top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 31, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Sa walang bisa (void) na kasal dahil sa tinatawag na “psychological incapacity,” mayroon po bang absolute community of property pagdating sa mga ari-ariang nakuha ng mga partido habang sila ay nagsasama bilang mag-asawa? — Butchi 





Dear Butchi,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas at mga kaugnay na kaso ng Korte Suprema. Kaugnay nito, nakasaad sa Artikulo 147 ng Executive Order No. 209, o mas kilala sa tawag na “Family Code of the Philippines,” ang mga sumusunod: 


Article 147. When a man and a woman who are capacitated to marry each other, live exclusively with each other as husband and wife without the benefit of marriage or under a void marriage, their wages and salaries shall be owned by them in equal shares and the property acquired by both of them through their work or industry shall be governed by the rules on co-ownership.


In the absence of proof to the contrary, properties acquired while they lived together shall be presumed to have been obtained by their joint efforts, work or industry, and shall be owned by them in equal shares. For purposes of this Article, a party who did not participate in the acquisition by the other party of any property shall be deemed to have contributed jointly in the acquisition thereof if the former's efforts consisted in the care and maintenance of the family and of the household.” 


Ayon sa kasong Tanyag vs. Tanyag (G.R. No. 231319, November 10, 2021), sa panulat ni Hon. Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, ang mga probisyon ng Family Code of the Philippines hinggil sa ugnayang pang-ari-arian ng mag-asawa, tulad ng absolute community, conjugal partnership of gains, at separation of property, ay hindi naaangkop sa sitwasyon na walang bisa ang isang kasal dahil sa psychological incapacity:


Void marriages are no marriages. Thus, the provisions of the Family Code on property relations between husband and wife — the systems of absolute community, conjugal partnership of gains, and separation of property — do not apply in disposing of properties that may have been acquired during the parties' cohabitation. Instead, the property regime of parties to a void marriage is governed either by Article 147 or Article 148 of the Family Code, depending on whether the parties have no legal impediment to marry.”


Samakatuwid, sa sitwasyon kung saan ang isang kasal ay ipinawalang-bisa alinsunod sa Article 36 ng nasabing Code, o ang probisyon ukol sa psychological incapacity, hindi ang absolute community of property, conjugal partnership of gains, o separation of property ang susundin sa paghahati o pag-aayos ng mga ari-ariang nakuha habang nagsasama ang mga partido. Sa halip, ang umiiral ay ang special co-ownership sa ilalim ng Article 147 ng Family Code of the Philippines, kung ang lalaki at babae ay may kapasidad (capacitated) o walang legal na hadlang (impediment) na magpakasal sa isa’t isa. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 31, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT ISAPUBLIKO NG MARCOS ADMIN ANG PANGALAN NG MGA PULITIKO NA NAGSAULI NG KICKBACK – Umabot na sa higit P841 milyon ang naisauli umanong kickbacks mula sa flood control projects scam na kinasasangkutan ng ilang politicians at Department of Public Works and Highways (DPWH) officials. Ang kapalit umano ng pagbabalik ng perang ito ay ang hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanila.


Kung totoo 'yan, dapat pangalanan ng Marcos administration ang mga nagsauli ng kickback, lalo na ang mga politicians, upang pagsapit ng 2028 elections ay maibasura ng mga botante ang kanilang kandidatura. Boom!


XXX


CONG. PULONG DUTERTE, DAPAT MAGHANDA KASI TILA ISA SIYA SA TATAMAAN SA IMBESTIGASYON NI DPWH SEC. DIZON SA UNFINISHED FLOOD CONTROL PROJECT – Matapos ang matinding pagbaha sa Davao City, nagtungo sa lungsod si DPWH Sec. Vince Dizon. Doon niya natuklasan na ang isa sa mga dahilan ng pagbaha ay isang flood control project na pinondohan pa noong 2019 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos. Dahil dito, umuusok sa galit ang DPWH secretary at sinabi niyang paiimbestigahan niya ang proyekto dahil dapat may managot.


Dapat ihanda na ni Davao City 1st Dist. Rep. Paolo Duterte ang kanyang sarili sa imbestigasyon dahil posibleng madamay siya rito, lalo't ang hindi pa natatapos na flood control project ay nasa Brgy. Talomo Proper, na sakop ng kanyang distrito. Period!


XXX


KUNG HINDI KAYA NI DEPED SEC. SONNY ANGARA NA PIGILAN ANG MGA KARAHASAN SA ISKUL, RESIGN NA! – Palala nang palala ang mga karahasan sa mga eskwelahan. Ang pinakahuli ay ang ginawang pambubugbog ng dalawang menor-de-edad na high school students sa kanilang lalaking guro sa Maco, Davao de Oro.

Dati, mga kapwa estudyante lang ang biktima ng karahasan ng mga pasaway na estudyante, pero ngayon, pati mga guro ay sinasaktan na.


Kung hindi kayang mapigilan ni Department of Education (DepED) Secretary Sonny Angara ang mga nagaganap na karahasan sa mga eskwelahan, pinakamainam na magbitiw na siya sa puwesto. Boom!


XXX


SURVEY FIRMS, NAPAKAAGA PA PERO TILA GUSTO NANG KUMITA SA MGA KAKANDIDATO SA PAGKASENADOR – Isang taon pa lang ang nakalipas mula sa 2025 local elections, at hindi pa nagsisimula ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026, pero panay na ang paglalabas ng mga survey firm ng listahan ng mga senatoriables na pasok sa top 12 para sa May 2028 elections.


Tila napakaaga pa, pero parang gusto nang kumita ng mga survey firm kaya sunud-sunod ang paglalabas nila ng 2028 senatorial surveys bilang pagpapapansin sa mga re-electionist na senador at iba pang posibleng kumandidato sa Senado. Mga pwe!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 31, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat lamang na maibalik sa taumbayan ang bawat pisong nawala dahil sa katiwalian. Ang pondong inilaan para sa mga proyektong makapagliligtas sana sa mga komunidad laban sa baha ay hindi dapat napupunta sa bulsa ng iilan. Kung may nanagot at may naibalik na pondo, mas nararapat lamang na tiyaking hindi ito ang katapusan ng laban kundi simula ng tunay na pananagutan.


Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na umabot na sa P841 milyon ang halagang nabawi ng pamahalaan mula sa mga sangkot sa kontrobersyal na umano'y ghost flood control projects. Ayon sa DOJ, ang lahat ng nakuhang pondo ay naipadala na sa National Treasury sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines upang maibalik sa kaban ng bayan.


Kabilang sa mga nagbalik ng pondo ang dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang may-ari ng SYMS Construction Trading. Ang apat ay nasa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ.


Binigyang-diin ng DOJ na hindi rito nagtatapos ang kanilang operasyon. Patuloy nilang hahabulin ang iba pang sangkot upang mabawi ang natitirang pondo at mapanagot ang mga responsable sa korte. Mahigpit din ang koordinasyon ng departamento sa Office of the Ombudsman upang matiyak na ang lahat ng kasong isasampa ay may sapat na ebidensiya at matibay na batayan sa ilalim ng batas.


Kasabay nito, pinasalamatan ng DOJ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ipinahayag nitong suporta sa National Prosecution Service sa kanyang ikalimang State of the Nation Address. Binigyang-diin ng Pangulo na ang lahat ng mababawi mula sa mga anomalya ay dapat maibalik sa sambayanang Pilipino at ang mga lumabag sa tiwala ng publiko ay dapat managot sa harap ng hukuman.


Mahalagang hakbang ang pagbawi ng P841 milyon, ngunit hindi ito dapat ituring na sukatan ng ganap na tagumpay. Mas mahalaga pa ring matiyak na ang mga kasong isasampa ay hahantong sa pananagutan ng mga sangkot at hindi lamang sa pagbabalik ng bahagi ng nawalang pondo.


Ang tunay na hustisya ay makakamit lamang kung mababawi ang bawat sentimo ng kaban ng bayan at mapaparusahan ang sinumang nag-abuso sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila. Ang perang ito ay hindi pag-aari ng iilang opisyal kundi ng bawat Pilipinong umaasang ang kanilang buwis ay mapupunta sa mga proyektong tunay na magliligtas ng buhay at magpapabuti sa kinabukasan ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page