top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 6, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat maging tuluy-tuloy at walang pinipiling lugar ang kampanya laban sa ilegal na sugal. Hindi ito simpleng paglabag sa batas kundi isang suliraning unti-unting sumisira sa katahimikan ng mga komunidad at nagiging ugat ng iba pang krimen.


Kung nais ng pamahalaan na magkaroon ng mas ligtas na pamayanan, nararapat lamang na paigtingin ang pagpuksa sa mga ilegal na operasyon at palakasin ang pakikipagtulungan ng publiko sa mga awtoridad.


Ito ang binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) matapos ihayag na higit nitong paiigtingin ang pangangalap ng impormasyon mula sa mga komunidad upang matukoy at mabuwag ang mga ilegal na pasugalan sa iba’t ibang panig ng bansa. Ayon sa PNP, nananatiling isa sa pinakamabisang sandata laban sa ilegal na sugal ang impormasyong nagmumula mismo sa mga residente. Dahil mas kilala ng mga mamamayan ang nangyayari sa kanilang lugar, malaki ang maitutulong ng kanilang pakikipagtulungan upang mabilis na matunton ang mga ilegal na aktibidad.


Patuloy na nagsasagawa ang PNP ng pinaigting na operasyon sa buong bansa. Noong Hulyo lamang, umabot sa 9,401 katao ang naaresto sa iba’t ibang anti-illegal gambling operations. Nasamsam din ang mahigit P3.2 milyon na halaga ng tayaan at iba’t ibang gambling paraphernalia. Ayon pa sa ahensya, hindi lamang Metro Manila ang kanilang tinututukan. Patuloy ding isinasagawa ang agresibong operasyon sa mga lalawigan, bayan at maging sa mga liblib na lugar upang matiyak na walang komunidad ang magiging ligtas na kanlungan ng ilegal na sugal.


Ipinaliwanag din ng PNP na ang ilegal na pagsusugal ay hindi lamang usapin ng paglabag sa batas. Batay sa kanilang datos, nagiging daan ito sa iba pang krimen tulad ng karahasang domestiko, pagnanakaw, panghoholdap at iba pang krimen laban sa tao.


Dahil dito, mas tumitindi ang banta sa kapayapaan at seguridad ng mga komunidad. Ang pagpapatigil sa mga ilegal na pasugalan ay hindi lamang pag-aresto sa mga sangkot kundi pagputol din sa ugat ng iba pang suliraning kriminal.


Mahalaga ang ginagawa ng PNP, ngunit hindi ito magiging ganap na matagumpay kung aasa lamang sa mga operasyon ng pulisya. Kailangan din ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon at pagtanggi sa anumang uri ng ilegal na sugal. Ang katahimikan ng isang komunidad ay pananagutan ng bawat isa.


Ang tunay na tagumpay laban sa ilegal na sugal ay hindi lamang nasusukat sa dami ng mga naaaresto o perang nakukumpiska. Mas mahalagang makita ang pagbawas ng kriminalidad, mas ligtas na mga pamayanan at mas maraming pamilyang hindi na naaapektuhan ng bisyong sumisira sa kabuhayan at kinabukasan. Kapag nagkaisa ang pamahalaan at mamamayan, mas malaki ang pagkakataong tuluyang mapawi ang ilegal na sugal at ang mga krimeng kaakibat nito.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | August 5, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Nagkampeon si Alex Eala sa prestihiyosong Mubadala DC Open WTA 500.

Mabuhay!


------$$$--

Mapagkumbaba si Alex sa pagsasabing huwag siyang ikumpara kay 8-Division champion Manny Pacquiao.

Tama! Wala naman siyang pangarap na maging lady politician.


-----$$$--

LARO ng mayayaman ang tennis, samantalang laro ng mga nagdarahop ang boxing.

Bago ka maging mahusay sa tennis, kailangang gumastos nang todo.


----$$$--

SA boxing, magsisimula ka bilang “human punching bag”.

Bubugbugin ka nang todo hanggang sa makaisip kang maghiganti.

Doon ka magiging pinakamahusay!


-----$$$---

HINDI natin malilimutan nang makakuwentuhan natin si dating AAK president Shihan Pocholo Veguillas.

Ayon sa karate instructor, araw-araw, gabi-gabi ang training ng kanyang mga karatedo.

Kailangan mong ipasok sa katawan ang larong kursunada mo.


-----$$$---

BATA pa lamang si Alex ay naglalaro na; paslit pa lang si Pacquiao ay nakipagsuntukan na, maging si Bata Reyes ay natutulog mismo sa ibabaw ng mesa ng billiard bago naging kampeon.

Lahat sila ay nagdaan sa hirap bago nagkamit ng milyun-milyong pisong premyo.


----$$$--

HUMAHALAKHAK ang mga pulitiko, hindi nila kailangang magpakahirap sa Pilipinas.

Mambola ka lang, madarambong mo ang kaban ng bayan.


----$$$--

PASLIT pa lang ang mga pulitiko sa Pilipinas, nangangarap nang mandambong.

Nang magka-oportunidad, sinunggaban agad!

Ha-ha-ha!


------$$$--

MARAMING kumpanya, korporasyon at negosyo ang magsasarado at malulugi next year.

Iyan mismo ang dahilan kung bakit nagpa-panic ang buong mundo.


----$$$--

BAKIT mababangkarote ang mga negosyo next year?

Opo, ‘yan ay dahil magpi-peak ang paggamit ng artificial intelligence.


-----$$$--

IMBES kasi na yakapin, ikinatatakot ng mga negosyante na gumamit ng AI.

Ibig sabihin, ang mayorya ng mga decision-maker ay magiging “AI-illiterate.”


-----$$$--

ANG kamangmangan ang magpapahamak sa atin.

Yakapin natin ang AI—imbes na katakutan.


----$$$--

Wala tayong susulingan, kundi ang magpasakop sa AI.

Maintindihan sana ito ng lahat!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 5, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ba ang hazing sa ilalim ng ating batas? Kung ito ay ipinagbabawal, maaari po bang gawing depensa sa kaso o akusasyon ng paglabag dito na may mabuting hangarin naman ang mga akusado? Kung pumayag naman po ang baguhan o neophyte sa hazing, maaapektuhan ba nito ang pananagutang kriminal ng mga nagsagawa ng hazing?


— Jerome





Dear Jerome, 


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating batas at sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 2(a) ng Republic Act (R.A.) No. 11053, o mas kilala sa tawag na “Anti-Hazing Act of 2018,” ang mga sumusunod:


“(a) Hazing refers to any act that results in physical or psychological suffering, harm, or injury inflicted on a recruit, neophyte, applicant, or member as part of an initiation rite or practice made as a prerequisite for admission or a requirement for continuing membership in a fraternity, sorority, or organization including, but not limited to paddling, whipping, beating, branding, forced calisthenics, exposure to the weather, forced consumption of any food, liquor, beverage, drug or other substance, or any other brutal treatment or forced physical activity which is likely to adversely affect the physical and psychological health of such recruit, neophyte, applicant, or member. This shall also include any activity, intentionally made or otherwise, by one person alone or acting with others, that tends to humiliate or embarrass, degrade, abuse, or endanger, by requiring a recruit, neophyte, applicant, or member to do menial, silly, or foolish tasks.” 


Hinggil sa nabanggit, ang hazing ay anumang gawain na nagdudulot ng pisikal o sikolohikal na pagdurusa, pinsala, o kapahamakan sa isang recruit, neophyte, aplikante, o miyembro bilang bahagi ng initiation rite o bilang kondisyon para matanggap o manatiling miyembro ng isang fraternity, sorority, o organisasyon. Kabilang dito ang pagpalo, paghagupit, pambubugbog, pagmarka sa katawan, sapilitang ehersisyo, pagbilad o pagpailalim sa masamang panahon, sapilitang pagpakain o pagppainom ng pagkain, alak, droga, o iba pang sangkap, gayundin ang anumang malupit na pagtrato o sapilitang pisikal na gawain na maaaring makasama sa pisikal o sikolohikal na kalusugan ng biktima. Saklaw rin nito ang anumang gawain, sinadya man o hindi, na ginawa ng isa o higit pang tao na naglalayong manghiya, magpahiya, magpababa ng dignidad, mang-abuso, o maglagay sa panganib sa isang recruit, neophyte, aplikante, o miyembro, kabilang ang pagpagawa ng mababa, katawa-tawa, o hangal na gawain.


Kaugnay naman ng iyong katanungan kung ang mabuting hangarin ay maaaring maging depensa ng sinumang responsable sa hazing, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Dungo vs. People (G.R. No. 209464, July 1, 2015), sa panulat ni Hon. Associate Justice Jose C. Mendoza, na hindi maaaring gawing depensa ang mabuting hangarin (good faith):


Accordingly, the existence of criminal intent is immaterial in the crime of hazing. Also, the defense of good faith cannot be raised in its prosecution. Xxx The study of the provisions of R.A. No. 8049 shows that, on paper, it is complete and robust in penalizing the crime of hazing. It was made malum prohibitum to discount criminal intent and disallow the defense of good faith.” 


Bilang panghuli, nakasaad naman sa Seksyon 12 ng Anti-Hazing Act of 2018 ang mga sumusunod:


Sec. 12. Nullity of Waiver and Consent. - Any form of approval, consent, or agreement, whether written or otherwise, or of an express waiver of the right to object to the initiation rite or proceeding which consists of hazing, as defined in this Act, made by a recruit, neophyte, or applicant prior to an initiation rite that involves inflicting physical or psychological suffering, harm, or injury, shall be void and without any binding effect on the parties.


The defense that the recruit, neophyte, or applicant consented to being subjected to hazing shall not be available to persons prosecuted under this Act."


Samakatuwid, sa ilalim ng batas, hindi maaaring gawing depensa ang mabuting hangarin sa kasong hazing sapagkat ito ay itinuturing na malum prohibitum, kung saan hindi mahalaga ang masamang layunin o criminal intent kung ang mismong ipinagbabawal na gawain ay naisagawa. Gayundin, ang anumang pahintulot, kasunduan, pag-apruba, o waiver ng recruit, neophyte, o aplikante bago sumailalim sa initiation rite ay walang bisa at walang epekto sa batas. Kaya kahit pa sabihing pumayag ang neophyte o baguhan, hindi nito inaalis o binabawasan ang pananagutang kriminal ng mga taong gumawa, nagplano, lumahok, o may pananagutan sa hazing ayon sa batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page