top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | July 25, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat may sandigan ang bawat batang nakararanas ng pambubully. Hindi dapat natatapos ang kanilang paghahanap ng hustisya sa loob lamang ng paaralan. Kapag may malinaw na daan upang humingi ng tulong sa pamahalaan, mas nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga biktima at kanilang pamilya na magsalita at ipaglaban ang kanilang karapatan. Ang laban kontra-bullying ay hindi lamang usapin ng disiplina sa eskwelahan kundi responsibilidad ng buong lipunan.


Bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng klase, inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na maglalabas ito ng isang department order na mag-aatas sa lahat ng local prosecution offices at sa DOJ Action Center (DOJAC) na tumanggap ng mga reklamo kaugnay ng bullying. 


Ayon sa ahensya, layunin nitong bigyan ng mas maraming opsyon ang mga biktima at kanilang mga magulang upang makahingi ng tulong at hindi lamang umasa sa proseso ng paaralan.


Sa ilalim ng nakatakdang kautusan, maaaring tanggapin at suriin ng mga local prosecution offices ang reklamo, magsagawa ng mediation kung kinakailangan, o i-refer ang kaso sa paaralan na may pangunahing hurisdiksyon sa insidente. Maaari rin itong iendorso sa Women and Children Protection Desk ng Philippine National Police (PNP) o pormal na maitala bilang kaso sa ilalim ng umiiral na mga alituntunin ng DOJ kung kinakailangan.


Binigyang-diin ng ahensya na ang hakbang na ito ay bahagi ng matibay na paninindigan ng DOJ na protektahan ang karapatan ng mga bata alinsunod sa Saligang Batas at sa United Nations Convention on the Rights of the Child. Dagdag pa ng ahensya, seryosong isinusulong ng departamento ang mas mabilis at mas madaling paglapit ng mga biktima sa mga ahensya ng gobyerno upang matiyak na mabibigyan sila ng kaukulang aksyon at suporta.


Mahalagang hakbang ito dahil ipinapakita nitong kinikilala ng pamahalaan na ang bullying ay may malalim na epekto sa pag-aaral, kalusugang pangkaisipan at kinabukasan ng isang bata. Sa pagbibigay ng alternatibong paraan ng pagrereklamo, nababawasan ang pangamba ng mga magulang at estudyante na baka hindi agad maresolba ang kanilang hinaing.


Ang tunay na tagumpay ng panukalang ito ay hindi lamang nakasalalay sa paglalabas ng department order kundi sa maayos at mabilis nitong pagpapatupad. Kailangang maging bukas, maagap at sensitibo ang bawat tanggapan sa paghawak ng mga reklamo upang maramdaman ng mga biktima na hindi sila nag-iisa. Kapag may sapat na suporta mula sa paaralan at pamahalaan, mas magiging ligtas ang kapaligiran ng mga kabataan at mas mapapalakas ang tiwala ng publiko na may handang sumandig sa kanila sa oras ng pangangailangan. 


 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 24, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Patuloy kong isinusulong sa Senado ang mga panukalang makatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan. Noong Hulyo 15, naghain ako ng panibagong mga panukalang batas na nakatuon sa modernisasyon ng serbisyo ng gobyerno, imprastruktura, edukasyon, kalusugan, at seguridad sa pagkain.


Kabilang dito ang Senate Bill No. (SBN) 2330, na naglalayong maglatag ng komprehensibong legal na balangkas para sa mas malawak, maayos, at magkakaugnay na paggamit ng digital payment systems sa mga transaksyon ng gobyerno at negosyo. Sa pamamagitan nito kapag naisabatas, nais nating gawing mas mabilis at mas maginhawa ang pagbabayad at pagtanggap ng serbisyo.


Inihain ko rin ang SBN 2326 upang gawing limang taon ang bisa ng Professional Identification Cards. Kung maisasabatas, makababawas ito sa gastos, oras, at abala ng mga propesyonal na kailangang regular na mag-renew ng kanilang mga lisensya.


Layunin naman ng SBN 2329 na palawigin ang saklaw ng estate tax amnesty sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 11213. Saklaw ng panukala ang mga ari-arian ng mga namatay noon ang Disyembre 31, 2024, na may hindi pa nababayarang estate tax. Mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na maayos ang kanilang obligasyon nang hindi lalo pang nahihirapan.


Bilang galing ng Davao Oriental at adopted son ng Mati City, alam ko ang kahalagahan ng maayos na paliparan sa pag-unlad ng mga lalawigan. Kaya inihain ko ang SBN 2325, na naglalayong italaga ang Mati Airport bilang opisyal na alternate airport ng Davao International Airport. Makakatulong ito sa pagpapalakas ng koneksyon, turismo, kalakalan, at paghahanda sa mga pagkakataong hindi magamit ang pangunahing paliparan.


Isinusulong din natin ang mas maayos at pangmatagalang pagpaplano ng imprastruktura sa pamamagitan ng SBN 2331, o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill. Layunin nitong magkaroon ng koordinasyon at tuluy-tuloy na direksyon sa pagtatayo ng mga pangunahing proyekto para sa kinabukasan ng ating bansa.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, patuloy kong inuuna ang kapakanan at kinabukasan ng kabataan. Sa SBN 2327, isinusulong natin ang pag-convert sa Cotabato Foundation College of Science and Technology sa Arakan, Cotabato, bilang isang state university. Layunin nitong mapalawak ang access sa dekalidad na edukasyon para sa mga estudyante sa Cotabato at mga kalapit na lugar.


Inihain ko rin ang SBN 2332 upang maisama sa basic education curriculum ang pag-aaral ng Saligang Batas ng Pilipinas. Mahalaga na maagang maunawaan ng kabataan ang kanilang mga karapatan, tungkulin, at papel bilang mamamayan.


Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Health at isang health reforms crusader, patuloy kong isinusulong ang mas maayos at mas abot-kayang serbisyong medikal. Sa ilalim ng SBN 2324, layunin nating i-upgrade ang Roxas Memorial Provincial Hospital sa Barangay Lanot, Roxas City, bilang isang Level III general hospital na tatawaging Capiz Medical Center.


Inihain ko rin ang SBN 2333 upang gawing mas propesyonal at maayos ang propesyon ng mga sanitarians. Mahalaga ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kalinisan, kaligtasan, at pampublikong kalusugan sa ating mga komunidad.


Kasama rin sa mga panukala ang SBN 2328, o ang Food Waste Reduction and Prevention Act. Layunin nitong maiwasan ang pag-aaksaya ng pagkain at isulong ang maayos na pagre-recycle at pamamahagi ng mga sobrang pagkain na maaari pang mapakinabangan.


Ang mga panukalang ito ay nakatuon sa mga konkretong pangangailangan ng ating mga kababayan. Patuloy akong magsisikap na makapaghain at makapagsulong ng mga batas na maglalapit ng serbisyo sa tao, magpapagaan sa kanilang buhay, at magbibigay ng mas maraming oportunidad, lalo na sa mahihirap, nangangailangan, at walang ibang malalapitan.


Samantala, personal akong pumunta sa mga kababayan nating nasunugan sa Brgy. 145 at Brgy. 163, Tondo, Manila, upang mamahagi ng tulong sa kanila. Nakasama ko sa aking pagbisita si Brgy. 163 Chairwoman Baby Gutierrez.


Personal din akong dumalo sa Romblon Sangguniang Kabataan Congress 2026 upang makapagbahagi ng mensahe at personal na makasama ang ating mga kabataang lider, ilang vice mayors at board members ng probinsya. Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, patuloy kong hinihikayat ang ating SK na mamuno nang may integridad, malasakit, at dedikasyon sa serbisyo.


Samantala, noong nakaraang linggo, agad na naghatid ng karagdagang tulong ang Malasakit Team natin sa mga nasunugan sa Malabon City, Valenzuela City, at Pasig City. Nagbigay rin tayo ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.


Tinulungan din ng Malasakit Team natin ang naulilang pamilya ng mga pinaslang na motorcycle taxi rider na sina Fabio Norberte Jr. at Ren Ren De Laviga. Nagpaabot tayo ng suporta sa kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng mahirap na panahong ito. Naniniwala ako na ang bawat Pilipino ay nararapat magkaroon ng kapanatagan ng loob. Dapat ligtas tayong nakalalakad sa mga lansangan, namumuhay nang payapa, at naghahanapbuhay nang marangal nang walang pangamba. Dapat nating patuloy na protektahan ang buhay at kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino na nais lamang maghanapbuhay para sa kanilang pamilya at mamuhay nang may dignidad.


Nagbigay rin ang aking opisina ng financial assistance, grocery packs, at iba pang tulong sa dalawang naulilang pamilyang naapektuhan ng landslide sa Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani Province. Sampung katao ang nasawi sa trahedya, kabilang ang mga miyembro ng pamilyang Maladian at Yaton, matapos matabunan ng landslide ang dalawang bahay.


Tinulungan din ng ating team ang mga kapuspalad na nasunugan sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Davao City. Nagpaabot din ng suporta ang Malasakit Team natin sa mga nagtapos ng technical-vocational scholarship programs sa Daet, Camarines Norte; Sariaya, Quezon; at San Fernando City, Pampanga.


Bilang Mr. Malasakit, lubos kong pinahahalagahan ang tiwalang ibinigay sa akin ng sambayanang Pilipino. Patuloy kong gagawin ang aking makakaya upang maisulong ang mas marami pang batas na makatutulong sa ating mga kapwa Pilipino hanggang sa mga susunod na henerasyon. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong katanungan tungkol sa ginawang donasyon ng aking tiyuhin para sa hindi pa isinisilang na anak ng kanyang buntis na kasintahan.  Matapos ang anim na buwang pagbubuntis ng kanyang kasintahan, ipinanganak ang fetus at pinangalanang Grace. Ngunit namatay si Grace pitong oras pagkatapos ng kapanganakan. Sa ngayon, gustong bawiin ng aking tiyuhin ang kanyang donasyon na nagkakahalaga ng P800,000. Maaari niya ba itong gawin? Maraming salamat po sa inyong kasagutan. — Lexi





Dear Lexi,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa sa Artikulo II, Seksyon 12 ng 1987 Konstitusyon ng ating bansa na:


“Section 12. The State recognizes the sanctity of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception. The natural and primary right and duty of parents in the rearing of the youth for civic efficiency and the development of moral character shall receive the support of the Government.”


Dagdag pa rito, nakasaad sa New Civil Code of the Philippines, partikular sa Artikulo 40 at 41 nito, hinggil sa personalidad ng isang tao. Nakasaad dito na ang kapanganakan ang tutukoy sa personalidad. Ang nabuong nilalang sa sinapupunan ng ina ay itinuturing na ipinanganak kung ang mga kondisyon na nakasaad sa Artikulo 41 ay makakamtan. Nakasaad dito na:



Article 40. Birth determines personality; but the conceived child shall be considered born for all purposes that are favorable to it, provided it be born later with the conditions specified in the following article. 


Article 41. For civil purposes, the fetus is considered born if it is alive at the time it is completely delivered from the mother's womb. However, if the fetus had an intra-uterine life of less than seven months, it is not deemed born if it dies within twenty-four hours after its complete delivery from the maternal womb.”


Ayon sa nasabing Code ng ating bansa, itinuturing na ang fetus ay isang tao para sa kanais-nais na layunin o para sa ikabubuti niya hinggil sa mga kondisyong alinsunod sa Artikulo 41 ng New Civil Code. Sa ilalim ng nasabing probisyon, upang ituring na ipinanganak, ang isang fetus na may intrauterine life na mas mababa sa pitong buwan ay dapat mabuhay ng 24 na oras mula sa kapanganakan. 


Kaya naman, sa sitwasyon ng iyong tiyuhin, maaari niyang bawiin ang kanyang donasyon kay Grace. Habang ang kanyang donasyon ay pabor sa nabuong fetus sa sinapupunan ng kanyang kasintahan, ang donasyong ito ay hindi naging epektibo dahil si Grace ay nagkaroon ng intrauterine life na mas mababa sa pitong buwan at hindi umabot ang buhay niya ng 24 oras mula sa kapanganakan. Hindi nasunod ang mga kondisyong nakatala sa Artikulo 41 ng New Civil Code, kung kaya’t hindi maituturing na ipinanganak si Grace. Dahil hindi siya maituturing na ipinanganak sa mata ng batas, wala rin siyang “juridical capacity” para tumanggap ng donasyon. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page