top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 7, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagkaalitan kami ng matalik kong kaibigan na si Klare dahil nagkagusto ang kanyang nobyo sa akin. Laking gulat ko na lamang nang ipinakita sa akin ng pinsan ko ang isang larawan ko na ipinaskil sa social media na may nakalagay na “For Sale.” Nais ko po sanang malaman kung makakapagsampa po ako ng kaso laban sa kaibigan ko na si Klare. — Sora





Dear Sora,


Ang iyong sitwasyon ay maaaring sakop ng Cyber Libel alinsunod sa Republic Act. (R.A.) No. 10175, o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012, na kinupkop ang depinisyon ng Libel o paninirang puri mula sa Artikulo 353 ng Revised Penal Code (RPC) of the Philippines. Ang Libel ay tumutukoy sa pampubliko at malisyosong imputasyon ng isang krimen, o ng isang bisyo o depekto, totoo man o haka-haka, o anumang kilos, pagkukulang, kondisyon, katayuan, o pangyayari na may posibilidad na magdulot ng kahihiyan, kasiraan, o paghamak sa isang natural o juridical na tao, o upang dungisan ang alaala ng isang tao. Nakasaad sa Artikulo 353 ng RPC na:


“ART. 353. Definition of libel.—A libel is a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa panulat ni Hon. Roberto A. Abad, sa kasong Disini vs. Secretary of Justice (G.R. No. 203335, February 11, 2014) ang mga elemento sa kasong libel:


“To find a person guilty of libel under Art. 353 of the Revised Penal Code, the following elements must be proved: (a) the allegation of a discreditable act or condition concerning another; (b) publication of the charge (c) identity of the person defamed; and (d) existence of malice.


Ayon sa nasabing kaso, upang mapatunayang nagkasala ng libel ang isang tao sa ilalim ng Artikulo 353 ng RPC, ang mga sumusunod na elemento ay dapat patunayan: (a) ang paratang ng isang hindi kapani-paniwalang kilos o kondisyon tungkol sa iba; (b) paglalathala ng paratang (c) pagkakakilanlan ng taong siniraan; at (d) pagkakaroon ng malisya.


Ang pagpaskil ng iyong litrato sa social media na may "For Sale" ay maaaring maituring na pagpaparatang ng isang nakapanlulumong kondisyon. Kung titingnan sa karaniwan at natural na kahulugan nito, ipinahihiwatig ng post na inaalok ka para ibenta, isang mensaheng makatwirang nauunawaan bilang nagpapahiwatig ng prostitusyon. Ang ganitong pagpaparatang ay malinaw na nakasisira ng reputasyon at nakababawas ng dignidad. Ito ay isang pangungutya at panghamak sa loob ng komunidad. 


Malinaw rin na ang litratong nai-post ay walang alinlangan at agad na matutukoy na ikaw. Ang malisya ay ipinapalagay sa bawat mapanirang paratang sa ilalim ng Artikulo 354 ng nasabing batas. Panghuli, ang post na "For Sale" ay nailathala sa social media na isang pampublikong plataporma. Ito ay nakita ng maraming tao, kasama na ang iyong pinsan.  


Kaya naman, walang dudang natutugunan ang kinakailangan na publikasyon sa sitwasyong ito. Bukod dito, dahil ang publikasyon ay ginawa sa publiko, sa pamamagitan ng social media, natutugunan din ang karagdagang kinakailangan sa digital na publikasyon ng Cyber Libel sa ilalim ng R.A. No. 10175.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 7, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SABLAY YATA ANG PAGTALAGA KAY EX-SEN. TOLENTINO SA DOLE KASI SA HALIP MAKAPAGBIGAY NG TRABAHO, DUMAMI PA ANG JOBLESS – Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas sa 4.9% ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.


Tila yata sablay ang pagtalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) kay dating Sen. Francis Tolentino bilang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), dahil sa halip na makapagbigay ng trabaho, ay dumami pa ang mga jobless na Pinoy. Period!


XXX


TILA APEKTADO SI SEN. LOREN LEGARDA SA INANUNSYO NI OMBUDSMAN REMULLA NA KAKASUHAN  SIYA AT ANAK NIYANG SI CONG. LEVISTE – Tila apektado si Sen. Loren Legarda sa inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na sasampahan sila ng kasong plunder ng senadora at ng anak nitong si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng umano'y P10 bilyong "ghost electricity project."


Tatlong araw nang hindi dumadalo sa impeachment hearing ang senadora.

Kung tutuusin, may dahilan si Sen. Legarda na mabahala dahil ang kasong plunder na isasampa sa kanila ni Ombudsman Remulla ay non-bailable. Ibig sabihin, kapag napatunayang guilty sa paglilitis ang mag-ina, pareho silang habambuhay na makukulong. Period!


XXX


MALAMANG KATATALAGA LANG KAY DOH SEC. PUJALTE, SIBAK AGAD ANG  AABUTIN NIYA ‘PAG NAPATUNAYANG LULONG SIYA SA PAGKA-CASINO – Mismong Malacañang na ang nagsabi na paiimbestigahan nito ang mga alegasyong lulong sa pagsusugal sa casino ang newly appointed Department of Health (DOH) Secretary Jose Brittanio Pujalte.


Kaya kung mapatutunayang totoo ang alegasyon, posibleng katatalaga pa lamang niya ay masibak na agad siya sa puwesto. Abangan!


 
 

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 7, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Ang sarap makita na unti-unting bumabalik ang kaayusan sa isa sa pinakakilalang pamilihan sa bansa. Kapag malinis ang paligid, maayos ang daloy ng publiko at sasakyan, at mas komportable ang pamimili, mas nararamdaman ng mga mamamayan na may direksyon at malasakit ang pamahalaan. 


Ang pagbabago sa Divisoria ay isang paalala na posible pa ring maibalik ang disiplina at kaayusan kung may malinaw na pamumuno at pagtutulungan.


Nang dahil kay Manila Mayor Isko Moreno, agad na nagbunga ang resulta ng kanyang pangakong tutukan ang paglilinis ng lungsod. Ang Divisoria at mga kalapit na lansangan ay naging mas malinis, mas maayos at mas ligtas matapos ang serye ng cleaning at clearing operations na isinagawa ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT).


Naalis ang maraming sagabal sa bangketa at kalsada kaya naging mas magaan ang daloy ng trapiko at mas ligtas ang paglalakad ng mga mamimili, residente at motorista. Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan upang maibalik ang disiplina sa lansangan at mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa Maynila.


Kapansin-pansin ang mas kaaya-ayang karanasan sa pamamalengke. Mas malinis ang paligid, mas organisado ang mga puwesto, at maraming panindang gulay, prutas at iba pang sangkap sa pagluluto ang mukhang sariwa at maayos ang pagkakaayos. Nakadadagdag din sa magandang karanasan ang magalang at magiliw na pakikitungo ng maraming tindero at tindera na nagbibigay ng mas magaan na pakiramdam sa mga bumibili.


Hindi maikakaila na ang ganitong pagbabago ay bunga ng maayos na pamamahala at mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa. Ngunit mahalagang tandaan na ang kalinisan ng Divisoria ay hindi lamang responsibilidad ng alkalde o ng mga kawani ng lungsod. Nakasalalay rin ito sa pakikiisa ng mga vendor, motorista, mamimili at bawat mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura, pagsunod sa mga alituntunin at paggalang sa pampublikong espasyo.


Karapat-dapat pasalamatan si Mayor Isko Moreno sa pagsisimula ng mga hakbang na nagbigay ng bagong mukha sa Divisoria. Ang isang pamilihang dati ay madalas iugnay sa matinding siksikan at kalat ay nagiging mas maayos at mas kaaya-ayang puntahan.


Gayunman, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mapananatili ang kaayusang ito sa paglipas ng panahon. Kapag nagpatuloy ang mahusay na pamumuno at nanatiling katuwang ang taumbayan, mas marami pang pampublikong lugar ang maaaring maging malinis, ligtas at maipagmamalaki ng bawat Manileño at ng buong bansa. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page