top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 18, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagpakasal po ako noong taong 2025. Wala naman po kaming pinirmahan na kahit anong kasunduan bago ang aming kasal. Gayunman, bago pa po ako ikasal ay nagmamay-ari na ako ng iba’t ibang alahas. Gusto ko lang malaman kung ang mga nasabi bang alahas ay magiging pag-aari ko lang o kasama sa ari-arian na hati kaming mag-asawa? — Marinel





Dear Marinel,


Ang lahat ng ikinasal pagkatapos ng ika-03 ng Agosto 1988, kung kailan nagkabisa ang Family Code of the Philippines, at walang pre-nuptial agreement o kasunduan na may kaugnayan sa kanilang pag-aari, ay sinasakop ng tinatawag na absolute community of property. 


Alamin natin kung anu-anong pag-aari ang sinasakop ng absolute community of property. Ayon sa Article 91 ng nasabing Code: 


“Art. 91. Unless otherwise provided in this Chapter or in the marriage settlements, the community property shall consist of all the property owned by the spouses at the time of the celebration of the marriage or acquired thereafter.” 


Samakatuwid, maliban sa mga pag-aaring hindi isinama ng batas, ang lahat ng pag-aari ng mag-asawa, pati ang kanilang mga ari-arian pa man bago sila ikasal, ay magiging parte ng kanilang community of property o sa madaling sabi ay magiging pag-aari nilang parehas. 


Ano naman ang mga pag-aari na hindi sinasakop ng absolute community of property o ang mga ari-arian na mananatiling pag-aari lang ng isa sa mag-asawa? Ayon sa Article 92 ng Family Code: 

“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:


  1. Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property;


  1. Property for personal and exclusive use of either spouse. However, jewelry shall form part of the community property;


  1. Property acquired before the marriage by either spouse who has legitimate descendants by a former marriage, and the fruits as well as the income, if any, of such property.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang mga alahas, bagama’t ito ay itinuturing na personal na gamit ng isa sa mag-asawa, ay sakop pa rin ng absolute community of property. Bagkus, ito ay kasama at sinasakop ng nasabing probisyon ng batas, at magiging pag-aari ng parehong mag-asawa. 


Sa iyong sitwasyon, dahil wala kayong pre-nuptial agreement at ikinasal kayo pagkatapos ng Agosto 3, 1988, ang sumasakop sa inyong pag-aari ay ang absolute community of property. Dahil dito, ang mga pag-aari ninyo bago kayo ikasal ay naging parte ng inyong magkasasamang ari-arian (common property), kung hindi kasama sa eksklusyon na ibinigay ng batas. Dahil ang iyong mga alahas ay hindi kasama sa mga eksklusyon na ibinigay ng batas, ang mga ito ay naging bahagi ng inyong ari-ariang mag-asawa, kahit na ito ay ipinundar mo bago pa kayo ikasal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 18, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA SENATOR-JUDGES NA MAGYE-YES I-SUBPOENA ANG TAX RECORDS NG MAG-ASAWANG VP SARA AT MANS, MGA ANTI-DUTERTE 'YAN, PRO-DUTERTE NAMAN ANG MAGNO-NO – Sa Lunes, July 20, o sa ikapitong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, pagbobotohan ng mga senator-judges kung dapat bang i-subpoena ng impeachment court ang tax records ng mag-asawang VP Sara at Mans Carpio.


Kaya sa Lunes, magkakaalaman na kung sinu-sino ang boboto ng yes at kung sinu-sino ang boboto ng no. Abangan!


XXX


HAMON NI SEN. CAYETANO SA MARCOS ADMIN, SABLAY – Hinamon ni Sen. Alan Cayetano ang Marcos administration na ituloy ang imbestigasyon sa umano'y 2019 Southeast Asian (SEA) Games scam, habang sinabi rin niyang magsasagawa ang Senate minority ng sariling imbestigasyon sa flood control scandal.


May dalawang sablay sa pahayag na ito ni Cayetano. Una, hindi na niya kailangang hamunin ang Marcos administration dahil nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng 2019 SEA Games scam. Ikalawa, malabong maisakatuparan ang sinasabi niyang imbestigasyon ng Senate minority sa flood control scandal dahil hindi na siya ang Senate President at hindi na rin chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano. Period!


XXX


KAPAG INUMPISAHAN NA ULI ANG FLOOD CONTROL INVESTIGATION, DAPAT IMBITAHAN SI EX-OMBUDSMAN MARTIRES PARA MAGISA – Tiniyak ni Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa Hulyo 27, 2026, ay bubuksan muli ang imbestigasyon sa flood control scandal.


Sana, sa muling pagdinig, ay maisama rin sa iimbitahan si dating Ombudsman Samuel

Martires. Ayon kay anti-corruption convenor John Chong, noong 2021 at 2022 ay wala umanong naging aksyon ang dating Ombudsman sa hiling nilang imbestigahan sina noo'y Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, noo'y ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola kaugnay ng umano'y maanomalyang P50-bilyong flood control landslide slope protection projects sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).


Ani Chong, kung inaksyunan lamang umano ito noon ni Martires, baka hindi na lumala ang umano'y korupsiyon sa flood control sa bansa. Boom!


XXX


KUNG NAG-IMBAK LANG SANA NG LANGIS ANG MARCOS ADMIN, HINDI SANA MAGKAKAROON NG BIGTIME OIL PRICE HIKE NEXT WEEK – May bigtime oil price hike na naman sa susunod na linggo. Tataas ng P11 kada litro ang diesel at P4 naman kada litro ang gasolina. Ayon sa Department of Energy (DOE), dulot ito ng muling paglala ng tensyon sa Middle East sa pagitan ng US at Iran.


Kung naghanda sana ang Marcos administration at nag-imbak ng sapat na suplay ng langis nang humupa noon ang tensyon sa Middle East, hindi sana ganito kalaki ang itataas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Pero dahil hindi ito nagawa, asahan nang muling magdurusa ang mga motoristang Pinoy sa panibagong bigtime oil price hike. Tsk!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 18, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hanggang saan dapat umabot ang pananagutan ng isang tao kapag ginamit ang social media bilang sandata upang manakit at mang-api? 


Sa panahon na halos lahat ay konektado sa internet, hindi na lamang salita ang maaaring makasakit—mas mabilis na rin itong kumalat at magdulot ng matinding emosyonal na pinsala. Ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema ay malinaw na paalala na ang pang-aabuso sa online platforms ay may mabigat na kapalit at hindi dapat balewalain.


Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang hatol laban sa isang lalaking napatunayang nagkasala ng psychological violence laban sa kanyang dating kinakasama. Kasabay nito, itinaas ng SC ang kanyang parusa ng isang antas matapos mapatunayan na isinagawa ang krimen sa pamamagitan ng social media.


Sa 20-pahinang resolusyon na inilabas noong Hunyo 2026, ibinasura ng First Division ng SC ang motion for reconsideration ng akusado. Ayon sa hukuman, wala itong naipakitang sapat na batayan upang baligtarin ang naunang desisyon.


Batay sa rekord ng kaso, nagkaroon ng tatlong taong relasyon ang dalawa at nagkaroon sila ng isang anak. Bagama’t inalok ng lalaki ang babae ng kasal, hindi ito natuloy dahil sa kanilang mga personal na alitan. Kalaunan ay namuhay ang babae kasama ang kanyang mga magulang habang siya lamang ang nagpalaki sa kanilang anak.


Sa isa sa mga pagbisita ng lalaki sa kanilang anak, bigla nitong hinipuan ang babae nang walang pahintulot. Dahil dito, agad siyang ibinlock ng biktima sa lahat ng kanyang social media accounts. Makalipas ang ilang taon, nagpadala ang lalaki ng pribadong mensahe sa mga kapatid ng babae at isinisi rito ang umano’y pagkakaatake sa puso ng kanyang ina. Hindi naglaon ay nag-post din siya sa Facebook ng mga mapanirang pahayag, pang-iinsulto, at pagbabanta laban sa biktima.


Dahil dito, nagsampa ng kaso ang babae sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Parehong hinatulang guilty ng Family Court at Court of Appeals ang akusado, na kalaunan ay pinagtibay rin ng Korte Suprema.


Ipinaliwanag ng SC na ang paggamit ng Facebook at Facebook Messenger ay sapat na patunay ng paggamit ng information and communications technology (ICT), kahit hindi mismo binanggit ang terminong “ICT” sa isinampang impormasyon. Dahil dito,


ipinatupad ang mas mabigat na parusa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Mula sa dating anim na buwan hanggang walong taong pagkakakulong, itinaas ang sentensiya sa anim hanggang 14 na taong pagkabilanggo, bukod sa multang P100,000 at obligasyong sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment.


Mahalaga ang desisyong ito hindi lamang para sa biktima kundi para sa bawat Pilipinong gumagamit ng social media. Ipinapakita nito na ang internet ay hindi ligtas na kanlungan para sa pananakot, paninirang-puri, at anumang uri ng pang-aabusong emosyonal. Ang bawat post, komento, at mensahe ay may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas.


Ang naging pasya ng Korte Suprema ay isang matibay na babala na hindi dapat gawing sandata ang teknolohiya upang manakit ng kapwa. Sa halip, dapat itong gamitin nang may paggalang, pananagutan, at malasakit. Mas nagiging ligtas ang lipunan kung ang batas ay patuloy na umaayon sa makabagong paraan ng paggawa ng krimen at matatag na pinoprotektahan ang dignidad at karapatan ng bawat mamamayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page