top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | July 8, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kapag may nagaganap na karahasan sa paaralan, madalas na nakatuon ang pansin sa pagpapataw ng parusa at agarang aksyon. Ngunit para sa maraming magulang, guro, at estudyante, mas mahalagang matiyak na may sapat na suporta sa kalusugang pangkaisipan upang maagapan ang mga problemang maaaring humantong sa mas mabigat na sitwasyon.


Kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad, muling nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatibay ng mga programang pangkalusugang pangkaisipan sa mga paaralan. Hindi lamang kasi tungkulin ng mga paaralan ang pagpigil sa karahasan. Kinakailangan ang sama-samang pagkilos ng pamilya, komunidad, pamahalaan, at iba pang institusyong nagtataguyod ng kapakanan ng kabataan upang makalikha ng ligtas at maayos na kapaligiran para sa lahat.


Mahalagang palakasin ang mga programang nakatuon sa pag-iwas sa problema, maagang pagtukoy sa mga senyales ng emosyonal at asal na suliranin, at agarang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Kabilang dito ang mas maayos na counseling services, mentoring programs, social-emotional learning, mental health education, at mga hakbang laban sa bullying upang mahikayat ang mga kabataang humingi ng tulong bago pa lumala ang kanilang pinagdaraanan.


Para naman sa mga kabataang nahaharap sa mas seryosong suliraning pangkaisipan, kinakailangan ang mas malawak na suporta mula sa mga eksperto. Mahalaga ang psychological assessment, tamang interbensyon, paggabay sa pamilya, at agarang pagre-refer sa mga nararapat na serbisyo upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan. Kailangan din ng sapat na bilang ng mga guidance counselor, psychologist, social worker, at iba pang espesyalistang maaaring magbigay ng tuluy-tuloy na suporta sa mga mag-aaral.


Hindi rin dapat magtapos sa loob ng paaralan ang responsibilidad sa paghubog at pagprotekta sa kabataan. Dapat maging matatag ang ugnayan ng pamilya, komunidad, mga paaralan, at mga institusyong nangangalaga sa mga bata upang mas maging epektibo ang mga hakbang sa pag-iwas sa karahasan. Mahalaga ring itaguyod ang paggalang, malasakit, mapayapang pakikitungo, at wastong pagresolba ng mga alitan. Kasabay nito, dapat ding palawakin ang kaalaman sa responsableng paggamit ng social media at tiyakin ang ligtas na pag-iingat ng mga mapanganib na bagay sa loob ng tahanan.


Malinaw na ang kaligtasan ng mga kabataan ay hindi nakasalalay sa iisang tao o institusyon lamang. Nakasalalay ito sa sama-samang pagkilos ng buong lipunan upang maagapan ang mga problemang maaaring mauwi sa trahedya.


Ang pananagutan, rehabilitasyon, paggaling, at pag-iwas sa karahasan ay magkakaugnay na layunin. Kapag naging seryoso ang bawat sektor sa pagprotekta sa kabataan, mas malaki ang posibilidad na makabuo ng mga paaralang tunay na ligtas, may malasakit, at nagbibigay ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 7, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA SENADOR NA TAGAPAGTANGGOL NI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL, ISA-ISA NANG IKINUKULONG – Ilang oras bago umpisahan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahapon ay inaresto ng mga awtoridad si Sen. Rodante Marcoleta sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano'y P75 milyong campaign donation na hindi umano niya idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).


Dahil dito, may mga nagsasabing ginagamit ng Marcos administration ang kapangyarihan upang isa-isang ipakulong ang mga senador na tagapagtanggol ni VP Sara sa impeachment court. Bago si Sen. Marcoleta, nauna nang inaresto at ikinulong si Sen. Jinggoy Estrada. Period!


XXX


DAHIL NAKAKULONG NA SI EX-CONG. DEFENSOR, LUMITAW PA KAYA ANG 17 'EX-SOLDIERS' NA BAGONG TESTIGO? – Sabi noon ni dating Cong. Mike Defensor na bukod sa 18 bodyguards ni Zaldy Co, may ilalabas pa siyang 17 "ex-soldiers" na umano'y nagdeliber din ng maleta-maleta umanong pera sa ilang politiko at opisyal ng gobyerno.


Kahapon ay inaresto rin si Defensor sa kasong plunder na kinasasangkutan din ni Sen. Marcoleta. Ngayong nakakulong na rin siya, lilitaw pa rin kaya ang 17 "ex-soldiers" na umano'y sangkot din sa pagdeliber ng maleta-maleta umanong pera? Abangan!


XXX


BAGO SUMAPIT ANG SONA NI PBBM, MAKUKULONG NA KAYA ANG 8 'CONG-TRACTORS'? – Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na posibleng banggitin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27 ang walong tinaguriang "Cong-tractor," o mga kongresistang nakatakda nang sampahan ng kasong plunder ng Office of the Ombudsman.


Hindi man aminin, tiyak na kakaba-kaba na ang walong Cong-tractor na ito dahil sa pahiwatig ni Ombudsman Remulla na maaari silang makulong bago pa sumapit ang SONA ni PBBM. Boom!


XXX


SA PAGTESTIGO NI EX-SEC. BONOAN, MALAMANG LALONG MADIIN SI EX-SEN. BONG REVILLA SA KASONG PLUNDER – Matapos isama bilang state witness si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na isa siya sa magiging testigo ng pamahalaan laban kay dating Sen. Bong Revilla.


Naku po! Sa pahayag na iyan ng DOJ, tiyak na lalong iigting ang kaso ng plunder laban sa dating senador. Period!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 7, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May mga pagkakataon po na mahirap matukoy kaagad ang nagkasalang opisyal o kawani sa pamahalaan. Kaugnay nito, tulad po ba ng mga kasong kriminal o sibil, may hangganan o napapaso rin ba ang kasong administratibo? Ano rin po ba ang sinasabi ng mga tuntunin tungkol sa epekto ng pag-urong ng reklamo sa kasong administratibo? Awtomatiko po bang masasara ang kaso? — Gobta





Dear Gobta,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay maaaring matagpuan sa ating mga angkop na alituntunin at sa mga desisyon ng Korte Suprema.


Kaugnay nito, malinaw na itinakda ng Korte Suprema sa kasong Floria vs. Sunga (A.M. No. CA-01-10-P, 14 November 2001), sa panulat ni Hon. Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez, na ang mga kasong administratibo ay hindi napapaso sa paglipas ng panahon:


But the Court Administrator recommended the dismissal of the charge of immorality on the ground that Sunga and Aperocho failed to adduce evidence that Floria's immoral conduct is still ongoing. We cannot agree with the Court Administrator. Administrative offenses do not prescribe.” 


Batay sa nabanggit na desisyon, hindi napapaso ang mga administratibong paglabag. Ibig sabihin, ang paglipas ng panahon ay hindi awtomatikong nagiging hadlang sa pagsasampa o pagpapatuloy ng isang kasong administratibo.


Hinggil naman sa iyong kaakibat na katanungan, malinaw namang nakasaad sa Seksyon 14, Rule 3 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service o RACCS, ang sumusunod:


Section 14. Withdrawal of the Complaint. 


The withdrawal of the complaint does not result in its outright dismissal or the discharge of the person complained of from any administrative liability.”


Samakatuwid, ang pagbawi o pag-urong ng reklamo ay hindi nagreresulta sa tuwirang pagbasura nito o sa pagpapawalang-sala o pagpapalaya ng taong inirereklamo mula sa anumang pananagutang administratibo. Dahil dito, hindi awtomatikong nasasara ang kasong administratibo dahil lamang binawi o iniurong ng nagrereklamo ang kanyang reklamo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay nakabatay lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.



Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page