top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 9, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez




SA STATEMENT NI OMBUDSMAN REMULLA, WARING 'PUMALDO' KAY CONG. ROMUALDEZ ANG 4 EX-SEKYU NI ZALDY CO NA BUMAWI NG TESTIMONYA – Umuusok sa galit si Ombudsman Boying Remulla matapos niyang ibulgar na ang kampo umano ni Leyte 1st Dist. Rep. at dating Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating bodyguards ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa nauna nilang testimonya na nag-deliver sila ng male-maletang pera sa dating House Speaker.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Ombudsman Remulla na nabigyan ng maleta ng pera ang apat na dating bodyguards ni Zaldy Co kaya binawi nila ang nauna nilang alegasyon laban kay Cong. Romualdez. Boom!


XXX


KAHIT BINAWI NG 4 EX-SEKYU NI ZALDY CO ANG NAUNANG ALEGASYON NILA KAY CONG. ROMUALDEZ, TULOY PA RIN ANG KASO SA DATING SPEAKER – Ayon kay Ombudsman Remulla, kahit daw “nilinis” ng apat na dating “sekyu” ni Cong. Zaldy Co ang pangalan ni Cong. Romualdez, itutuloy pa rin daw ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder laban sa dating speaker dahil may apat pang testigong natitira na hindi pa binabawi ang kanilang testimonya.


Para sa kaalaman ng publiko, sa 18 sinasabing naging ex-bodyguards ni Zaldy Co, walo lamang ang naberipika ng Office of the Ombudsman na talagang naging “tao” ng dating Ako Bicol congressman. Dahil ang walong ito ang sinasabing may direktang partisipasyon sa pagdedeliber ng male-maletang pera kay Cong. Romualdez, sila lamang ang kinuha ni Ombudsman Remulla bilang mga testigo laban sa dating speaker.

Ika nga, kahit bumaligtad na ang apat, may natitira pang apat na testigo, kaya masasabing wala talagang lusot sa kasong plunder si Cong. Romualdez. Boom!


XXX


KAPAG SA AMERIKA NAKULONG SI QUIBOLOY WALA NA SIYANG LAYA, PERO KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, TIYAK LALAYA SIYA – Ginagawa ngayon ng mga abogado ni Pastor Apollo Quiboloy, na nakakulong sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong qualified human trafficking at sexual abuse of minors sa Pilipinas, ang lahat ng paraan upang pigilan ang extradition request ng Amerika para isuko ng Philippine government ang pastor sa hurisdiksyon ng US.


Sa Amerika, nahaharap naman si Quiboloy sa mga kasong sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children at bulk cash smuggling.


May dahilan ang kampo ni Quiboloy na harangin ang extradition request ng Amerika dahil kapag nadala ito sa US, malabo na itong makalaya. Kasi dito sa Pinas, kapag naging presidente si VP Sara Duterte, malaki ang tsansa nitong makalabas sa kulungan sa pamamagitan ng pag-dismiss sa kanyang mga kaso o kaya kahit sa pamamagitan ng piyansa. Period!


XXX


PARANG MISMONG MALACAÑANG NA ANG NAGSABI NA LUGMOK ANG EKONOMIYA NG ‘PINAS SA ILALIM NG MARCOS ADMIN – Ikinalungkot ng Malacañang ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng bansa.


Ang ibig bang sabihin niyan ay inaamin ng Malacañang na lugmok ang ekonomiya ng ‘Pinas sa ilalim ng Marcos administration? Boom!


 
 

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 9, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Pasaway na taxi driver, pasaway na serbisyo—at kapag turista ang napagdiskitahan, hindi lang isang pasahero ang napapahiya kundi pati ang bansang dapat sana’y nagpapakita ng maayos na pagtanggap.


Kaya tama lamang ang ginawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang suspendihin ng 30 araw ang operasyon ng taxi na iniuugnay sa reklamo ng isang foreign tourist dahil sa umano’y sobrang singil sa pamasahe. Naging viral sa social media ang insidente matapos umanong singilin ng P2,000 ang turista para sa maikling biyahe mula Ninoy Aquino International Airport at payagang sumakay ang isa pang pasahero.


Dahil dito, naglabas ang LTFRB ng show cause order laban sa operator upang hingan ito ng paliwanag sa umano’y paglabag sa mga panuntunan sa pampublikong transportasyon. Inatasan din ang operator na isuko muna ang plaka ng taxi at ipasailalim sa drug test ang driver. Inaasahang magsusumite ang operator ng notarized explanation sa pagdinig sa Agosto 19, 2026.


Mahalagang linawin na ang suspension ay pansamantalang hakbang habang nagpapatuloy ang proseso at hindi pa nangangahulugang pinal na napatunayang may pananagutan ang operator. Bahagi ito ng due process na dapat sundin sa anumang reklamo.


Hindi dapat gawing pagkakataon ang taxi para pagsamantalahan ang sinumang pasahero. Pilipino man o dayuhan, may karapatan ang bawat commuter sa makatarungan, ligtas at maayos na serbisyo. Mas lalo itong mahalaga sa mga turistang unang nakikita ang bansa sa sandaling lumabas sila sa paliparan.


Kung ang unang karanasan ng isang turista ay paniningil nang sobra, panlalamang o hindi maayos na serbisyo, maaaring iyon ang maging unang impresyon niya sa Pilipinas. Sayang ang turismo, sayang ang tiwala, at sayang ang magandang pangalan ng ating bansa.


Nagbabala ang LTFRB na maaaring humarap sa suspension o pagbawi ng prangkisa ang mga driver at operator na mapapatunayang lumabag sa mga regulasyon. Makatarungan lamang na maging mahigpit ang pagpapatupad dahil ang prangkisa ay hindi lisensya para manlamang ng pasahero.


Hindi rin dapat matapos sa isang suspension ang ganitong usapin. Kailangang tuluy-tuloy ang monitoring, malinaw ang fare information at mabilis ang pag-aksyon sa mga reklamo. Dapat maramdaman ng bawat pasahero na may ahensiyang handang umaksyon kapag nilabag ang kanilang karapatan.


Ang taxi ay bahagi ng mukha ng pampublikong serbisyo. Sa bawat biyahe, hindi lamang pasahero ang dinadala nito kundi pati ang tiwala sa ating sistema. Walang puwang ang panlalamang sa lansangan, at walang pasaherong dapat gawing biktima ng sobrang singil.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Sa kasalukuyan, ang nanay ko po ay matanda na at may iniindang mga sakit. Ngunit dahil nagtatrabaho ako ay hindi ko siya matutukan sa buong araw, kaya napagpasyahan ko na kumuha ng caregiver. Gusto ko lang pong malaman kung kailangan ko po ba bayaran ang caregiver ng 13th month pay kasi kasama po ito sa hinihingi niyang benepisyo sa akin.


— Florencia





Dear Florencia,


Una sa lahat, alamin natin ang konsepto ng 13th month pay. Ayon sa Presidential Decree (P.D.) No. 851, ang 13th month pay ay katumbas ng 1/12 ng suweldo na kinikita ng isang empleyado sa loob ng isang taon. 


Kaugnay nito, mahalagang maintindihan natin kung sinu-sino ba ang mga empleyado na may karapatan sa 13th month pay. Ayon pa rin sa nasabing batas, ang mga empleyado na itinuturing na rank-and-file employees na nakapagtrabaho ng kahit isang buwan sa kanyang amo, ay maaaring magkaroon ng karapatan sa 13th month pay. 


Ano naman ang katayuan ng isang caregiver sa ilalim ng batas ukol sa 13th month pay? Ayon sa Section 11 ng Republic Act (R.A.) No. 11965, o ang Caregivers' Welfare Act


“Section 11. Thirteenth Month Pay. - A caregiver who has rendered at least one (1) month of service is entitled to a thirteenth month pay which shall not be less than one-twelfth (1/12) of his/her total basic salary earned in a calendar year.


The thirteenth month pay shall be paid not later than December 24 of every year or upon separation from employment.”


Batay sa nasabing mga batas, ang mga caregiver na nakapagtrabaho ng kahit isang buwan ay may karapatan na tumanggap ng karampatang halaga ng 13th month pay. Kaya naman, may basehan sa batas ang hiling ng kukunin mong caregiver na mabigyan ng 13th month pay.


Bilang panghuli, ang caregiver sa ilalim ng nabanggit na batas ay tumutukoy sa:


“Section 3. Definition of Terms. - For purposes of this Act, the following terms shall mean:


(a) Caregivers refers to a person, at least eighteen (18) years of age, who renders services as enumerated under Section 7 of this Act and shall include the following:


(1) Licensed health care professionals who listed themselves voluntarily with the Department of Labor and Employment (DOLE) as caregivers;


(2) Any person duly assessed and certified by the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upon compliance with any of the following:


(i) Graduate of a caregiving qualification who achieved the required competencies;


(ii) Graduate of allied health care courses of an educational and/or accredited training institution; or


(iii) Practitioner or any person with prior learning and/or experience who has undergone competency or portfolio assessment.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page