top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


WALANG PATOL SA MGA DDS ANG PINAGTUGMANG TAMANG SAGOT NI SEN. HONTIVEROS AT WALANG SAGOT NI VP SARA SA ISYU NG PAX SILICA – Ikinalat sa social media ng Akbayan ang paghahambing nila sa tamang sagot ni Sen. Risa Hontiveros at sa kawalan ng kaalaman ni Vice President Sara Duterte sa isyu ng Pax Silica na itatayo sa Clark City, Tarlac.


Gayunman, "wa epek" pa rin ito sa milyun-milyong DDS. Ika nga, hindi batayan para sa kanila ang kawalan ng kaalaman ni VP Sara sa isyu ng Pax Silica upang talikuran siya sa 2028 presidential election. At kahit tama ang naging sagot ni Sen. Risa sa isyung ito, ibabasura pa rin nila siya sa halalang pampanguluhan sa 2028. Period!


XXX


MGA ANTI-DUTERTE, NANLUMO NANG MALAMANG FAKE NEWS ANG NABALITANG ARESTADO NA SI SEN. DELA ROSA – Nang kumalat sa social media ang balitang naaresto na si Sen. Ronald Dela Rosa, nagbunyi ang mga anti-Duterte dahil inakala nilang makukulong na rin ito sa International Criminal Court (ICC), kung saan unang ikinulong si former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).


Pero heto ang siste: nang makumpirmang fake news ang kumalat sa social media at hindi naman pala arestado si Sen. Dela Rosa, biglang nagsipaglumo ang mga anti-Duterte. Boom!


XXX


NAGING KATAWA-TAWA NA NAMAN SI SEN. PADILLA SA IMPEACHMENT TRIAL – Naging katatawanan na naman si Sen. Robin Padilla sa impeachment trial kaugnay ng pagtatanong niya sa witness na si COA auditor Roderick Wamil tungkol sa confidential funds ni VP Sara.


Inakala kasi ni Sen. Padilla na mga imbestigador ang mga taga-COA. Nang tanungin niya si Wamil ng, "Kayo po ang humahawak ng investigation sa confidential funds," agad itong itinuwid ng COA auditor sa pagsasabing, "Hindi po investigation, evaluation po."

Dahil mali ang tanong ni Senator-Judge Padilla, itinama siya ng witness tungkol sa mandato ng COA na magsagawa lamang ng evaluation at hindi ng imbestigasyon. Dahil dito, naging viral na naman ang senador at muling pinagtawanan sa social media.


Sa totoo lang, wala namang kapangyarihan ang COA na magsagawa ng imbestigasyon. Ang mandato nito ay suriin o i-evaluate ang paggasta ng pondo ng bayan. Kapag may nakita silang kahina-hinala, ipinapaalam nila ito sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ), na siyang may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon. Period!


XXX


‘PAG NA-POSTPONE ANG BSKE 2026, SAKIT-ULO ANG MGA KAKANDIDATO DAHIL MALAKI NA NAGASTOS NILA, TAPOS WALA PALANG ELEKSYON – May mga kongresistang nagsusulong na ipagpaliban ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2026 at ilipat ito sa Nobyembre 2028.


Kung matutuloy ang pagpapaliban ng BSKE 2026, tiyak na magiging sakit ng ulo ito para sa mga naghahandang kumandidato sa halalang pambarangay. Malaki na ang nagastos ng ilan sa paghahanda, pero wala palang eleksyon sa Nobyembre 2026. Boom!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May katanungan po ako tungkol po sa balak naming pagpapakasal na gagawin sa ibang bansa ng same-sex partner ko. Ano po ang magiging katayuang sibil namin dito sa Pilipinas pagkatapos ng kasal namin? Parehas po kaming Pilipino. Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat po. — Nate





Dear Nate,


Sa ilalim ng batas ng ating bansa, ang pagtukoy sa katayuan, kondisyon, at legal na kapasidad ng isang tao, maging siya man ay Pilipino o dayuhan, ay pinamamahalaan ng prinsipyo ng nasyonalidad (lex nationalii). Alinsunod sa Artikulo 15 ng New Civil Code of the Philippines, ang mga batas na may kinalaman sa mga karapatan at tungkulin sa pamilya, gayundin sa katayuan, kondisyon, at legal na kapasidad ng mga mamamayang Pilipino, ay nananatiling may bisa sa kanila kahit sila ay naninirahan o nasa ibang bansa. Nakasaad sa Artikulo 15:


"ARTICLE 15. Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad."


Kaugnay nito, mahalaga ring isaalang-alang ang Artikulo 26 ng Family Code of the Philippines (Executive Order No. 209), na tumatalakay sa bisa ng mga kasal na isinagawa sa ibang bansa. Ayon sa nasabing probisyon, ang isang kasal na ipinagdiwang sa labas ng Pilipinas, alinsunod sa batas ng bansang pinangyarihan nito at kinikilalang may bisa roon ay kikilalanin din sa Pilipinas, maliban sa mga kasal na kabilang sa mga ipinagbabawal ng mga Artikulo 35(1), (4), (5), at (6), 36, 37, at 38 ng nasabing Code. 


Ipinakikita ng nasabing probisyon na kinikilala ng Pilipinas ang prinsipyo kung saan ang isang kasal na may bisa sa bansang pinangyarihan nito ay, bilang pangkalahatang tuntunin, kikilalanin din bilang may bisa sa Pilipinas (lex loci celebrationis). Gayunpaman, ang prinsipyong ito ay may limitasyon. Hindi ito mailalapat sa mga kasal na sumasalungat sa mga pagbubukod na itinakda ng batas o sa pampublikong patakaran (public policy) ng bansa.


Mahalaga ring banggitin na malinaw na itinatadhana ng Family Code na ang kasal ay isang espesyal na kontrata ng permanenteng pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Dahil dito, ang kasal sa pagitan ng dalawang taong may parehong kasarian ay hindi kinikilala sa ilalim ng umiiral na batas ng Pilipinas. 


Dahil dito, bilang tugon sa iyong katanungan, kung magpapakasal kayo ng iyong same-sex partner sa ibang bansa, ang naturang kasal ay hindi kikilalanin bilang may bisa (valid) sa ilalim ng batas ng Pilipinas, sapagkat wala pang umiiral na batas na nagpapahintulot sa same-sex marriage sa ating bansa. Dahil dito, para sa mga layunin ng batas ng Pilipinas, ang iyong katayuang sibil (civil status) ay mananatiling "single."


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 6, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa gitna ng dumarami at lumalalang mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng ating mga mag-aaral, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang mas aktibong pakikilahok ng ating mga local government units (LGUs) upang mapaigting ang seguridad sa ating mga paaralan.


Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act na inihain ng inyong lingkod, iminungkahi nating palawakin ang saklaw ng maaaring paggamitan ng Special Education Fund (SEF) upang magamit ito sa pagkuha ng mga security personnel sa mga pampublikong paaralan.


Matatandaang sa ilalim ng Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160), nagmumula ang SEF sa isang porsyentong buwis na binabayaran sa real property. Ang mga local school board naman ang nagpapasya kung paano gagastusin ang SEF sa mga pangangailangang pang-edukasyon ng kanilang mga nasasakupan.


Sa ilalim ng Local Government Code, pinamumunuan ng gobernador at division superintendent ang local school board ng mga probinsya. Sa mga lungsod naman, pinamumunuan ang local school board ng alkalde at ng division superintendent. Sa mga munisipalidad, ang alkalde at ang district supervisor ang namumuno sa local school board.


Madalas ginagamit ang SEF para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan. Ngunit sa ilalim ng inihain nating panukalang batas, layon nating palawakin ang saklaw ng maaaring paggamitan ng SEF, kabilang ang pagkuha ng mga security personnel.


Sa ilalim ng ating panukalang batas, maaari na ring gamitin ang SEF para sa mga bagay tulad ng sahod ng mga child development workers at teachers, pagpapatupad ng Alternative Learning System, dagdag na honorarium at benepisyo sa mga guro na katumbas ng dagdag na serbisyo sa labas ng regular na oras ng klase, at iba pa.


Napapanahong talakayin natin ang mga panukalang ito sa gitna ng sunod-sunod na mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan. Sa katunayan, bahagi ng Common Legislative Agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang mga panukalang pag-amyenda sa Local Government Code upang mapalawak ang saklaw ng maaaring paggamitan ng SEF.


Makakaasa naman ang ating mga kababayan na patuloy na makikipagtulugan ang inyong Senado sa iba’t ibang mga sektor upang gawing mas ligtas ang ating mga paaralan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page