top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | July 28, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nais ng sinumang magulang na makitang ligtas ang kanilang mga anak, hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa mundong kanilang ginagalawan sa internet. 


Sa panahong mas mabilis nang kumalat ang karahasan at mapaminsalang nilalaman sa social media, hindi sapat ang simpleng pagbabantay. Kailangang magkaroon ng mas matibay na hakbang upang maprotektahan ang kabataan laban sa impluwensiyang maaaring magtulak sa kanila sa maling landas.


Kasunod ng pagtatapos ng ika-44 na Association of Southeast Asian Nations Chiefs of Police (ASEANAPOL) Conference sa Pasay City, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibilidad na tularan o pagbutihin pa ang batas ng Australia na nagbabawal sa paggamit ng social media ng mga batang edad 16 pababa. Layunin nitong mabawasan ang online radicalization at maiwasan ang mga trahedyang tulad ng school shootings.


Ayon sa ahensya, tinitingnan ng PNP ang mga batas ng ibang bansa upang malaman kung alin ang maaaring iakma sa sitwasyon ng Pilipinas. Dagdag pa nito na posibleng irekomenda sa Kongreso ang paglalagay ng limitasyon sa paggamit ng social media ng mga menor-de-edad. 


Lalong nabigyang-diin ang usapin matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa isang paaralan noong Hulyo, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan. Ayon sa PNP, isa sa mga nakitang salik sa insidente ay ang labis na pagkakalantad ng dalawang menor-de-edad na suspek sa mararahas na content sa social media at sa violent sandbox game na GoreBox.


Bunga nito, iniatas sa lahat ng yunit ng PNP na ipatupad ang mga resolusyong napagkasunduan sa ASEANAPOL, kabilang ang mas pinaigting na intelligence sharing, cybercrime investigations at anti-scam operations.


Pinagtibay rin sa kumperensiya ang mas malawak na kooperasyon laban sa cybercrime, online scams, illegal drugs, terorismo, human trafficking, smuggling ng armas, financial crimes, wildlife crimes at maritime crimes.


Kasama rin sa mga napagkasunduan ang modernisasyon ng Electronic ASEANAPOL Database System, pagpapalawak ng forensic cooperation, police training, personnel exchange at pagpapatuloy ng ASEAN Police Combat Operational Task Force para sa 2026 hanggang 2028. Samantala, inendorso rin ang Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng ASEANAPOL upang higit pang mapalakas ang pagtutulungan laban sa mga krimeng tumatawid sa hangganan ng mga bansa.


Ang pag-aaral sa paghihigpit ng social media para sa mga menor-de-edad ay dapat tingnan bilang bahagi lamang ng mas malawak na solusyon. Mahalaga ang papel ng batas, ngunit hindi nito mapapalitan ang responsibilidad ng mga magulang, paaralan, teknolohiya at pamahalaan sa paggabay sa kabataan. Kung magkakaisa ang lahat sa paglikha ng mas ligtas na digital na kapaligiran, mas malaki ang pagkakataong maiwasan ang karahasan at maprotektahan ang kinabukasan ng kabataan. 


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | July 27, 2026



Bistado ni Ka Ambo


SONA na ngayon.

Wala lang!


-----$$$--

EXCITED ang lahat sa nilalaman ng talumpati ni PBBM.

Sana ay hindi AI.


-----$$$--

MAY ulat na mismong si PBBM ang sumulat ng kanyang talumpati.

Sana nga.


-----$$$--

SA totoo lang, ang inyong abang-lingkod ay kasama sa gumagawa ng kanyang mga talumpati sa bungad ng kanyang termino bilang senador noong 2010.

At ngayon, malayo na ang narating niya—bihasa na siya sa pagta-Tagalog.

Klap, klap, klap!


-----$$$--

SA totoo lang, ang bawat ahensya ng gobyerno at pribado ay dapat na may consultant sa paggamit ng lengguwaheng Tagalog.

‘Yan mismo ang problema sa impeachment trial, at maging sa ICC.


----$$$--

SINO ba ang dapat maging bihasa sa pagta-Tagalog?

Ang mga akademisyan ba?

Ang mga multi-awarded na makata ba?

O ang mga editor sa diyaryong Tagalog na halos araw-araw na humahasa sa paggamit ng Tagalog?


-----$$$--

MAS mainam ay magsama-sama sa iisang tao ang kasanayan at karanasang ito—akademisyan, makata at diyarista!

Ang mga taga-radyo at taga-telebisyon—at ngayon ay taga-socmed—ay nanghihiram lamang ng husay, talino at kasanayan sa mga beteranong diyornalista.


-----$$$--

TULAD ng ibang lengguwahe, nahahasa ang wika habang paulit-ulit na ginagamit ito.

Ang problema sa Pilipinas, ang mga ehekutibo at decision-maker o policy maker ay karaniwang hindi bihasa sa Tagalog.


-----$$$--

Paano makakagawa ng batas, regulasyon o patakaran kung ang teksto at konteksto—ay hinuhugot sa mga “English-minded executive.”

Napakahalaga nito sa mga hukuman tulad ng impeachment court at Kongreso.


----$$$--

Sa susunod na buwan ay Buwan ng Wika. Makakasama ba sa SONA ang malawakang paggamit at paglilinang ng wikang Pambansa?

Mag-aala Manuel Quezon o mag-aala PNoy ba si PBBM ngayon sa kanyang SONA?

Abangan natin!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kamakailan lamang, nalaman ko na ang bayaw ko, na kasama naming nakatira sa bahay, ay kinuha ang kwintas ko at ibinigay ito sa kanyang kasintahan. Nang tanungin ko siya tungkol dito, tinawanan lamang niya ako at sinabi na kahit magsampa ako ng kaso laban sa kanya, hindi siya makukulong dahil bayaw ko siya. Totoo po ba ang kanyang sinasabi? Nais ko lamang maliwanagan tungkol sa bagay na ito. Maraming salamat po. — Liz 





Dear Liz,


Ang ating nasyon ay binubuo ng mga batas na nagpaparusa sa mga taong gumagawa ng krimen upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lipunan. Ang mga ito ay nakapaloob sa Revised Penal Code (RPC) o Act No. 3815, at iba pang espesyal na mga batas. Ayon sa Seksyon 332 ng RPC:


ARTICLE 332. Persons Exempt from Criminal Liability. — No criminal, but only civil liability, shall result from the commission of the crime of theft, swindling or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:


1. Spouses, ascendants and descendants, or relatives by affinity in the same line;


2. The widowed spouse with respect to the property which belonged to the deceased spouse before the same shall have passed into the possession of another; and


3. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together.


The exemption established by this article shall not be applicable to strangers participating in the commission of the crime.”


Alinsunod dito, ang mga partikular na miyembro ng pamilya na binanggit sa nasabing batas na nakagawa ng mga krimeng pagnanakaw, estafa o panlilinlang, at paninira ng ari-arian ay hindi mananagot sa kriminal na aspeto at tanging pananagutang sibil lamang ang maaari nilang harapin kaugnay ng naturang mga krimen na kanilang nagawa.


Sa kasong Intestate Estate of Manolita Gonzales Vda. de Carungcong, represented by Mediatrix Carungcong, as Administratrix vs. People of the Philippines and William Sato, G.R. No. 181409, Pebrero 11, 2010, na isinulat ni Honorable Chief Justice Renato Tereso Antonio C. Corona, nilinaw ng Kagalang-galang na Korte Suprema ang sumusunod:


The absolutory clause under Article 332 of the Revised Penal Code only applies to the felonies of theft, swindling and malicious mischief. Under the said provision, the State condones the criminal responsibility of the offender in cases of theft, swindling and malicious mischief. As an act of grace, the State waives its right to prosecute the offender for the said crimes but leaves the private offended party with the option to hold the offender civilly liable.


However, the coverage of Article 332 is strictly limited to the felonies mentioned therein. The plain, categorical and unmistakable language of the provision shows that it applies exclusively to the simple crimes of theft, swindling and malicious mischief.” 


Dahil dito, ang nasabing absolutory clause sa ilalim ng Artikulo 332 ng RPC ay mahigpit na naaangkop lamang sa mga krimen ng pagnanakaw, panloloko, at malisyosong paninira.


Dahil kayo ay naninirahan sa iisang bahay, ang iyong bayaw ay maaaring hindi mapatawan ng pagkakakulong sa krimen ng pagnanakaw na kanyang ginawa laban sa iyo. Gayunman, maaari pa rin siyang managot sa aspetong sibil para sa kasalanang kanyang nagawa kung magsasampa ka ng kaukulang kaso laban sa kanya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page