


Kaya ang tanong, kailan kaya magsasampa ng kasong plunder ang Ombudsman laban sa magkapatid? Abangan!


XXX


WALA NANG NARINIG ANG TAUMBAYAN SA OMBUDSMAN PATUNGKOL SA 8 'CONG-TRACTORS' NA INIREKOMENDA NOON NG ICI NA KASUHAN – Tila yata nabaon na sa limot ang rekomendasyon noon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na imbestigahan at sampahan ng kaso ang walong tinaguriang "cong-tractors."


Ni "ho" ni "ha" ay wala nang narinig ang taumbayan kung ano na ang naging resulta ng imbestigasyon sa walong "cong-tractors" na ito. Tsk!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page