top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | July 9, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kung 94% ng mamamayan mismo ang nagsasabing kailangan ng mas maayos na bike lanes at walkways, hindi ba panahon nang pakinggan ang kanilang boses kaysa manatili sa lumang sistema na higit na pabor sa iilang may pribadong sasakyan?


Malinaw sa isinagawang survey ng Pulse Asia para sa Mobility Awards na malakas ang suporta ng mga Pilipino sa pagpapalawak ng ligtas at mas maayos na bicycle lanes at walkways. Lumabas sa resulta na 94% ng mga respondent ang sumasang-ayon sa pagtatayo ng mas maayos na imprastruktura para sa mga naglalakad at nagbibisikleta.


Isinagawa ang survey mula Mayo 23 hanggang 26, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 rehistradong botante sa buong bansa. Mayroon itong ±2.8% margin of error sa 95% confidence level para sa pambansang resulta.


Hindi lamang active transport ang sinuportahan ng publiko. Umabot din sa 93% ang pabor sa pagpapalawak ng mga exclusive lane para sa pampublikong transportasyon, habang 82% naman ang sumusuporta sa pagbibigay ng transit subsidies upang mapagaan ang gastusin sa biyahe. Samantala, 72% lamang ang pumabor sa pagpapatuloy ng mga polisiyang higit na nagbibigay-prayoridad sa mga pribadong sasakyan—ang may pinakamababang suporta sa lahat ng panukalang isinama sa survey.


Tinawag ang resulta bilang "94% Paradox." Batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations noong 2022, 94% ng mga pamilyang Pilipino ang walang sariling sasakyan. Sa kabila nito, patuloy na lumiit ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa active transport infrastructure. Mula sa P2 bilyong budget noong 2022, bumagsak ito sa P105 milyon ngayong 2026.


Ipinanawagan din na gawing prayoridad ng pamahalaan ang active transport dahil ito ang pangunahing paraan ng pagbiyahe ng malaking bahagi ng mga manggagawa. Kabilang sa mga mungkahi ang paglalaan ng hindi bababa sa P1 bilyong pondo para sa 2027 at ang pagtatayo ng magkakaugnay na network ng ligtas na bike lanes at walkways sa mga lokal na pamahalaan.


Dagdag pa rito, ipinakita rin ng SWS survey noong 2023 na tumaas sa 36% o tinatayang 10 milyong kabahayan ang gumagamit ng bisikleta mula sa 29% noong nakaraang taon. Mahigit kalahati o 56% sa kanila ang nagsabing nagbibisikleta sila upang makatipid sa pamasahe.


Ipinakikita ng mga datos na ang ligtas na paglalakad at pagbibisikleta ay hindi simpleng alternatibong paraan ng transportasyon. Para sa maraming Pilipino, ito ay praktikal at abot-kayang paraan upang makapasok sa trabaho, paaralan, at iba pang mahahalagang destinasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.


Kung tunay na layunin ng pamahalaan ang pag-unlad na ramdam ng ordinaryong mamamayan, nararapat lamang na ilaan ang sapat na pondo sa mga proyektong direktang makikinabang ang nakararami. Ang pagtatayo ng ligtas at maayos na bike lanes at walkways ay hindi luho kundi isang mahalagang pamumuhunan para sa kaligtasan, kabuhayan, at mas mataas na kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Paano po ba masasabi na may boluntaryong pagsuko? Totoo po ba na maaari itong ituring na pampabawas o pampababa ng parusa sa isang kasong kriminal? — Shion





Dear Shion,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay maaaring matagpuan sa ating batas at mga kaugnay na kaso ng Korte Suprema. Kaugnay nito, malinaw na nakasaad sa Artikulo 13 (7) ng Act No. 3815, o mas kilala sa tawag na The Revised Penal Code (RPC) ang mga sumusunod: 


Article 13. Mitigating circumstances.- The following are mitigating circumstances: 


7. That the offender had voluntarily surrendered himself to a person in authority or his agents, or that he had voluntarily confessed his guilt before the court prior to the presentation of the evidence for the prosecution.” 


Kaugnay sa nabanggit na probisyon ng batas, ibinahagi ng Korte Suprema sa kasong People vs. Manzano (G.R. No. 217974, 5 March 2018) sa panulat ni Hon. Associate Justice Samuel R. Martires, ang mga rekisito ng boluntaryong pagsuko bilang isa sa mga sirkumstansya na maaaring magpababa ng kapanagutang kriminal: 


“For voluntary surrender to be appreciated as a mitigating circumstance, the following elements must be present, to wit: (1) the accused has not been actually arrested; (2) the accused surrenders himself to a person in authority or the latter's agent; and (3) the surrender is voluntary. The essence of voluntary surrender is spontaneity and the intent of the accused to give himself up and submit himself to the authorities.”


Sa kasong Loza vs. People (G.R. No. 258592, 12 August 2025) sa panulat ni Hon. Associate Justice Samuel H. Gaerlan, inilabas ng Kataas-taasang Hukuman ang mga alituntunin sa pagturing kung meron bang boluntaryong pagsuko:


“1. The surrender must show that the offender admits their guilt or wishes to spare authorities the effort and expense of locating and arresting them.


2. The issuance of an arrest warrant is separate from the act of surrender. However, if the offender knew about the warrant and tried to avoid arrest, this can negate any claim of voluntary surrender.


3. The lapse of time between the issuance of the arrest warrant and the offender’s actual surrender cannot, by itself, negate voluntariness.


4. A high likelihood of arrest must be assessed together with signs that the offender tried to flee or lived as a fugitive, not simply with the fact that an arrest warrant had already been issued.


5. The offender’s intention at the time of surrender must be evaluated together with all other factors. The offender is not required to surrender at the first opportunity.


6. If the records do not clearly show that the offender voluntarily surrendered, that doubt cannot be resolved in their favor.”


Samakatuwid, ang boluntaryong pagsuko ay hindi basta-bastang ipinagpapalagay. Upang ito ay maituring na sirkumstansyang nagpapababa ng pananagutang kriminal (mitigating circumstance), kailangang malinaw na mapatunayan na ang akusado ay hindi pa aktuwal na naaaresto, kusang-loob siyang sumuko sa isang taong may kapangyarihan o sa kinatawan nito, at ang kanyang pagsuko ay bunga ng tunay na pagkukusa at pagpapasailalim sa kapangyarihan ng batas.


Mahalagang tandaan na ang pinakabuod ng boluntaryong pagsuko ay ang pagiging kusa at maagap ng akusado na iharap ang sarili sa mga awtoridad, hindi dahil wala na siyang ibang mapagpipilian, kundi dahil nais niyang kilalanin ang kanyang pananagutan o iiwas ang pamahalaan sa abala, gastos, at panahon sa paghahanap at pagdakip sa kanya. Kaya naman, kung ang pagsuko ay ginawa lamang dahil tiyak na ang kanyang pagkakaaresto, o kung may malinaw na palatandaang siya ay nagtago, umiwas, o nagtangkang takasan ang mga otoridad, maaaring hindi ito pahalagahan bilang boluntaryong pagsuko.


Sa madaling salita, ang boluntaryong pagsuko ay maaaring magsilbing pampababa ng parusa sa kasong kriminal, ngunit ito ay mangyayari lamang kung ang mga rekisito nito ay malinaw, positibo, at sapat na napatunayan alinsunod sa batas at sa mga alituntuning inilatag ng Korte Suprema.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 8, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez



'SUNTOK SA BUWAN' MA-IMPEACH SI VP SARA KASI SABI NI PRESIDING JUDGE ESCUDERO, 16 VOTES ANG KAILANGAN PARA MA-CONVICT ITO – Sinabi ni Presiding Judge Sen. Chiz Escudero na kailangan ng 16 na boto ng mga senator-judges para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.


Kumbaga, tila sinasabi na rin ni Sen. Escudero sa Marcos administration at sa Kamara na suntok sa buwan ang posibilidad na ma-convict si VP Sara sa impeachment case. Boom!


XXX


GUSTO RAW NI PBBM MA-IMPEACH SI VP SARA KAYA IMPOSIBLENG HINDI TUTUKAN NG PRESIDENTE ANG IMPEACHMENT TRIAL – Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), wala umanong plano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na tutukan o panoorin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Sa totoo lang, mahirap paniwalaan ang pahayag na ito dahil impeachment trial ito ng isa sa kanyang pangunahing karibal sa pulitika. Kaya para sa marami, mahirap isipin na hindi man lang ito susubaybayan ng pangulo. Period!


XXX


SEN. RISA HONTIVEROS, PINAGTAWANAN NA NAMAN SA SOCIAL MEDIA KAUGNAY SA IKINALAT NG AKBAYAN SA SOCIAL MEDIA NA 'CEBU IS RISA NA’ – Dahil sa ikinalat ng Akbayan sa social media na "Cebu is Risa na," muli na namang pinagtawanan ng mga netizen si Sen. Risa Hontiveros.


Ipinost ito ng Akbayan matapos dumalo ang nasa 2,000 katao sa inilunsad na "Risa Na" sa Cebu.


Para sa kaalaman ng publiko, mahigit 3 milyon ang mga botante sa Cebu, kaya sa dami ng botante sa lalawigan, hindi na nakapagtataka kung bakit pinagtawanan ng ilang netizen ang naturang pahayag. Boom!


XXX


DAPAT TUTUKAN NG DOH ANG PAGKALAT NG COVID-19 SA QC PARA HINDI NA KUMALAT SA IBA PANG LUGAR SA BANSA – Muling tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Quezon City.


Hay naku! Akala ng marami ay tuluyan nang nawala ang Coronavirus sa Pilipinas, pero mayroon pa rin pala.


Dapat tutukan ng Department of Health (DOH) ang sitwasyon sa Quezon City upang hindi na ito kumalat sa iba pang lugar. Kapag lumawak pa ang hawahan sa ibang lungsod at munisipalidad, baka muling pag-usapan ang iba't ibang uri ng lockdown sa bansa. Period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page