ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 19, 2026

May apat na S sa Senado—Sayang, Sayad, Salot, at Sana.
Lahat ng senador, kabilang na ang mga nagmula sa mga pamilyang politikal, ay may nagawa namang mabuti. Hindi na kailangang isa-isahin pa. Bawat isa ay may mga nasabi at nagawang kapaki-pakinabang sa buong panahon ng kanilang panunungkulan.
May ilan na mas marami ang nagawa, mayroon ding kaunti. May mga nagsisikap na laging gawin ang tama at mabuti. Ngunit mayroon ding ang paninindigan ay nakadepende sa sitwasyon, sa pakinabang, sa "boss," sa opinyon ng publiko, o sa kapalit na regalo at ayuda. Depende, depende, depende.
Sa kabilang banda, mayroon ding naninindigan batay sa prinsipyo, pananampalataya, konsensya, katotohanan, katwiran, katarungan, at karangalan. Sana lahat ay ganoon.
Nakalulungkot lamang na may mga dating kilala sa pagiging matino, may prinsipyo, may dangal, may konsensya, at may tunay na pananampalataya, ngunit tila nawala o humina ang mga katangiang ito. Sayang. Pag-isipan natin kung sinu-sino ang mga kabilang sa grupong ito.
Mayroon ding mga kailangang laging maingay at laman ng balita, kahit ang kanilang mga sinasabi ay malinaw na walang batayan o kathang-isip lamang. Patuloy silang nagsasalita kahit hindi nag-aaral, hindi nagtatanong, at hindi nagsusuri. Ang mahalaga ay mapahaba ang usapan upang sa huli, ang pinakamadalas marinig ang siyang manatili sa isipan ng publiko.
Ito ang larawan ng mga may Sayad. Lumabis na sila sa pagiging "sayang" at tuluyan nang nalunod sa mundo ng pagkukunwari at kahibangan. Ang mas masaklap, pinaniniwalaan na rin nila ang sarili nilang mga imbentong kuwento.
Palabuin ang malinaw. Baluktutin ang tuwid. Maliitin ang tama. Bastusin ang disente. Baliktarin ang kuwento at magkunwaring sila ang inaapi. Gamitin ang teknikalidad upang ilihis ang usapan at patagalin ang proseso. Ganito ang paraan ng mga Salot na matagal nang nagpapabulok sa lipunan.
Sila ang kanser na tinukoy ni Rizal—mga taong piniling lumublob sa putikan at manghatak pa ng iba. Makapangyarihan at maimpluwensiya sila, kaya mabilis ding kumalat ang kanilang impluwensiya. Tulad ng isang pandemya, matagal nang umiiral ang salot na ito at hanggang ngayon ay patuloy na sumisira sa ating lipunan.
Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, naroon pa rin ang mga hindi sumusuko sa kanilang paninindigan. Anuman ang hirap o panganib, hindi sila tumitigil sa paglilingkod. Hindi para sa pansariling interes ang kanilang layunin, kundi para sa bayan.
Patuloy silang nagsasalita ng katotohanan, naghahain ng makabuluhang panukala, at naninindigan kahit binabatikos, sinisiraan, o ginagawan ng mga pekeng balita at mapanirang AI-generated na mga video. Sila ang mga tunay na lingkod-bayan at mapagkakatiwalaang senador ng Republika.
Sa panahong maraming nawawalan ng tiwala sa mga institusyon ng pamahalaan, sila ang nagbibigay ng pag-asa na may mga lider pa ring hindi magtataksil sa Saligang Batas at sa taumbayan. Sila ang mga Sana—ang mga nananatiling tapat sa totoo at tama.
Salamat sa mga nagsisikap maglingkod nang marangal at nararapat.
Sana ang mga Sayang ay makabalik sa tamang landas. Sana ang mga may Sayad ay matauhan at matutong pahalagahan ang katotohanan. Sana ang mga Salot ay talikuran ang kabulukan at tumulong sa paglilinis ng lipunan sa halip na patuloy itong sirain.
Ito ang panalangin at pangarap ng bawat Pilipino—na manaig ang totoo at tama, mapanagot ang dapat managot, at muling maghari ang kaayusan at kapayapaan sa ating bansa. Amen.



